Entry in CSHS Pagsulat ng Alamat - Writing Contest
*****
Tagaktak ang kaniyang pawis sa gitna ng madilim na gabi. Nanginginig ang mga tuhod niya sa bawat hakbang. Tila sampung kabayo naman ang nagkakarera sa kaniyang dibdib. Alerto sa bawat ihip ng hanging nagpapahiwatig ng panganib. Buong tapang na binabagtas ni Anding ang madilim na daang pauwi sa kaniyang mag-ina. Tanging ang liwanag ng bilog na buwan ang kaniyang gabay. Sa kabila ng takot, pilit niya pa ring ginustong makauwi dahil mas natatakot siya para sa kaligtasan ng kaniyang pamilya. Lalo na't nagdadalang-tao ang kaniyang asawa.
Umigting pang lalo ang kaba sa kaniyang dibdib nang makarinig ng pagaspas ng mga pakpak. Sinundan nang mahinang tinig ng isang nilalang na batid niya kung ano. Binilisan niya pa ang kaniyang lakad hanggang sa halos tumatakbo na siya.
"Oy Anding, bakit ka tumatakbo? Mukha ba akong maligno? Ikaw talaga oh," nakangising wika ni mang Kaloy na halatang nakainom.
"Mang Kaloy, nandiyan na ang wakwak! Tumakbo ka na!" tugon ni Anding na tuluyan nang tumakbo. Tila nahimasmasan naman ito dahil sa gulat kaya agad itong tumalima.
Subalit nanumbalik sa alaala ni mang Kaloy ang sinapit ng kaniyang mag-ina sa kamay ng wakwak. Nabuhay ang galit niya. Huminto siya sa pagtakbo at sinalubong ang paparating na nilalang. Sinunggaban naman siya nito. Nanlaban siya. Dinukot niya ang kaniyang balisong sa bulsa ngunit panay daplis lang ang atake niya. Napahiga siya sa lupa habang patuloy sa pakikipagbuno. Umalingawngaw ang kaniyang sigaw sa masukal na daan. Nasugatan ang kaniyang mukha ng matatalim nitong kuko. Tuluyang napunit ang kaniyang damit at kasunod na nito ang kaniyang dibdib. Dumanak ang kaniyang dugo kasabay ng pagpatak ng kaniyang luha. Nagmistulan siyang isang hayop na kinakatay. Dinukot ng wakwak ang kaniyang puso.
-----
"Anding, bakit ngayon ka lang? Bakit ka humahangos? Anong nangyari sa 'yo?" nag-aalalang salubong ng kaniyang asawang si Maring.
"Hinabol ako ng wakwak. Muntik na ako do'n," sagot niya sabay inom ng tubig. Bakas ang kaniyang takot sa kamay na nanginginig pa.
"Naku naman! Buti hindi ka inabutan. Bakit ka ba kasi ginabi?" usisa ni Maring.
"Nag-overtime ako. Sayang naman kasi," sagot ni Anding.
"Halika na. Kumain ka na muna. Nauna na kami ng anak mo. Akala ko nga, hindi ka na uuwi," alok nito.
"Ano na kayang nangyari kay mang Kaloy? Sana ligtas siya," pag-aalala ni Anding.
"Magkasama ba kayo?" muling tanong ni Maring.
"Hindi, nadaanan ko lang siya. Ang alam ko sumunod siya sa akin pero bigla siyang nawala," sagot niya.
"Kaya niyang iligtas ang sarili niya laban sa wakwak. Lagi 'yong nagdadala ng bagong hasang itak, minsan naman balisong," paniniguro ni Maring.
"Anong laban ng balisong sa wakwak lalo na't lasing pa ang may hawak? Isa pa, wala siyang dalang itak ngayon. Mukhang galing sa kasal ng pamangkin niya e," tugon ni Anding na napapailing.
"Pinatay ng wakwak ang mag-ina niya. Alam kong hindi siya magpapatalo para ipaghiganti ang mga ito," tugon ni Maring.
"Ano po ang wakwak?" sabat ng kanilang pitong taong gulang na anak. Kapwa sila nagulat dahil buong akala nila ay natutulog na ito. Napilitan si Anding na ikuwento kay Buboy ang alamat na nalalaman niya mula pa sa kaniyang pagkabata.
-----
Sa liblib na baryo ng San Agustin ay may naninirahan na isang napakagandang dalaga. Umibig siya sa isang binatang taga-bayan. Buong akala niya ay hahantong ang kanilang relasyon sa harap ng altar lalo na nang magbunga ang kanilang pagmamahalan. Nangako itong haharap sa kaniyang pamilya ngunit hindi ito sumipot sa kanilang usapan.
Isang araw, naglakas ng loob siyang puntahan ito sa bayan. Wala siyang inabutan sa tahanan nito. May nakapagsabing sa simbahan niya ito matatagpuan. Doon nga niya ito nakita habang ikinakasal sa iba, sa kaniyang kaibigan.
