*PNYBattleLevelUp-Round 3 Entry* (Edited)
***
Bumper to bumper na naman ang mga sasakyan. Kay aga-aga, nakakunot-noo na naman ang mga biyahero – mga manggagawa’t estudyante na ito na ang pang-araw-araw na ruta. Ang mga tsuper naman, hindi lang kunot-noo kundi mainit ang ulo. Nakikisabay sa init ng araw. Minsan nga, humahantong pa sa sapakan – tsuper sa tsuper, kamao sa kamao.
***
Nagising ako mula sa pagkakaidilip sa parking lot ng kompanyang pinapasukan ni Fina. Nagbitaw siya ng malalim na buntong-hininga. Kapagdaka’y pinagsusuntok niya sa galit ang manibela.
"Aray ko naman, Fina. Nasasaktan ako!" singhal ko. Buti na lang hindi niya ako naririnig kundi baka kumaripas siya ng takbo.
"Nakakainis sila! Nakakainis! Lahat na lang ng gawin ko, mali. Lagi na lang ako ang nakikita!"
Binuksan niya ang stereo ko. Tulad ng kanyang nakagawian para mag-relax at libangin ang sarili.
"Letse!" naibulalas niya. Galit niyang pinatay ang stereo.
Natawa na lang ako. Ang galing namang tumayming ng pagkakataon. Kaya lang, bakit nga ba galit na naman itong si Fina?
Ini-start niya na ang aking makina at tahimik naming binaybay ang daan. Wala akong ideya kung saan kami patungo subalit batid kong dadaan kami sa paborito niyang lugar.
"Pssst!" sitsit na naulinigan ko mula sa katabi kong jeep nang magsimulang sumikip ang daan dahil sa trapiko. "Mercedes, busangot na busangot na naman ang mga amo natin, oh. Lalo na 'yang amo mo, p'wede nang sabitan ng sandok ang nguso."
"Sinabon na naman yata ng pogi niyang boss," tugon ko.
"Dapat d'yan buhusan ng tubig. Hindi yata nabanlawan kaya beastmode." Napahagalpak siya ng tawa.
"Sira ulo ka talaga, Jepoy! Ba't 'di mo tingnan 'yang sarili mo. Ilang taon na ba mula ng huli kang nalinisan?" pagtataray ko.
"Aba, traffic. Salamat naman," nakangiting nasabi ni Fina.
Sinasabi ko na nga ba. Mababagot na naman ako rito. Mabibilad na naman ang beauty ko. Madalas niyang samantalahin ang mabagal na usad ng mga sasakyan dahil sa posibilidad na magisa na naman siya sa trabaho o kaya sa pag-uwi niya sa tinatawag niyang war zone – ang bahay nila.
"May sayad yata ‘yang amo mo," wika naman ni Buste. Ang bus sa gawing kanan ko.
"Don’t you judge my boss! You have no idea what she’s going through. Besides, being stucked in the middle of a heavy traffic was her comfort zone," b'welta ko.
"Grabe! Biglang nag-mens ang tambutso ko, Mercedes." Napahagalpak din siya ng tawa.
"H'wag ka kasing nang-aano!"
Hindi na sila nakasagot dahil paunti-unti nang nakakausad ang trapiko. Nauna na kami sa kanila.
Nakangiting inilapat ni Fina ang kanyang likuran sa upuan. Napabuntong-hininga siya. Mayamaya'y biglang tumunog ang kanyang cellphone. Kaagad niya naman itong sinagot at sa wari ko ay ini-loud speaker niya iyon.
"Fina, nasa'n ka?" tinig ng kanyang matalik na kaibigan. Isang malabalyenang babae na minsan ko nang naisakay. Iyong tipong muntik nang ma-flat ang aking mga gulong.
"Nasa EDSA, ini-enjoy ang traffic."
"Hala? Nag-i-enjoy ka pa talaga?" naibulalas nito kasunod ng pagtawa.
"Alam mo namang sa gitna ng traffic ko lang natatagpuan ang katahimikan sa buhay ko. Kahit sabihin pang maingay rito, mainit at mausok. Dito ako nakakahinga mula sa pagkakasakal sa 'kin. Mabuti na rito kaysa sa bahay at sa opisina," paliwanag ni Fina.
BINABASA MO ANG
A DREAMLAND JOURNEY
Random"A One-Shot Compilation" My dreams brought me in different places and situations. Writing is my way of expressing those unforgettable experiences and emotions.