KABANATA XII

1K 32 0
                                    


KABANATA XII

KADILIMAN ang sumalubong kay Alena nang imulat niya ang kanyang mga mata. Naramdaman niya agad ang pagkirot ng kanyang ulo. Tila nanggaling siya sa napakahabang pagtulog.

Nagpalinga-linga siya at pilit umaninag ngunit wala talaga siyang makita. Lubhang napakadilim sa silid na kinaroroonan niya. Pinakiramdaman niya ang sarili at napagtanto niya na nakahiga siya sa isang malamig na metal na kasing laki ng kama. Nakagapos ang kanyang mga kamay at paa. Agad binaha ng kaba ang kanyang dibdib. Batid niyang may mangyayaring hindi maganda. Nagpumiglas siya pero hindi siya nakawala. Sadyang napakahigpit ng pagkakatali sa kanya.

Nasaan ako? Anong nangyayari?

Ang tanong sa kanyang isipan. Muli niyang inalala ang nangyari kanina. Nasa ospital siya. Malayo sa lugar kung nasaan siya ngayon. Nawalan siya ng malay dahil sa juice na pinainom sa kanya ni Rita.

Si Rita! Hindi siya makapaniwalang nagawa nito sa kanya ang bagay na iyon. Marahil ito rin ang nagdala sa kanya sa madilim na lugar na ito. Hindi niya lubos akalain na ang tulad pa ni Rita na itinuring na niyang kapatid ang gagawa ng bagay na iyon sa kanya. Ngayo'y iniisip niya kung ito ba ang pumatay sa mga kaibigan niya. Nagtatagis ang bagang niya sa isiping iyon. Mapapatay niya talaga ito sa sobrang galit.

Mayamaya'y bumukas ang bakal na pinto. Lumikha iyon ng nakangingilong ingay. Nakaririnig siya ng mga yabag ng paa. Ilang sandali pa'y bumukas naman ang ilaw. Binaha ng liwanag ang buong silid. Mariin siyang napapikit dahil sa pagkasilaw. Dahan-dahan niyang iminulat ang kanyang mga mata hanggang sa nakapag-adjust na ito sa liwanag. Doon niya lang lubusang napagmasdan ang kabuuan ng silid. May mga kagamitan sa paligid.

Mga kagamitang pangkatay...

Sa unang tingin pa lang niyang iyon ay pinanginigan na agad siya.

May malalaking gunting na bakal. Mahahabang kutsilyo. Itak. Makakapal na lubid. At kung anu-ano pang kagamitan na sa katayan ng hayop mo lang makikita. Labis ang takot at kaba na naramdaman niya nang makita ang mga iyon. Muli siyang nagpumilas pero walang nangyari. Natataranta na siya. Hindi na niya malaman ang gagawin.

Napatingin siya sa pinto at doon ay nakatayo ang isang babaeng may nakakalokong ngiti sa labi.

"Kumusta ka Alena? Maayos ba ang naging tulog mo?" Turan ng kanilang kasamabahay na si Rita. Lumakad ito palapit sa kanya. Nanginginig na ang kanyang mga labi sa sobrang takot. "Nabigla ka ba? Hindi pa rin ba nagpo-proseso sa utak mo ang lahat ng ito? Sabagay, sino nga naman ang hindi mabibigla kung 'yong akala mong kasambahay niyo lang ay siya palang pumatay sa mga kaibigan mo. All this time, nasa tabi mo lang pala ang kriminal. Nakakasama. Nakakausap. Nakaka-plastikan. Sino nga naman ang mag-aakala?" Hindi mawala-wala ang nakakalokong ngisi nito. "Nasasaktan ka ba sa mga nangyayari ngayon Alena? Ang taong tinuturing mong kapatid ay isa palang lobo na nagbalatkayong tupa. Pakiramdam mo ba'y naloko ka? Pinagmukhang tanga? Ulol! Dapat lang na maramdaman mo ang lahat ng 'yan!" Mariing sambit nito. Palakad-lakad ito paikot sa kanya habang nagsasalita. Lumalalim na ang bawat paghinga niya dahil sa tindi ng takot na nararamdaman.

"I-Ikaw ang p-pumatay sa mga kaibigan ko?" Kandautal at hindi lubos makapaniwalang tanong niya rito.

"Wala nang ibang gagawa pa noon kundi ako lang. At ako din ang tatapos sa buhay mo." Ngumisi ito. "Bakit? Ano bang akala mo? Na si Magda ang pumatay sa mga kaibigan mo dahil iyon ang nakalagay sa mga litratong ibinigay ko? Mga inutil! Mali ang pagkakaintindi niyo! Ang Magda na nakasulat sa likod ng litrato ay walang iba kundi kayo! Iyon ang pinagsama-samang letra sa simula ng mga pangalan niyo. M-aureen, A-ndrea, G-race, D-ebbielyn, at ikaw A-Alena." Tumigil ito sandali. "Ngayon, naiintindihan mo na ba Alena? Hindi magagawang pumatay ng taong matagal nang patay! Ang nasa likod ng mga iyon ay walang iba kundi ako! Ginamit ko lang ang pangalan ni Magda para akalain niyo na siya ang nasa likod ng mga pagpatay!"

MAGDATahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon