*****
Matulin ang aking pagpapatakbo sa sasakyan. Kailangan kong umabot sa isang mahalagang okasyon dahil sa aking nabitawang pangako. Walang mapagsidlan ang aking kasabikan. Subalit ito'y agad pinawi ng gitla dahil tumambad sa akin ang putol na daan. Gustuhin ko mang ihinto ang sasakyan ay hindi na rin aabot.
"Aaahhh!"
Tuluyan akong nalaglag sa kawalan. Nakita ko ang makapal na hamog na lumamon sa akin.
"Saan ako naroroon?" naibulalas ko.
Natutop ko ang aking sarili sa gitna ng madilim na gubat. Tumayo ako buhat sa pagkakahandusay sa lupa habang nakikiramdam sa paligid. Binagtas ko ang makipot na daan. Tanging ang ilaw mula sa cellphone ko ang aking gabay.
"Walang signal!" pagmamaktol ko.
Nilakasan ko ang aking loob. Umaasang sa hindi kalayuan ay may tulong na nag-aabang. Bigla na lamang akong natigilan nang makarinig ako ng mga kaluskos. Tunog ng naaapakang tuyong dahon.
"Sino 'yan? May tao ba d'yan?" tanong ko.
Inilibot ko ang maliit na liwanag na nililikha ng aking cellphone at doo'y natuklasan kong nagkalat sa paligid ang mga bungo at buto ng tao.
"Inang mahabagin, tulungan n'yo po ako!" naibulalas ko.
Kakaiba ang ihip ng hangin. Parang nagpapahiwatig ng panganib. Nagpalinga-linga ako't kinilabutan bigla. May mga nakatingin sa akin. Kulay dugo ang mga mata nila't nagliliyab sa gitna ng dilim.
"Aaahh!" sigaw ko nang magsulputan ang mga halimaw.
Hinahabol nila ako. Tila sabik sa laman at dugo ng tao. Sinunggaban ako ng isa sa kanila kaya't napahiga ako sa lupa. Nanlaban ako kahit sadya siyang malakas. Ramdam ko ang hapdi ng mga sugat na natatamo ko buhat sa kaniyang matutulis na kuko. Hindi ko man lubusang makita ang kabuuhang anyo niya, maging ang aking sarili na sa wari ko'y duguan na, alipin pa rin ako ng matinding takot. Takot sa halimaw at maging sa aking maaring kahantungan. Naglakas-loob akong sipain siya ng malakas kaya't nabitawan niya ako. Agad akong bumangon at tumakbo patakas. Sinalubong ako ng isang bilog na liwanag.
Nilamon ako ng liwanag na iyon. Isang mahiwagang lagusan. Bumungad sa akin ang napakagandang tanawin at isang babaeng nakaputi na parang isang diwata. Naglaho ang aking mga sugat ngunit bakas ang pinagdaanan ko sa aking damit na duguan at punit-punit.
"Maligayang pagdating itinakda. Ang aming kaharian ay nagbubunyi sa iyong pagdating."
"Sino kayo? Nasaan ako?"
"Nandito ka sa kaharian ni reyna Safira. Ang reyna at kahariang kapilas ng iyong pagkatao. Ang propesiya ay nagaganap na. Ang nasusulat ay tinatawag ka."
"Maraming salamat sa inyong pagliligtas sa aking buhay."
"Tungkulin naming iligtas ka. Kung mamamatay ka sa isinumpang gubat, ang aming reyna ay papanaw rin. Uulitin ko, siya'y kapilas ng iyong pagkatao."
"Hindi ko maunawaan. Bakit ako nandito?"
"Upang iligtas kami sa nagbabadyang paghahari ng kadiliman. Ang isinumpang lupain ay palawak na nang palawak. Tingnan mo sa lawa." Napatingin ako sa mahiwagang lawa. "Tingnan mo kung paano kainin ng dilim ang mayaman naming lupain."
"Hindi na ako babalik doon. Wala akong laban sa kanila."
"Hindi mo kailangang bumalik doon itinakda dahil kusa silang lalapit para patayin ka."
"Ano?"
