Lunar 12: Limbs of Steel

264 19 0
                                    

Dahan-dahan kong iminulat ang aking mga mata. Natagpuan ko ang aking sarili sa loob ng isang maliit na silid---nakahiga sa isang maliit at matigas na higaan. Wala akong ideya kung nasaan ako. Wala na akong maalala matapos ang huling bahagi ng palaro.

"Flint!!" mahigpit at biglang yapos sa akin ni Lua na nakaupo sa tabi ko at tila hinihintay lang ang pag-gising ko. Grabe. I'm so pogi.

"L-Lua??"

"A-akala ko hindi ka na magigising," labis na pag-aalala sa kaniyang tinig.

"Lua..."

"Flint..."

Napapaling ako ng tingin palayo sa kaniya. "Pasensya ka na... Hindi kita nailigtas," inis ko sa sariling ani.

Umiling siya. "Hindi, Flint. Kasalanan ko, nahuli ako sa pagdating."

Tinignan ko siya ng diretso sa mga mata. "Lua..."

Ipinikit ko ang aking mga mata at dahan-dahang inilapit ang aking nguso sa kaniyang mga labi. Isang singhal ang narinig kong binitiwan niya.

"Flint!!"

Kasunod ng isang marahas na sungalngal ang inabot ko.

"Aray naman!" himas ko sa mukha ko.

Naghalukipkip siya at inirapan ako. "Nakakainis ka naman, e!"

"S-Sorry. Nadala lang ako," ngisi ko.

Dahan-dahan akong bumangon at umupo sa aking kinahihigan. Iniikot ang paningin sa paligid. Nakita ko sa tabi ng aking higaan ang isang maliit na mesang yari sa kahoy. Sa ibabaw ng mesa makikita ang mga nakabalunbon at duguang mga tela, mga rementa at mga piraso ng bakal.

"Ano'ng nangyari, rito?" tanong ko.

Hindi agad siya nakasagot.

Napabalikwas ako ng tayo nang matapunan ko ng tingin ang aking braso. "A-a-ang b-braso ko!?"

Laking gulat ko nang makita kong yari sa bakal ang buo kong braso. Kulay pilak at mula kanang balikat hanggang sa kadulo-duluhan ng aking mga daliri sa kamay.

"S-sandali!" hindi ko mapaniwalaang tugon. "Lua, anong nangyari sa 'kin??"

"Naputol ang kanang braso mo no'ng huling bahagi ng palaro, kung kaya't kinailangan kang kabitan ni Jeru ng bakal na braso."

"J-Jeru? Sinong Jeru?!" Napapaling din ako ng tingin sa kausotan ni Lua. "T-tsaka bakit ganiyan ang suot mo?" pansin ko sa suot niyang mahaba at eleganteng roba.

Hinawakan niya ang aking bakal na kamay. "Sumama ka sa akin," aniya.

Dinala ako ni Lua sa labas ng kubol. Tumambad sa akin ang isang maliit na bayan sa loob ng isang abandunadong lagusan. Nakita ko ang ilang mga mamamayang Zargon na abala sa kani-kanilang mga gawain. Mga batang naglalaro, mga matatandang nag-uusap at nagbubulungan. Ang ilan ay nakatingin sa akin.

Isang batang Zargon ang lumapit sa akin, dala ang isang maliit na bagay.

"Kuya, tignan mo!" Halos matikman ko na ang nanlilimahid na bagay na iyon nang ihambalang niya sa harap ng mukha ko.

Kinuha ko ang bagay na iyon at pinagmasdan kong mabuti. Hindi ako makapaniwala. Isa iyong...

"Kinakalawang na lata? Nice." sarkastiko kong saad.

"Hindi 'yan lata!" inis na iling ng bata.

Naningkit ako ng tingin. "Alam ko ang itsura ng lata kapag nakakita ako ng isa."

"Hindi kasi 'yong lata ang ipinapakita ko! Tignan mo 'yong nasa loob." Malaking ngisi ng bata.

Nakita ko sa loob ng maliit na lata ang isang munting halaman na nakakapit sa kapiranggot na bato.

Atlantika (Completed)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon