*****
( Entry for Christmas Song Interpretation - WATTPAD READERS AND WRITER'S STORIES CONTEST )Muli na namang kumakalembang ang kampana ng simbahan na hudyat upang bumangon na para magsimbang gabi. Bawat kalembang nito'y naging katumbas ng patak ng aking luha. Bawat kalembang ay may kakambal na mga tinig mula sa nakaraan. Mga halakhak at iyakang pinagsaluhan namin ng aking matalik na kaibigan. Mga ala-alang kay sarap balikan ngunit sa huli ay nagpapasariwa sa aking pusong sugatan.
Hinahanap-hanap pa rin ng aking katawan ang kuryenteng dumadaloy rito tuwing magkakadikit ang aming balat. Bawat hawak sa aking kamay at madalas na pag-akbay ay muling inaasam sa gitna ng kawalan. Ang aking mga tainga'y nagnanais pa ring maulinigan ang kaniyang mga korning biro, reklamo sa buhay at sermon tuwing ako ay umiiyak. Ang kaniyang pang-aasar na kahit nakapipikon ay nakasanayan na sa bawat araw. Ang aking mga mata'y nasasabik na makitang muli ang kaniyang maamong mukha at mga ngiti.
Pasko na naman. Tatlong taon na rin ang lumipas ng siya ay huli kong makasama. Kung maibabalik ko lamang ang sandaling 'yon, hindi ko na gagawin at sasabihin pang muli ang mga salitang naghiwalay sa aming landas. Nasaktan lang ako. Nawala lang siya.
"Diretso na tayo sa simbahan Chichay. Magsimbang gabi muna tayo bago umuwi," alok sa akin ni Pipoy.
"Wala pa tayong tulog eh. 'Di ka pa ba lowbat? Ikaw ang punong-abala sa christmas party kanina, 'di ka pa ba pagod? Grabe rin ang energy mo."
"Hindi pa, kaya pa 'to."
"Abusado ka rin talaga. Mamaya n'yan magkasakit ka pa."
"Sa ating dalawa, ikaw ang sakitin at hindi ako. Tara na!" Hinatak n'ya ako pababa ng tricycle at mabilis naming binagtas ang daan papunta ng simbahan. Tanaw namin ang mga taong mala-langgam na sa dami. "Bilisan mo na Chichay, baka wala na tayong maupuan."
"Pagod na ako. Kanina pa gustong pumikit ng mga mata ko. Bukas na lang tayo magsimba," reklamo ko.
"Halika na, nandito na tayo oh. Kung pumayag lang sana si Jaja na masimba kami, hindi naman kita pipilitin. Kaso ---" 'Di ko na siya pinatapos sa pagsasalita dahil biglang nagsikip ang dibdib ko nang banggitin n'ya ang pangalan ng babaeng kaniyang nililigawan.
"Kaso hindi, kaya no choice ka. Kailangan mo ng makakasama kaya ako ang hinatak mo. Hanggang ngayon, panghuli pa rin ako sa pinagpipilian mo. Kumbaga sa grades, pasang-awa lang ako," walang prenong nasabi ko dahil umaapaw na ang selos at sakit na nararamdaman ko. Bigla naman siyang natigilan at hinarap ako.
"Ano bang sinasabi mo? 'Wag ka rito magdrama oy!" pangiti-ngiting tugon n'ya kasunod ang magkakambal ng kurot sa aking magkabilang pisngi. "Tara na!" Muli n'ya akong hinatak ngunit tinigasan ko kaya muli n'ya akong hinarap. "Chichay naman eh!"
"Pipoy naman eh! Bakit ba ang manhid mo? Lahat naman ginagawa ko para sa 'yo. Nagpapakatanga ako, nagpapauto at nagpapaka-trying hard na makuha ang atensyon mo pero hindi mo pa rin ako makita-kita!" Sa pagbitaw ng mga katagang 'yon, parang gripo naman ang mga mata ko sa 'di mapigil na pagluha nito.
"Nakikita naman kita. Lagi na nga tayong magkasama. Kaya nga 'di ako sinasagot ng mga nililigawan ko kasi akala nila, girlfriend kita. May narinig ka ba sa 'kin? Sinisi ba kita? Hindi naman 'di ba? Nandito pa rin ako, kasama mo."
"Oo, kasama mo ako habang nasa iba naman ang puso't isip mo."
"Ano?" naibulalas n'ya.