"H'wag kang matakot. Sa inyong pagtatagpo ng reyna, matatalo ng kabutihan ang kasamaan. Minsan mang mangibabaw ang kasamaan, sa takdang panahon ay kabutihan pa rin ang mananaig. Tumuloy ka sa hardin. Siya'y naghihintay."
Agad akong tumalima. Habang papasok ako, tila binalot ako ng kumikinang na liwanag at naging marangya ang aking kasuotan. Ang mga nakahanay na kawal ay yumuko bilang pagbibigay galang. Maging ang mga puno rito at halaman, Nadatnan ko ang isang babae na napuputungan ng gintong korona. Taglay nito ang kinang na kawangis ng isang bituin. Gayun din ang kasuotang walang katulad at makahihigit.
"Reyna Safira?" Napahawak ako sa aking mukha. Parang tinitingnan ko ang aking sarili sa nakangiting reyna.
"Natutuwa akong makita ka Floridel. Aking kawangis. Aking kapatid."
"Kapatid?"
"Hindi man tayo magkapatid sa dugo't laman, Tayo'y iisa. Ikaw ay ako at ako ay ikaw. Tayo'y parang magkapatid na mula sa dalawang magkaibang mundo na hindi maaring magsama. Halika Floridel, hawakan mo ang mga kamay ko. Oras na."
"Mahal kong reyna, nandiyan na ang dilim," sabat ng kawal.
"Nasa panig natin ang kabutihan."
Sa pagdadaop ng aming mga palad ay sumibol ang matinding liwanag. Sa gitna ng nakasisilaw na liwanag na ito ay halos hindi na namin makita ang isa't isa. Tanging ang napakagaang damdaming dulot ng magkahawak naming mga kamay ang naghari sa 'king dibdib. Dinig ko ang malalakas na sigawan ng mga halimaw, tanda ng kanilang pagkatalo. Napapikit ako habang inililipad ng hangin ang aking buhok na kumawala na sa aking panali. Makalipas ang ilang sandali pa ay humupa na ang liwanag at tuluyang nawala ang ingay ng mga hiyawan at daing. Sa pagdilat ng aking mga mata, ang nakangiti niyang mukha ang tumambad sa akin.
"Tapos na," wika niya.
Iginala ko ang aking paningin. Natunghayan ko ang isang kaakit-akit na bahaghari at nagliliparang mga ibon. Ang madilim na imahe ng lupaing iyon ay binasag ng liwanag.
"Ang ganda," tugon ko.
"Lalo itong gumanda dahil sa 'yo."
"Natutuwa ako't nabigyan ako ng pagkakataong makita ang lahat ng ito."
"Mapalad ka. Subalit ang ating pagsasama ay may hangganan. Nakalulungkot sabihin ngunit kailangan mo nang bumalik sa mundo niyo bago tuluyang magsara ang lagusan."
"Maaari bang manatili muna rito?"
"Hindi Floridel. Oras na tuluyang magsara ang lagusan at magkasama pa tayong dalawa, kapwa tayo mamamatay." Marahan niyang binitawan ang aking mga kamay. "Sumakay ka na sa aking karwahe. Ihahatid ka nila sa lagusan. Paalam at maraming salamat."
Napilitan akong sumunod. Nag-iwan ako sa kaniya ng mahigpit na yakap.
"Paalam Safira," tanging nasabi ko kasabay ng pagdungaw ng luha sa aking mga mata.
Sumakay ako sa karwahe. Hatak ng dalawang puting kabayong may pakpak. Nag-iwan ako sa kanila ng ngiti. Narating namin ang lagusan at muli akong binalot ng hamog. Subalit may mabalahibong kamay na humigit sa aking braso. Nagising ako nang maulinigan kong may nagsasalita. Tumambad sa akin ang napakagandang silid.
"Mahal na reyna, nakatawid na po siya."
"Ano? Hindi ako ang reyna!" Tumakbo ako sa harap ng salamin at nakita ko rito ang repleksyon ni Safira. "Aahhh! Hindi!"
*****
BINABASA MO ANG
A DREAMLAND JOURNEY
Random"A One-Shot Compilation" My dreams brought me in different places and situations. Writing is my way of expressing those unforgettable experiences and emotions.