A/N: SBC Short Story Contest Entry ( Rank #9 )
*****
Maganda raw ang buhay sabi nila. Gusto ko maniwala pero paano? Anak mahirap ako. Bunso sa tatlong magkakapatid. Sa edad kong labing tatlo, naranasan ko na ang hirap ng buhay. Wala kaming permanenteng tirahan. Nangungupahan lang kami at dahil salat sa salapi ay pinapalayas kami tuwing hindi nakakabayad ng renta sa loob ng ilang magkakasunod na buwan. Para kaming mga nomad, lagalag. Hindi lang sa literal na pakahulugan ngunit pati na rin ang buhay namin. Walang direksyon at tila walang patutunguhan.
Pinag-aaral si ate sa kolehiyo noon pero nabuntis siya at maagang nag-asawa. Galit na galit naman si Tatay. Binigo raw siya ni ate. Pinagsusunog niya ang mga lapis at iba pang gamit namin sa eskwela. Pinahinto niya kami ni kuya sa pag-aaral dahil nadala siya kay ate. Kung halos igapang niya makapag-aral lang pero ganoon lang ang nangyari. Masamang-masama ang loob ko kay ate dahil gusto ko talagang mag-aral at makapagtapos. Kung sino pa iyong may pangarap, siya pa ang pinagkakaitan ng pagkakataon.
Naglalakad ako pauwi galing sa kainang pinagtatrabahuhan ko nang may biglang umakbay sa akin na isang malaking lalaki. Pasuray-suray kami sa paglalakad dahil tila nakainom siya.
"Akin na pera mo, bilis!" singhal niya sa akin.
"Kuya, huwag naman po. Barya lang po ang ibinayad sa akin. Kailangan ko rin po ito," pakiusap ko. Tila nagalit pa siya kaya itinulak niya ako sa pader at sinakal.
"Ibibigay mo ba o papatayin kita?" galit niyang tinuran. Dumukot siya sa bulsa ng palda ko at nakuha ang luma kong kalupi.
"H-huwag p-po."
Naghahari man ang takot sa buong katawan ko, dinukot ko ang lapis na nasa bulsa ng bag ko at sinaksak ko siya sa tagiliran. Bahagyang bumaon ang lapis sa tagiliran niya. Hindi ako papayag na makuha niya ang pinaghirapan ko. Mga singhal at mura ang tiniis ko, kumita lang.
Nabitiwan niya ako at namilipit sa sakit habang walang tigil ang pagtilapsik ng dugo mula sa kanyang sugat. Tatakas na sana ako pero naalala kong hawak niya ang kalupi ko.
"Aaahhh! Walang hiya kang bata ka!" sigaw niya sa akin. Hinawakan niya ang lapis at mabilis na tinanggal iyon sa kanyang tagiliran. "Humanda ka sa'kin!"
"Huwag po," umiiyak kong nasabi.
Akmang dadakmain niya na ako nang may marinig akong pito. Dalawang pulis ang tumatakbo palapit sa amin.
"Anong nangyari Ineng?" untag ng isa sa dalawang pulis.
"Iyong pera ko po, kinuha niya. Kapag hindi ko raw po binigay, papatayin niya raw ako," sagot ko sa pagitan ng aking mga hikbi.
"Berto, lasing ka na naman. Pati bata binibiktima mo samantalang pwede ka namang magtrabaho para magka-pera ka," naibulalas ng isang pulis. "Akin na ang pera niya."
Wala naman itong pag-aatubiling ibinigay ang aking kalupi. Iinabot din naman ito agad sa akin ng pulis.
"Sige na Ineng, umalis ka na. Sa susunod mag-iingat ka. Kami na bahala sa kanya."
Tumakbo ako paalis. Binabayo pa rin sa kaba ang dibdib ko. Napahinto ako at napaupo sa labas ng isang tindahan nang makita ko iyong tindang lapis.
Oo nga pala, wala na akong lapis. Paano ako makakapagsulat kapag tinuturuan ako ni Niko? Paano na ako guguhit kapag gusto ko?
Malungkot kong tiningnan ang lapis sa kinalalagyan nito sa tindahan. Tiningnan ko ang aking kalupi at tanging singkwenta pesos lang ang laman nito. Kulang pa para sa pagkain namin ngayong gabi.
BINABASA MO ANG
A DREAMLAND JOURNEY
Random"A One-Shot Compilation" My dreams brought me in different places and situations. Writing is my way of expressing those unforgettable experiences and emotions.