"EDELLBERTO!"
Tila hindi narinig ng binata ang pagtawag sa kanyang pangalan. Laglag ang magkabilang balikat nito habang hawak sa kanang kamay ang gitara at pumpon naman ng rosas sa kabila na hindi na matukoy ang orihinal na kulay dahil bukod sa lanta na ay halos maghiwalay na rin ang mga talutot sa tangkay.
"Saan ka ba nanggaling?"
Tuluy-tuloy si Edell sa pagpasok ng mansyon, dinaanan lang ang nakameywang na ina. "Arayyyy!" Napahiyaw ito at napangiwi nang maramdaman ang madiing paghila sa kanyang tenga.
"Tinatanong kita kung saan ka nanggaling?"
"Obvious naman, ma..."
Sabay na napatingin sa direksyon ng hagdan ang mag-ina kung saan ay pababa dito si ARISTOCRAT SATURNINO, panganay ng pamilya.
Naningkit ang mga mata ni Edell, hindi dahil galit siya sa pagiging kontrabida lagi ng kapatid kundi sa nararamdaman niyang inggit tuwing nakikita ito.
Taliwas siya sa panlabas at personalidad ni Aristocrat. Matikas ito, matalino, makisig, matangkad, pamoso sa kanilang eskuwelahan bilang atleta at higit sa lahat ay tinitilian ng mga kababaihan.
Iisa lang ang unibersidad na kanilang pinapasukan. Kaya maraming pagkakataon o minsan ay talagang sinasadya na sila ay pagtabihin. At dito na nagsisimula ang kantiyawan.
Madalas siyang tawaging putok sa buho, putok sa kanal, putok sa kilikili. Kulang na nga lang ay ibenta siya tuwing Bagong Taon para sa putukan.
"Ano, Don Romantiko? May napasagot ka na bang babae?"
Napatingala si Edell. Sa liit niyang 4'11 at tangkad ng kapatid na 6'2 ay nagmukha siyang dekorasyon sa paanan ng dambuhalang christmas tree.
"Matulog na kayong dalawa," utos ni Donya Fatima. "Baka mag-umpisa na naman kayo ng bangayan."
"Goodnight, ma." Matapos humalik ni Edell sa pisngi ng ina ay mabilis na itong tumalikod at umakyat ng hagdan.
"Baguhin mo na kasi ang istilo mo." Umabay si Aristocrat sa kapatid, "Hindi na epektibo 'yang harana. Ang uso ngayon, KAMA!" diniinan nito ang huling kataga.
Napahinto si Edell. Pinukol nito nang matalim na tingin ang nakatatandang kapatid.
"O, bakit? Wala ka pa bang naikakamang babae?" Natawa ito, "Oo nga pala. Nakalimutan kong lagi kang basted kaya hanggang ngayon ay bokya ka pa rin."
"Marunong lang akong rumispeto ng babae!"
"At ako? Hindi?" sabay hampas sa batok ng nakababata.
"Aristocrat!"
Sabay na nadako ang mga mata ng dalawa sa puno ng hagdan kung saan ay nakatayo dito ang kanilang ama. Nakasuot na ito ng roba at halatang nagising lang dahil sa ingay nila.
"Nakita ko 'yun! Ilang beses ko bang sasabihin sainyo na puwede kayong magsigawan, pero iwasan ninyo ang magsakitan dahil hindi namin kayo pinalaking bayolente!"
Ipinagpatuloy ni Aristocrat ang pag-akyat. "Goodnight," malamig na wika nito nang tumapat sa ama.
Maagap na pinigilan sa braso ni Don Lucio ang anak, "Hindi ka man lang hihingi ng paumanhin sa kapatid mo?"
Matalim munang pinukol ng tingin ng binata si Edell, "Sorry!" sabay hila sa braso at mabilis na itong tumalikod.
Napailing ang matandang don, "Hindi ko alam kung saan ako nagkulang sa kanya."
"Wala kang pagkukulang, pa." Humakbang ito at tumayo sa harap ng dismayadong ama, "Sadyang may mga bagay o ugali lang talaga na hindi madaling itanim sa puso at isip."

BINABASA MO ANG
DON ROMANTIKO (BOOK 4: RANCHO DE APPOLO) BY: LORNA TULISANA
RomanceSYNOPSIS: Nakilala siya bilang DON ROMANTIKO noong kanyang kabataan. Ang panliligaw niya, idinadaan sa harana. Si EDELLBERTO SATURNINO. Nangangarap magkaroon ng makulay na pag-ibig, ngunit laging BASTED. He was not an every woman's fantasy; Mataba...