*PNYBattleLevelUp-Round 2 Entry*
***
Palapag pa lamang ng eroplano sa aking inang bayan, wala nang mapagsidlan ang saya sa aking puso. Kahit na nga ba maghihintay pa ako ng umaga para sa dose hanggang kinse oras na biyahe pauwi ng probinsya. Nasasabik na akong makita sina Inay at Itay. Gano'n din ang mahal kong si Neneng. Malaki na siguro siya. Sana magustuhan niya ang mga pasalubong kong damit, laruan at tsokolate.
Lulan ako ngayon ng isang bus pauwi sa Camarines Sur. Nakababagot at nakakapagod ang biyahe ngunit batid kung sandali na lang ang aking paghihintay. Makikita ko na at muling makakasama ang aking mga kamag-anak at kaibigan. Sa hindi kalayuan ay natatanaw ko na ang arko papasok sa aming bayan.
Hindi naman naglaon ay naramdaman ko ang unti-unting paghinto ng bus, kasunod ang pagsigaw ng konduktor. Nagmamadali akong bumaba bitbit ang aking dalawang bag. Ang ilan pa sa aking mga dala ay inilabas na ng konduktor mula sa istribo ng bus. Nilapitan naman ako ng tatlong binatilyo. Nag-aalok sa pagdadala ng aking mga bagahe kapalit ng konting halaga.
"Sige mga hijo, diyan lang sa bahay ng mga Bernales," utos ko. Dali-dali naman nila itong binuhat at pinangunahan ako sa paglalakad.
"Manay! Manay Lourdes!" nagtititiling salubong sa 'kin ng aking pinsan.
"Lydia!" nasasabik kong tugon. Niyakap ko siya nang mahigpit.
"Kumusta ang biyahe? Tamang-tama ang dating mo, bisperas ng piyesta ng ating patron ngayon," wika niya habang ngiting-ngiti.
Iginala ko naman ang aking paningin. Nag-aagaw na rin ang liwanag at dilim.
"Oo nga. Namumutiktik sa banderitas ang buong barangay," natutuwa kong tinuran.
Inabutan ko ng singkwenta ang tatlong binatilyo. Nagpasalamat naman sila at nakangiting umalis. Sinalubong naman ako nina Itay at Inay na abala sana sa mga gawain. Gano'n din si Neneng na mula nang yakapin ako ay halos hindi na bumitaw. Kinalong ko na lang siya saka muling niyakap.
"Neng, hindi ka yata nagmano sa Mama mo," puna ni Itay.
"Ayos lang po," tugon ko.
Kumakain ako nang makarinig ako ng mga kalabog at sigawan mula sa kabilang bahay.
"Ano 'yon?" tanong ko.
"Madalas talaga magbangayan ang mag-inang 'yan. Iba na ang mga kabataan ngayon," napapailing na sagot ni Lydia.
"Hindi naman napapanahon ang ugali ng isang bata. Hindi nag-iiba ang tama at mali sa bawat pagpapalit ng henerasyon. Nasa nakikita nila 'yan at sa gabay ng magulang," hindi ko pagsang-ayon sa kanya.
Napakibit-balikat na lang si Lydia na kalauna'y nagpaalam na rin na uuwi na.
Ilang sandali lang ay naisipan ko na ring pumasok sa kwarto namin ni Neneng pero ayaw pa rin akong dalawin ng antok sa kabila ng aking kapaguran. Maingay sa labas – mula sa mga nagkakantahan, nag-iinuman, malakas na tugtugan mula sa sayawan at mga taong nakatambay sa kalsada. Nagtungo na lamang ako sa terasa.
May ilang batang naglalaro ng tumbang preso at ang iba ay tila nagtataguan. Nakatutuwa nga namang maglaro ngayong gabi lalo na’t kabilugan ng buwan. Matao rin sa kalsada kaya siguro hindi natatakot ang mga bata. Sinasamantala nila marahil ang pagiging abala ng kanilang mga magulang. Para silang mga walang kapaguran.
Nangalumbaba ako. Minsan, masayang pagmuni-munihan ang ating kabataan. ‘Yong masaya ka na sa maliit na bagay. Nakakainggit ang kanilang kamusmusan. Naglakbay ang aking diwa sa nakaraan.
BINABASA MO ANG
A DREAMLAND JOURNEY
Random"A One-Shot Compilation" My dreams brought me in different places and situations. Writing is my way of expressing those unforgettable experiences and emotions.