---
Sa aking pinakamamahal na araw,
Ang init na dulot mo sa aking pagkatao ay labis kong naiibigan. Ngunit, batid kong hindi lamang para sa akin ang iyong init at liwanag. Tuwing ika’y magdidilim upang magbigay ng liwanag sa iba, ako’y nalulumbay. Gano’n pa man, hindi ko magawang hilinging maging akin ka na lang at ipagkait ka sa kanila. Sapagkat, wala pa man ako, nariyan na sila na inaasahan ka.
Sa pagdilim ng aking langit, inaaliw naman ako ng mga bituin. Mga bituing maaaring hindi nga para sa akin ngunit, ang kanilang konstelasyon ay gumuguhit ng iyong mukha sa kalangitan. Alam kong nasa puso pa rin natin ang isa’t isa. Laging mayroong panibagong umaga para sa ating dalawa.
Iyon nga lang, maari bang humiling? Maari bang lumikha tayo ng sarili nating solar system? Ikaw ang araw, ako ang mundo at ang ating mga magulang ang ibang planeta. Ang mga bituin ay ang ating mga supling. Sila ang magpapasaya sa atin, mapa-araw man o gabi, tag-araw man o tag-ulan. Nang sa gano’n, hindi ako mag-iisa tuwing magdidilim ka.
Sa gitna ng dilim, sana’y matanaw pa rin kita. Magtatagpo rin tayo. Magkakayakap. Mahahagkan ko rin ang natatangi kong buhay at liwanag. Bahagya mang magdidilim itong mundo, masasaksihan nila ang pag-ibig natin sa isa’t isa. Pag-ibig na hindi maglalaho at patuloy na ipaglalaban, hadlangan man ng maraming planeta. Ikaw at ako pa rin ang bibida sa ating sariling kalawakan -- sa ating sariling kwento.
Mahal na mahal kita aking, araw. Hanggang sa muli. Hihintayin ko ang muli mong pagngiti. Sa ngayon ay paalam.
Lubos na nagmamahal,
Ang iyong mundo---
©Maccheb ❤#WeeklyCIRLoveLeter
Activity Challenge: Related to Math or ScienceWritten: May 3, 2017
BINABASA MO ANG
A DREAMLAND JOURNEY
Random"A One-Shot Compilation" My dreams brought me in different places and situations. Writing is my way of expressing those unforgettable experiences and emotions.