SI MAX AT ANG MAHIWAGANG BINHI

20 0 0
                                    

---

Damang-dama na ni Max ang diwa ng pasko. Sa katunayan, kinagigiliwan niyang pagmasdan ang samu’t saring mga dekorasyong pampasko sa bawat tahanang nadadaanan niya sa pangangalakal. Kaya naman, hindi niya maiwasang mainggit sa mga ito. Lalo na sa mga kapwa niya bata na nakatatanggap ng mga regalo at nakakakain ng masasarap sa espesyal na araw na iyon. Samantalang sila ng kanyang ina, nagtitiyaga sa isang baso ng malabnaw at matabang  na kape; at isang piraso ng pandesal.

“'Nay, bakit po wala tayong malaking bahay katulad nila?” tanong niya sa inang aligaga na sa pag-aayos ng mga panindang kendi sa sakayan.

“Mahirap lang tayo, anak. Isa pa, aan’hin naman natin ang malaking bahay, e, tayong dalawa lang naman ang magkasama?” sagot naman nito sa anak.

Napatingin si Max sa luma ng larawan ni Hesus na nakadikit sa kanilang pinagtagpi-tagping dingding. “Hindi ba tayo mahal ng Diyos?”

“Nabubuhay tayo dahil sa pagmamahal niya, kaya h’wag na h’wag mong sasabihin 'yan. Sadyang may kanya-kanyang kapalaran lang ang mga tao. Mahirap man o mayaman, pantay-pantay sa pagtingin ng Diyos,” paliwanag ng kanyang ina.
Natahimik si Max.

Matapos niyang inumin ang natitira niyang kape, kinuha na niya ang kanyang sombrero para mangalakal. Ihahakbang niya na lamang ang mga paa palabas ng kanilang barung-barong nang may maalala siya.

“Bili rin po tayo ng parol, saka 'yong maliliit na ilaw na may iba’t ibang kulay.”

“Wala tayong kuryente, Maximo. Ang ibibili natin niyan, ibibili na lang natin ng pagkain,” pagtutol ng ina.

“Sige na po, 'Nay. Para masaya naman ang pasko natin,” giit niya.

“Wala tayong pera, anak. Sana maintindihan mo. Magiging masaya ang pasko kahit wala n’yan,” pagmamatigas naman ng inang napakunot ang noo.

“Mabuti pa sila. Nakakainggit talaga,” pagmamaktol niya.

“Anak, ilang ulit ko bang sasabihin sa 'yo na masama ang mainggit? May mga bagay na nakalaan sa bawat isa sa atin. Matuto kang makontento sa kung ano’ng mayro’n ka. Malay mo, mas higit pa 'yan sa nakikita mo sa iba,” pangaral ng ina na paulit-ulit nang naririnig ng anak.

Nang dahil sa hindi mapaglabanang inggit, sumama ang loob ni Max sa reaksyon ng ina.  Nangilid ang luha sa kanyang mga mata. Makailang beses pa siyang nagdabog.

“Kung bakit ba kasi hindi ako ipinanganak na mayaman. Sana naging katulad nila ako,” wika ni Max.

“Hindi ka ba masayang kasama ako?”

“Hindi po ako masaya sa buhay na ito. Sana hindi na lang ikaw ang naging Nanay ko.” Patakbo siyang lumabas ng bahay habang umiiyak.

“Max!” habol na tawag ng kanyang ina na labis na nasaktan sa mga sinabi nito.

***

Madilim na nang mapahinto si Max sa tapat ng isang malaking bahay na napalilibutan ng mga makukulay at kumukutikutitap na mga bombilya. Sa loob nito ay naririnig niya ang tawanan ng mga naglalarong bata.

Naalala niya ang kanilang bahay. Dapat kanina pa siya nakauwi kaya lang, masama pa rin ang kanyang loob sa ina dahil hindi siya nito pinagbigyan. Nagulat na lamang siya nang may isang matandang lalaki na lumapit sa kanya. Mahaba ang maputi na nitong buhok, kulubot na ang balat, nakatungkod at nakasuot ng marusing na puting damit.

Naabot mo na ang dulo ng mga na-publish na parte.

⏰ Huling update: Jul 13, 2018 ⏰

Idagdag ang kuwentong ito sa iyong Library para ma-notify tungkol sa mga bagong parte!

A DREAMLAND JOURNEYTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon