Lunar 2: The Machine

389 26 3
                                    

Maaga akong nagising at nagtungo sa minahan.

"Magandang balita! Simula labing-tatlong taong gulang ay maaari nang magsimula sa pagtatrabaho sa minahan at maging mga bagong bayani!"

"Enerhiya at hangin para sa magandang buhay."

Napapadalas na ang pagkawala ng kuryente sa ibabang sektor nitong mga nakaraang araw. Dahil sa pagbaba ng bilang ng nakukuhang mineral nitong mga nakaraang buwan sa mga minahan, kaya binigyan kami ng derektiba na magdagdag ng oras sa trabaho para mapunan ang kakulangan sa mineral. Tiyak na dadami pa ang kaso ng mga minerong nagkakaroon ng Sudden Unexpected Death Syndrome dahil sa sobrang pagod at stress.

Naabutan ko si Glym na nakikiosyoso sa ilang mga minero. Nilapitan ko sya.

"Flint, narinig mo na ba ang usap-usapan sa bayan?" pasimpleng bulong ni Glym.

"Usap-usapan?"

"Oo," tango niya. "Dumarami na raw ang bilang ng mga Zargon sa labas ng tarangkahan."

"T-talaga?" pag-aalala ko.

Ang mga Zargon ay mga nilalang sa labas ng tarangkahan ng lungsod. Balot ng kaliskis ang katawan, matatalas ang mga ngipin, mahahaba ang tainga at mahahaba ang mga kuko, gamit sa pagpunit sa balat ng kanilang mga biktima. Wala pang nakakikita sa mga Zargon, pero kinatatakutan sila dahil kumakain sila ng laman ng tao. Itinuturing silang mga halimaw.

Hindi pa malinaw kung saan sila nagmula at tanging ang bakal na tarangkahan ng Atlantika lamang ang tanging bagay na naghihiwalay sa amin sa kanila.

Napahalukipkip si Glym. "Ang balita ko pa, magsasagawa ulit ng paglusob ang kapitolyo sa kuta ng mga Zargon, gaya nang lagi nilang ginagawa."

Ibinaba ko ang hawak kong piko at napa-iling. "Itataas na naman ng kapitolyo ang buwis dahil d'yan."

"Mabuti na 'yon kaysa naman maging hapunan tayo ng mga Zargon," aniya.

Napabuntonghininga ako. "Gumising ka nga, Glym. Halata namang ginagamit lang ng kapitolyo ang mga Zargon para takutin tayo at makakuha ng mas mataas na buwis sa mga residente. Ni hindi nga natin alam kung totoo ang mga Zargon."

Napakuskos siya ng mukha. "Ayan ka na naman, Flint. Ang lawak ng imagination mo e. Kaya ka nai-stress! Mahal tayo ng kapitolyo, okay?"

Huminga ako ng malalim at muling bumalik sa trabaho.

"Teka, Flint, maiba ako," muli niyang usap. "Hindi mo pa rin ba kinakausap si Lua?"

"Hindi pa."

"Bakit?"

Napakamot ako ng ulo. "Hindi ko kasi alam kung pa'no siya sisimulang kausapin."

Inakbayan niya ako at binulungan. "Siguro simulan mo sa word na hello. Magtutuloy-tuloy na 'yon."

Napatakip ako ng ilong. "Simulan mo na rin kayang magsipilyo para magtuloy-tuloy pa ang friendship natin."

Kasalukuyan kong tinitibag ang malaking bahagi ng pader nang mga sandaling iyon nang tumunog ang serena, hudyat ng sandaling pahinga para sa mga minero.

"Ayos!" Mabilis na tinanggal ni Glym ang suot na helmet. "Magmemeryenda muna ako," aniya. "Sasama ka ba?"

"Hindi. Nagtitipid ako e," sagot ko.

"Sige. Ikaw ang bahala."

Patuloy ang pagtaas ng bilihin pero hindi naman tumataas ang sweldo. Mauubos lang ang pera ko sa mahal ng mga bilihin. Sa bahay na lang ako kakain. Meron pa akong tirang pinagsamantalahang tilapya kagabi tska binastos na bangus.

Ipinagpatuloy ko ang pagtatrabaho...

Sunod-sunod na mga hampas ang pinakawalan ko sa pader sa harapan ko. May natamaan akong isang kakaibang bagay. Binitiwan ko sandali ang hawak kong piko at naghukay gamit ang mga kamay ko. Laking gulat ko nang tumambad sa harapan ko ang isang lumang makina. Balot ng putik at yari sa metal. Bahagya akong natigilan. Noon lamang ako nakakita ng ganoong bagay---isang makinang anyong tao.