"Mahal kita Pipoy. Matagal na," seryoso kong tinuran subalit bigla siyang humagalpak ng tawa.
"Alam ko na ang susunod d'yan! Sasabihin kong, Chichay, magkaibigan tayo. Sasagutin mo naman ako ng ganito, oo kaibigan mo ako. Kaibigan mo lang ako. And I'm so stupid for making the biggest mistake of falling in love with my bestfriend! Haha! Ayos ang trip mo Chichay ah. Pasko ngayon, hindi April fools day. 'Yan ang epekto sa 'yo nang kapapanood ng mga pelikula." Muli siyang humagalpak ng tawa.
"Seryoso ako. Kilala mo ako. Kapag sinabi ko, totoo. Kapag sinabi ko, ginagawa ko. Kaya't kapag sinabi kong mahal kita, mahal kita. Walang kakambal na biro," malungkot kong isinagot sa pang-iinis n'ya. Bigla naman siyang natahimik. Tila nag-iisip habang nakatingin sa malayo.
"Bakit ako pa? Maraming nanliligaw sa 'yo na mas karapatdapat sa pamamahal mo. Bakit kasi ako pa?" untag n'ya.
"Dahil ikaw ang pinili ng puso ko at 'di ko na siya mapigilan."
"I'm sorry Chichay pero si Jaja ang mahal ko," tugon n'ya. Alam kong labag sa kaniyang kalooban ngunit tinalikuran n'ya ako. Iniwanan n'ya ako sa harap ng simbahan at naglakad na palayo. Hindi ko nagawang pigilan siya dahil sapat na sa akin ang mga narinig ko. Para akong pinatay sa sakit ng mga salitang 'yon. Inagaw ng kalembang ng kampana ng simbahan ang atensyon ko. Tumatak 'yon sa isipan at puso ko. 'Yon na rin ang aming huling pagkikita. Ilang taon akong naghintay sa pagbabalik n'ya subalit hanggang ngayon ay wala pa rin kahit anino n'ya.
Nagising ang diwa ko mula sa paglalakbay sa nakaraan nang tawagin ako ni Mommy. "Anak, halika na. Baka mahuli tayo, ayaw na ayaw ko pa namang 'di nasisimulan ang misa."
"Opo, mauna na kayo. Susunod na lang po ako."
"Sige, dalian mo lang. Mag-ingat ka."
"Opo."
Napilitan akong sumunod sa simbahan. Habang papalapit nang papalapit ang sinasakyan kong tricycle, dalawang pamilyar na nilalang ang nagpabagal sa ikot ng aking mundo. At tila muling magpapaulan sa madilim kong gabi.
Si Pipoy at Jaja, masaya silang naglalakad patungo sa simbahan. Masayang karga-karga ang isang batang lalaki na sa huma ko'y nasa isang taon pa lamang. Larawan sila ng isang masayang pamilya na minsa'y pinangarap ko kasama siya. Mayroon nga talaga sigurong ibang itinadhana para mahalin siya at para mahalin ako. Ang ipinagtaka ko lang, hindi na pala masakit.
Tuluyan silang nilagpasan ng aking sinasakyan. Bumaba ako roon na tila gulung-gulo. Hindi ko lubos mawari kung ano ba ang dapat kong maramdaman. Iiyak ba o matutuwa? Tatalon ba o maglulupasay? Tumayo lang ako sa tapat ng simbahan habang pinakikinggan ang tunog ng kampana. Nasabi ko na lang sa sarili kong, "Sana ngayong pasko ay maalala n'ya pa rin ako."
"Chichay!" tawag sa akin ng isang pamilyar na tinig na nagmumula sa aking likuran. Nang lingunin ko siya, tumambad sa akin ang mapupulang rosas na hawak-hawak ng lalaking muling bumuo ng aking puso. Sana'y siya na rin ang taong habambuhay na mangangalaga nito. Mas naghari sa akin ang saya na dinala n'ya sa buhay ko, hindi ang masakit na kahapon na sumubok sa katatagan ng aking puso. Nginitian ko siya at binati sa pamamagitan ng isang mahigpit na yakap.
"Oy Chichay! Jonas!" Napalingon kami sa nilalang na tumawag sa aming pangalan. Sinalubong naman ang aming tingin ng nakangiting mukha ni Pipoy.
Wakas
*****
BINABASA MO ANG
A DREAMLAND JOURNEY
Random"A One-Shot Compilation" My dreams brought me in different places and situations. Writing is my way of expressing those unforgettable experiences and emotions.