LLLGuerraLiteraria Entry — Buwanang Patimpalak (Marso)
@First Place***
Sa gitna ng madilim na daan ay tumatakbo ako na para bang walang patutunguhan. Hinahabol ako ng mga taong nakatakip ang mukha, may dala silang baril at sarkastiko nilang isinisigaw na mahuhuli rin nila ako. Papatayin nila ako. Gusto nila akong makitang walang buhay upang maiwasan nilang umalingasaw ang katotohanang maari kong isambulat sa buong bayan. Ang pagkakamali nila, dapat noon pa nila ako pinatahimik. Pagkatapos ng mga nangyari, buo na ang loob ko. Isisiwalat ko ang kanilang lihim. Bibigyan ko ng hustisya ang pagkawala ni Tatay at ng mga inosenteng magsasaka na biktima ng kanilang maling gawain.
Dumiretso ako sa bahay ni Tony. Alam kong ligtas ako sa kanya at ang mga ebidensiyang hawak ko. Matapos ang ilang sigaw at sunud-sunod kong katok, bumukas din ang ilaw at pinagbuksan ako ng pinto. Nakita ko sa kanyang mga mata ang pag-aalala nang makita akong napahandusay sa kanyang harapan.
"Rowena!" naibulalas niya. "Nay, pakisara naman po ng pinto." Binuhat niya ako habang dali-dali namang tumakbo ang kanyang ina. Inihiga niya ako sa sofa.
"T-tony, p-patayin nila ako," wika ko.
"Ano ba'ng nangyari? Sino'ng may gawa niyan sa 'yo?" tanong niya naman.
Tadtad ng pasa ang aking nangangayayat na katawan. Dumudugo ang gilid ng aking labi dahil sa malakas na pagkakasapak sa akin. Namamaga ang aking mga mata dahil sa walang tigil na pag-iyak para sa pagkamatay ni Tatay at sa kaligtasan ko. Hindi ko na alam kung paano na ako pagkatapos nito o kung mapagtatagumpayan ko pa ba ang giyerang ito. Ang alam ko lang, kailangan ko pang mabuhay dahil hawak ko ang katotohanan na dapat malaman ng buong bayan. Kung magpapakaduwag ako, marami pang maaring magbuwis ng buhay.
"Sumama kami ni Tatay kay Kapitan Gregor. Balak ko sanang ilapit sa pulis ang natuklasan ko noong nakaraang linggo, pero hindi niya kami sa presinto dinala. Tauhan pala siya ni Mayor," kwento ko.
"Si Mayor Ramon?" naibulalas niya.
Muling nanariwa sa akin ang araw nang matuklasan ko ang isang malaking lihim. Pasado alas-kwatro noon ng pumunta ako sa opisina ni Mayor para papirmahan ang ilang mahalagang dokumento.
Pagkahawak ko sa hawakan ng pinto, natigilan ako dahil sa mga sigaw na nanggagaling sa loob. Inilapat ko ang aking tainga sa siwang ng pinto at pinakinggan sila.
"Gawin n'yo ang lahat para mapaalis ang mga magsasaka sa lupang 'yon. Lahat ng gusto ko, nakukuha ko!"
"Pero Mayor, ipinaglalaban nila ang kanilang karapatan sa lupa. May hawak silang titulo at wala tayong laban do'n."
"P'wes, patayin ang humarang! Kung maaring nakawin ang titulo at sunugin ang mga kabahayan, gawin n'yo!"
"Ano po ba'ng balak n'yo sa lupang 'yon?"
"Magpapatayo ako ng bahay do'n na siyang magsisilbi nating pagawaan ng droga. Naipangako ko na iyon kay Mr. Chu. Malulugi ang negosyo dahil sa sunud-sunod na pagsalakay ng mga pulis sa lungsod. Kailangan natin ng ligtas na lugar para magpatuloy ang operasyon."
Natigilan ako nang may biglang humawak sa aking balikat. Dahil sa gulat ay naitulak ko ang pinto.
"Ano'ng ginagawa mo rito? Hindi mo ba alam na masamang makinig sa usapan nang may usapan, Rowena?" wika sa akin ng isa kong katrabaho na itinulak ako papasok. Kasunod niyon ay ang paglagapak ng pinto.
Tinakot nila ako. Pinapili kung buhay ko kapalit ng pananahimik o tuluyan akong patatahimikin. Halos mawalan ako ng malay dahil sa malakas na kabog ng dibdib at panginginig ng aking katawan.
Nakiusap ako sa kanila, na h'wag akong sasaktan at ang aking pamilya. Nagmakaawa ako para sa aking buhay. Subalit, pakiramdam ko, marami akong inosenteng taong trinaydor.