Pinahid ko ang namuong lupa sa bahaging dibdib ng makina. Naka-ukit ang salitang Zee sa kaliwang dibdib nito.

Baka mapagkakakitaan ko ang mga piyesa ng makinang iyon kaya't pilit ko 'yong binuhat, isinilid sa karitela at tinakpan ng trapal.

***

Isang nakakapagod na araw ang lumipas. Pabalik na kami ni Glym sa gusali. Kasalukuyan kaming nakasakay sa loob ng kakaragkarag na elevator. Katabi ang karitelang balot ng tela. Maswerte ko iyong naipuslit palabas ng minahan, kasabay ng mga gamit ko pang-mina.

"Ano ba 'yang dala mo, Flint?" usisa ni Glym.

"Ah. Wala. Mga gamit ko."

"E, ba't parang andaming laman?"

Tumango-tango ako. "Sige-sige. Sasabihin ko sa 'yo, pero, h'wag kang maingay," ani ko. "Nakahukay ako ng isang lumang makina."

"Ha?! Patingin!" Amba niyang bubuksan ang tabing pero mabilis kong tinapik ang kamay niya.

"Huwag mong galawin."

"Bakit?"

"Hindi ko pa alam kung ano talaga ang makinang  'yan. Baka may bomba 'to sa loob."

"B-b-bomba?! N-nagdala ka ng bomba sa gusali natin??!"

"Tss. 'Wag ka ngang OA. Hindi ko pa nga alam, 'di ba?"

Nasa kalagitnaan kami ng pagtatalo ni Glym nang huminto ang elevator na sinasakyan namin sa isang palapag. Laking gulat ko nang muli kong masilayan ang mala-anghel na mukha ni Lua.

Pumasok sya sa loob ng elevator.

Kinakabahan ako. Hindi ko pa rin makalimutan ang katangahan ko no'ng nakaraang umaga. Imbes na makapuntos ako kay Lua, lalo pang nag-negative.

Tahimik na nakatayo si Lua sa pagitan namin ni Glym nang muling umalingasaw sa buong elevator ang isang nakasusulasok na amoy. Napangiwi ako ng mukha... Sa pakiwari ko, sira pa rin ang tiyan ni Lua.

Alam ko nahihiya si Lua, kaya't minabuti ko nang kausapin siya para makabawi sa atraso ko sa kaniya.

"Okay lang 'yan," bulong ko sa kaniya. "Lahat naman ng tao umuutot."

Hindi umimik si Lua. Mukhang galit pa rin siya sa akin.

Huminga ako ng malalim at mabilis kong sininghot ang amoy sa paligid. " Ahhh! Tignan mo, hindi naman siya mabaho. Sakto lang."

Sumimangot siya, hindi umimik at dire-diretsong lumabas ng elevator.

Malas. Mukhang galit talaga siya. 'Di bale, ang mahalaga, alam niyang kaya kong singhutin ang amoy ng utot niya ng walang hinihinging kapalit.

Bigla akong kinalabit ni Glym. "Uy, Flint, naamoy mo ba 'yon?"

"Oo. Sira pa rin ata 'yong tiyan ni Lua."

"Tangeks. Ako 'yon."

"Puta! Pweh!"

***

Kumain ako. Nagsipilyo at nagpalit ng damit. Naisip kong tignan muna ulit ang makinang iyon kaya't inilapag ko iyon sa sahig at hinawi ang nakabalot na trapal.

Luma at kinakalawang na ang mga bahagi ng makina. Mukhang mahabang panahon na 'tong nakabaon sa ilalim ng karagatan.

Binuksan ko at sinilip ang loob ng makina. Laking gulat ko ng makitang malinis ang mga piyesa nito. Naagaw agad ang atensyon ko ng isang maliit at kulay gintong na chip na nakakabit sa loob ng kaniyang kanang dibdib. Napangiti ako. Sinubukan ko yong bunutin, pero matigas.

Kumuha ako ng pliers at sinubukan ulit na bunutin yon. Matigas talaga. Nakakainis. Pinilit ko pa nang pinilit pero ayaw gumalaw. Sa inis ko hinampas ko yon ng malakas. Nagkislapan ang mga wires at circuit sa dibdib ng makita bago pumutok. Napatilapon ako at nagpagulong-gulong ako sa sahig. Napangiti ako ng pilit bago nawalan ng malay.

~•○●° ATLANTIKA °●○•~
Salamat po sa pagbabasa. Sana ay napasaya kita.

Atlantika (Completed)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon