KABANATA V

1.1K 41 1
                                    

Ikalimang Kabanata.

KAHIT anong pilit ni Alena ay hindi niya magawang makatulog.

Kanina pa siya pagulong-gulong sa kanyang kama pero hindi pa rin siya dinadalaw ng antok.

Napamulat na lamang siya ng mga mata at napatitig sa kisame ng madilim niyang kwarto.

Tinignan niya ang oras sa kanyang alarm clock.

01:46AM

Madaling araw na pero gising na gising pa rin ang kanyang diwa.

Ang totoo, kaya hindi siya makatulog ay dahil okupado ang kanyang isip ng maraming bagay.

Iniisip pa rin niya ang nangyari kay Debbie. Ang wasak na mukha nito na dati ay ubod ng ganda.

Isa lang ang naiisip niyang maaaring gumawa ng bagay na 'yon. Yun ay ang taong nakabunggo kay Reen.

Ayon sa napanuod nilang CCTV footage ay nanggaling ito sa CR ng girls kung saan natagpuan ang katawan ni Debbie bago lumabas ng tuluyan sa cafeteria.

Malakas ang kutob niya na ang taong iyon ang pumatay kay Debbie.

Pero ano ang motibo niya sa pagpatay? Bakit niya iyon ginawa?

Kinuha niya ang pulang sobre sa ibabaw ng kanyang side table.

Ang sobreng iyon ang natagpuan niya sa CR ng girls kung nasaan ang duguang katawan ni Debbie. Itinago niya iyon dahil malakas ang kutob niya na may kinalaman iyon sa nangyaring pagpatay.

Binuksan niya ang ilaw ng lampshade at muling pinagmasdan ang sobre.

Ngayon niya lang ito natitigan ng husto.

Masakit sa mata ang katingkaran ng kulay nito. Ngayon lang siya nakakita ng kulay pulang sobre. Karaniwan kasi ay puti, bibihira ang kulay pula.

Kakulay iyon ng sariwang dugo.

Mahihinuha mo na ang nagpadala ng sobreng iyon ay may matinding galit sa pagbibigyan nito.

Kay Debbie...

Walang anuman ang nakasulat sa labas.

Binuksan niya iyon at kinuha ang litrato sa loob.

Muli na naman niyang nasilayan ang litrato nilang limang magkakaibigan. Kuha iyon noong highschool pa lamang sila.

Kakikitaan iyon ng saya.

Noon...

Sapagkat burado na ang mukha ni Debbie ngayon at tanging kilabot na lamang ang ihahatid sa'yo nito.

Batid niyang ang taong kumutkot sa litratong iyon ay ang taong pumatay din kay Debbie.

Si MAGDA...

Iyon ang sabi sa likod ng larawan pero hindi iyon maaari. Imposibleng mangyari ang bagay na iyon.

Hindi magagawang pumatay ng taong matagal nang patay!

Kung sino man ang gumawa ng bagay na ito ay marahil ginagamit lang si Magda para takutin sila.

Marahil alam nito na may kinalaman sila sa pagkamatay ni Magda.

Mariin siyang napapikit. Ayaw na niyang maalala pa ang bagay na iyon.

At sa pagpikit niyang iyon ay muli na naman niyang naalala ang hitsura ni Debbie. Ang basag na mukha nito. Burado na iyon.

Tama.

Nauunawaan na niya ngayon.

Kung ano ang hitsura mo sa litrato, 'yon din ang magiging paraan ng pagkamatay mo.

MAGDATahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon