"Allen?" Tawag ko sa kanya. Nakita ko sya na nakatayo sa di kalayuan. Hindi ko alam kung nasaan kami pero napansin kong medyo magulo at maingay ang paligid. Dagdag pa ang malilikot na ilaw na panay ang sayaw sa saliw ng tutog na maririnig mo sa lugar.
Nilapitan ko si Allen dahil hindi nya napansin ang pagtawag ko. Napansin kong parang medyo nakayuko ang ulo nya. Paghawak ko sa likod nya ay nagulat pa ako dahil pagharap nya sa akin ay may kahalikan pala syang babae. Napaatras ako at hindi agad nakapagsalita. Hindi ko mahanap ang mga salitang gusto kong sabihin.
Nag iba ang ekspresyon ng mukha ni Allen. Galit ang makikita mo dito. Humarap at lumapit sya sa akin. Pagkalapit ay bigla nya akong tinulak.
"Diba sinabi ko na sayo na wag kang lalapit sa akin? Umalis ka na dito! Bakla ka!" Mga salitang narinig ko mula sa kanya. Mga salitang dumurog sa akin. Halatang nakainom na si Allen.
Naramdaman ko ang mga tingin na nakakapit sa amin. Mas lalo kong naramdaman ang mga luha ko na gustong gusto nang kumawala.
Bigla naman syang hinatak ng isang babae paharap sa kanya at napatingin pa sa akin bago magbalik ng tingin kay Allen. Nakasuot ito ng mga kasuotan na mahahalata mo agad kung ano ang trabaho nya. Babaeng taga bigay ng aliw. Bugaw, isang magdalena.
"Babe sino ba yan? Hayaan mo na sya, ituloy nalang natin ang ginagawa natin." Pagkasabi noon ay tuluyan nang hinatak ng babae ang braso ni Allen. Nagpaubaya naman si Allen sa paghatak ng babae kaya ilang saglit lang din ay nawala na sa paningin ko ang dalawa.
Dahil doon ay hindi ko na napigilan ang mga luha ko. Tuloy tuloy lang na dumaloy ang mga iyon. Nang mapansin kong nakatayo parin ako sa pwestong iyon ay pinilit kong igalaw ang katawan ko para tumakbo. Para umalis sa lugar na iyon. Tumakbo ako palabas ng maingay na silid na iyon. Hindi ko alam kung san ako pupunta, basta ang alam ko lang ay dapat makaalis ako doon.
Sa pagtakbo ko ay hindi ko namalayang may makakabunggo ako. Alisto naman sya at napigilan agad ako. Paglingon ko ay pares ng mga mapupungay na mata ang sumalubong sa akin. Ang matangos na ilong nya at ang manipis at mapulang labi nya. Bigla bigla ay niyakap nya ako. Habang nakayakap sya sa akin ay may ibinulong sya.
"Dave. Wag mo nang pahirapan ang sarili mo. Ayokong nakikita kang nagkakaganyan." Sabi nya sa akin sabay bitaw sa pagkakayakap.
"Dave, andito lang ako..." Pagpapatuloy nya. Pinunasan nya ang mga luhang patuloy na umaagos sa mga mata ko at dahan dahan, naglapat ang mga labi namin.
******************************
Nagising ako. Isang panaginip. Pero bakit parang totoo? Bakit nandoon si Allen. Bakit si Errol. Nilagay ko ang braso ko sa mga mata ko para sana takpan ito nang maramdaman kong basa sila. Doon ko napagtanto na umiiyak pala talaga ako.
Dahil doon ay mas lalo pa akong napaiyak. Natatandaan ko ang lahat ng nangyari sa panaginip. Masakit isipin na sinabi sa akin ni Allen yun. Masakit dahil alam kong mahal na mahal ko sya. Kaso nagkaroon na ng takot ang puso ko na baka hindi nya ako tanggapin.
Tumingin ako sa orasan na nakasabit sa taas lang ng study table ko. Alas singko palang ng umaga. Pinilit kong matulog ulit pero hindi na ako dinalaw ng antok. Tulala lang akong nakahiga sa kama ko habang nakatingin sa kisame. Ni hindi ko na nga matandaan kung may iniisip ba ako.
BINABASA MO ANG
The Day We Both Cried
RomanceMahal ko ang Best Friend ko. Matagal ko na 'tong tinatago sa lahat. Lalo na sa kanya. Alam kong mali pero sumugal padin ako. Pero ng dahil sa isang pagkakamali nawala lahat 'yon. Nasira ang lahat sa amin. Nang dahil sa pangyayaring iyon kaylangan na...