Umiiyak siyang tumakbo palayo. Niyayapos ang kaniyang dibdib dahil sa sakit na dinaramdam. Ibinuhos niya ang lungkot sa pag-iyak. Ilang araw rin siyang hindi lumabas ng bahay. Dahil dito, pati ang bata sa kaniyang sinapupunan ay napahamak.
"Aaaahhh!!! Maghihiganti ako. Ipaghihiganti ko ang pagkawala ng anak ko. Isinusumpa ko, hindi kayo magiging masaya!" sigaw niya sa harapan ng puntod ng kaniyang anak.
Hindi lingid sa kaalaman ni Wena ang mangkukulam na nakatira sa tuktok ng bundok. Mangkukulam na anak ng isang dalaketnon. Ilang araw ang kailangan niyang gugulin upang marating ang lugar na iyon. Sa kasamaang palad, dalawang lalaki ang nakasalubong niya. Pinagtulungan siya ng mga ito. Pinagsamantalahan. Pinukpok ng bato ang kaniyang ulo hanggang sa mamatay.
Ganoon pa man, ang taong kaniyang pakay ay dumating kasama ang anak nito. Dinala nila ang bangkay ni Wena sa kanilang bahay. Batid ng mangkukulam ang layunin niya kaya't hindi ito nagdalawang isip na tulungan siya. Sa tulong ng kaniyang itim na kapangyarihan, muling nabuhay si Wena. Mas malakas, mas nag-aapoy ang galit, mas kayang manakit at pumatay.
"Bibigyan kita ng kakayahan. Tuwing gabi ay maari kang mag-ibang anyo. Mistulang gutom na ibon sa himpapawid. May pakpak na kawangis ng sa isang paniki. Ang iyong tinig ay magiging babala sa panganib para sa iyong magiging biktima. Ang iyong matatalas na mga kuko ang hihiwa sa kanilang mga laman. Gawin mo ang ikasasaya ng iyong puso. Ang kakayahan mo ay lalong lalakas tuwing kabilugan ng buwan," pahayag ng mangkukulam.
"Uunahin ko ang mga taong sumira ng buhay ko. Sinaktan nila ako. Pinagtaksilan. Bilang ganti, dudukutin ko ang kanilang mga puso. Kakainin ito ng aking galit na mga ngipin. Ang kanilang dugo ay didilig sa uhaw kong katawan. Iiyak sila sa takot at magmamakaawa. Mamamatay sila nang dilat ang mga mata!" galit na isinumpa ni Wena.
"Lumakad ka na," tugon ng nakangiting mangkukulam.
Inuna niya nga ang mag-asawa. Pinahirapan muna bago walang awang pinatay. Nagpakabusog sa kanilang mga puso at dugo. Kinaumagahan ay nadatnan na lamang ng mga tao ang dalawa na wala ng buhay. Namatay ng dilat ang mga mata at wakwak ang dibdib. Nasundan ito ng marami pang ulit at ng mga inosenteng biktima. Mula noon, tinawag siyang wakwak dahil sa paraan ng kaniyang pagpatay.
Hinanap siya ng kaniyang mga magulang ngunit hindi nila ito natagpuan. Hindi rin sila naniwala sa mga bulung-bulungan na si Wena ang wakwak. Ganoon pa man, lingid sa kanilang kaalaman, araw-araw sila nitong pinapanood mula sa malayo. Binabantayan sa posibleng panganib.
-----
Kinaumagahan, maagang gumayak ang mag-asawang Anding at Maring, kasama ang kanilang anak. Napadesisyunan nilang manirahan na sa mga magulang ni Anding sa lungsod. Nais masiguro ni Anding ang kaligtasan ng kaniyang pamilya. Sa daan ay nakita nila ang nagkukumpulang mga tao.
"Ano po bang problema?" tanong niya sa mga ito. Nakipagsiksikan siya sa mga tao hanggang sa tumambad sa kaniya ang bangkay ni mang Kaloy. Wakwak ang katawan, walang lamang loob at dilat ang mga mata. Agad niyang binalikan ang kaniyang mag-ina.
"Ano ba 'yon?" tanong ni Maring.
"Patay na si mang Kaloy. Napatay pala siya ng wakwak kagabi," nalulungkot niyang sagot. "Hindi ko man lang siya natulungan," dugtong niya.
"Wala kang kasalanan. Halika na," alok ni Maring.
Nilisan nina Anding ang baryong iyon. Pilit na buburahin ang mga masasamang alaala roon. Hindi na sila nag-abala pang lumingon.
Pagdating nila sa tahanan ng mga magulang ni Anding, agad inayos ni Maring ang kanilang mga gamit sa dating kuwarto ng asawa. Sa isang itim na supot, isinilid niya ang isang balisong na mayroon pang tuyong dugo at nagbitaw siya ng isang makahulugang ngiti.
*****
BINABASA MO ANG
A DREAMLAND JOURNEY
Random"A One-Shot Compilation" My dreams brought me in different places and situations. Writing is my way of expressing those unforgettable experiences and emotions.