*****
NAKASANAYAN ko na ang magising tuwing umaga sa maingay na busina ng mga sasakyan. Gano'n din sa lakas ng boses ni mang Hener na abala na sa pagtawag ng mga pasahero sa sakayan. Karamihan sa mga pasahero ay mga estudyante, guro, kawani ng gobyerno at mga nanay na mamamalengke. Bumangon ako at binuksan ang aking bintana. Dumungaw ako roon habang pinagmamasdan ang mga taong aligaga na sa pagmamadali papunta sa kanilang mga trabaho. Gano'n din ang mga kapitbahay na hindi na magkandaugaga sa pagbabanat ng buto.
"Mabuti pa sila, abala sa buhay at may tiyak na direksyon nang patutunguhan. Ako kaya? Hanggang dito na lang ba ako?" Malungkot akong humarap sa salamin at doo'y pinagmasdan ang sarili ko. "Gusto ko rin naman sanang magkaroon ng direksyon ang buhay ko. Ng sariling pangalan na maipagmamalaki ko. Isinilang ba ako upang kutyain at tapak-tapakan ng kapwa?Hindi ba talaga ako kayang tanggapin ng mundo?"
Hindi naman ako dating ganito sa kabila ng kapansanan ko. Isa kasi ako sa mga batang isinilang na may bengot. Ramdam kong iba ako.Kinukutya at nilalait. Harap-harapang pinatatawanan ng mga taong hindi lubos na maintindihan ang aking kalagayan.Sa mga tingin nila at panunukso, nanliliit ako. Sa kabila noon, tinatagan ko ang loob ko. Araw-araw ko pa ring ginustong gumising bitbit ang pangarap ko habang pasan ko naman ang panghuhusga ng mundo. Nakakahiya man pero aaminin ko, naniniwala ako na isa akong regalo. Isang espesyal na anak ng Diyos. Subalit sa loob ko, alam kong mayroon din akong espesyal na misyon at papel sa buhay ng mga taong nakapalibot sa akin, na kailangan kong matutop kung ano.
Nakatapos ako ng kolehiyo sa isang pribadong eskwelahan at nakapagtrabaho sa isang pribadong kompanya. Wala akong problema sa aming boss. Napakabuti niya at maunawain.Siya 'yong tipo ng boss na pahahalagahan ka na parang isang kamag-anak.Kung ano ang mayroon siya, mayroon din kami. Abot langit ang pasasalamat ko sa kaniya, lalo na sa tiwalang ibinigay niya. Subalit may mga bagay na kailangan kong bitawan kahit mahalaga pa sa akin na hindi mauunawaan ng iba.
Isang araw, dumating ang kaniyang anak na aburido. Isinisisi niya sa akin ang lahat ng problema sa kompanya na dahil umano sa aking kapabayaan. Gayung ang mga iyon ay nagsimula noon pa mang wala pa ako sa nasabing kompanya. Kwinestiyon niya ang kakayahan ko. Minaliit ang pinag-aralan ko. Isinumbat niya sa akin ang utang na loob kung bakit naroroon ako. Naawa lamang daw sa akin angaming boss kaya tinanggap ang aplikasyon ko. Para akong binuhusan ng malamig na tubig. Agad na dumungaw sa aking mga mata ang mga luha. Mahal ko ang aking trabaho pero kung araw-araw ay ipamumukha sa akin ang kakulangan ko, masasaktan lamang ako. Kaya minabuti kona lang na bumitaw sa aking mahal na trabaho. Mula noon, nanatili na lamang ako sa aming tahanan at nagtago sa mundo. Nagkubli sa apat na sulok ng kuwarto ko.
Dati tinatanong ko kung bakit may mga nadi-depress na humahantong sa pagpapakamatay. Gano'n pala ang pakiramdam. Iyong tila nilisan ka nang pag-asa at wala ka nang makapitan.
"Oy Fatima, tanghali na nakatulala ka pa riyan!" Tila bigla akong nagising buhat sa malalim na pag-iisip at paglalakbay sa nakaraan. "Wala ka bang gagawin?" tanong ni mama.
"Maglalaba po," sagot ko.
"Magluto ka na rin pagkatapos mo at marami pa akong gagawin."
"Sige po."
Kinahapunan, matapos kong hugasan ang mga kinainan ay pumasok na ako sa kuwarto ko. Hawak ang aking sketch pad at lapis. Minsan naman, ang aking kuwaderno at ballpen. Pagsusulat ng kuwento at pagguhit ang naging kasama ko sa araw-araw. Madalas ko itong ibahagi sa iba gamit ang social media. Baka sakaling may pumansin at may magbukas ng kanilang pinto para sa akin. Ang maging isang manunulat na lamang ang natitirang pag-asa para sa akin upang magkaroon ng katuturan ang buhay ko subalit masyado pa itong mailap.
BINABASA MO ANG
A DREAMLAND JOURNEY
Random"A One-Shot Compilation" My dreams brought me in different places and situations. Writing is my way of expressing those unforgettable experiences and emotions.