Nagawa nga nila akong patahimikin dahil sa kanilang pananakot. Pinilit magbulag-bulagan sa kabila ng isang mabigat na dalahin sa dibdib. Wala akong nagawa kundi sumunod kahit labag iyon sa kalooban at prinsipyo ko.
Makalipas lamang ang ilang araw, nabulabog ang buong bayan dahil sa malaking apoy na lumamon saa kabahayan ng mga magsasaka. Maraming nasaktan. May ilang namatay. Umalingawngaw sa aking pandinig ang mga iyakan, lalo na ng mga bata, na nanginginig pa sa takot.Kung may ginawa sana ako, hindi ito mangyayari. Wala sanang nagdurusa. Wala sanang nagluluksa.
Binabagabag ang aking konsensiya dahil sa tanawing nagpapaluha sa aking mga mata. Dahil sa galit ko sa mga nangyari, nagkaroon ako ng tapang para magmasid sa mga kilos nila. Lihim akong nakikinig sa kanilang usapan. Kinailangan kong maging mas maingat. Hanggang sa matuklasan ko ang hingil sa isang libritong naglalaman ng listahan ng mga opisyal at negosyante na sangkot sa kanilang ilegal na gawain.
Sinamantala ko ang araw ng kapiyestahan para lihim na pasukin ang opisina ni Mayor. Mapalad kong nahanap ang libritong iyon pati na ang titulo ng lupain ng mga magsasaka, na ipinanakaw niya.
Upang protektahan ang pamilya ko, pinauwi ko sila sa Lolo at Lola ko na nakatira sa Maynila. Balak kong sumunod doon kapag naisiwalat ko na ang katotohanan. Nagpaiwan kami ni Tatay para gawin iyon, ngunit maling tao ang aming nalapitan.
Pinahirapan kami ni Tatay. Ilang araw kaming ikinulong sa isang abandunadong bahay. Hanggang sa makahanap kami ng pagkakataong tumakas. Bitbit ang aking bag na naglalaman ng mga ebidensiya, tumakbo kami palayo roon subalit sa kasamaang palad, nahuli nila si Tatay. Ginusto ko siyang balikan pero pinigilan niya ako."Takbo, anak! Iligtas mo ang sarili mo!" Kasunod ng kanyang sigaw ay ang mga putok ng baril.
Matapos kong isalaysay kay Tony ang mga pangyayari, kaagad siyang humingi ng tulong sa amang gobernador. Kilala itong mabuting tao at tapat sa serbisyo. Isa siya sa mga nagalit nang dahil sa sinapit ng mga magsasaka. Nalaman ko rin na pinaimbestigahan niya si Mayor, matapos ang pangyayaring iyon.
"Ako na ang bahala, Rowena. Magpagaling ka," bilin ni Tony.
"Sigurado ka bang mapagkakatiwalaan sila?" pag-aalala ko.
"Oo naman. Hindi kami katulad nila, magtiwala ka," paniniguro niya.
"Si Tatay?"
"Ipinapahanap ko na siya. H'wag kang mag-alala, mabibigyan ng hustisya ang mga biktima nila, pati kayo ng Tatay mo."
"Bakit kailangang mangyari 'to? Ginusto ko lang namang itama ang maling natuklasan ko." Napaluha ako.
"Sa panahon ngayon, kung sino ang naninindigan sa tama, siyang mali. Kadalasan, pinapatay nang walang kalaban-laban. Mapalad ka pa rin," seryoso niyang sagot.
"Natatakot ako, Tony."
"Hindi kita pababayaan. Mahal na mahal kita. Ako na ang kikilos para sa 'yo," pangako naman niya sa akin.
Nagtiwala ako sa kanya at hindi niya ako binigo. Isa siyang mahusay na alagad ng batas. Isang mabuting tao at mapagmahal na nobyo. Laking tuwa ko nang isang araw, bumungad sa amin ang balita hingil sa pagkakahuli kay Mayor at sa mga sangkot sa kanilang ilegal na negosyo. Naibalik sa mga magsasaka ang karapatan sa kanilang lupa. Nabigyan kami ng hustisya ni Tatay.
Sa kabila ng mga nangyari, hindi ako nagsisisi sa paglaban sa mali – sa paninindigan sa tama. Kailangang mayroong maglakas ng loob para ituwid ang baluktot para sa mas nakararami. Hindi ko pinangarap maging bayani, ang ayaw ko lang, may mga taong naaapi at nabibiktima ng masasamang tao. Masaya ako na kami ang nanalo sa giyera ng kabutihan at kasamaan. Masaya ako dahil nakatulong ako sa aking bayan.
---
BINABASA MO ANG
A DREAMLAND JOURNEY
Random"A One-Shot Compilation" My dreams brought me in different places and situations. Writing is my way of expressing those unforgettable experiences and emotions.