KABANATA VI

1.1K 37 2
                                    

Ikaanim na Kabanata.

KULANG na lang ay kumawala na sa dibdib ni Alena ang kanyang puso dahil sa tindi ng pagkabog nito.

Paikot-ikot siya sa loob ng kanyang kwarto at hindi malaman ang gagawin. Naguguluhan siya. Pakiramdam niya'y sasabog na ang kanyang ulo dahil sa mga nangyayari.

Sino iyong tumawag sa kanya at nagsabing pinatay niya raw si Grace? Hindi niya alam kung nagsasabi ito ng totoo pero bakit masama ang pakiramdam niya? Wari niya'y may nangyari talagang masama sa kaibigan niya.

Natutuliro na siya.

Tumigil siya sa paglalakad at huminga ng malalim upang kalmahin ang kanyang sarili.

Sa ganitong mga sitwasyon, hindi dapat pinaiiral ang kaba at pagkataranta dahil hindi iyon makatutulong. Lalo lang nitong palalalain ang sitwasyon at hindi siya makapag-iisip ng matino kung pangungunahan siya ng pagkatuliro.

Pinakawalan niya ang malalim na buntong hininga kasabay ng pagmulat niya ng mga mata. Ngayo'y ayos na ang takbo ng kanyang isipan.

Alam na niya ang una at dapat na gawin niya.

Kailangan niyang tumawag sa Police Station upang makahingi ng tulong.

Tinungo niya ang kama at akmang dadamputin na niya ang kanyang cellphone nang bigla itong mag-ring.

Muli na namang binaha ng kaba ang kanyang dibdib.

Paano kung ang tumatawag sa kanya ngayon ay 'yong tumawag sa kanya kanina? Pinamutlaan siya dahil sa ideyang iyon.

Anu't-ano pa man, kailangan niya pa ring sagutin ang tawag para malaman kung sino ito.

Dinampot niya ang kanyang cellphone at tiningnan ang caller.

Numero ni Grace.

Ngunit batid niya na hindi iyon si Grace kundi ang babaeng tumawag sa kanya na nagsabing pumatay dito.

Huminga muna siya ng malalim bago lakas-loob na sinagot ang tawag.

"Hello?" Tapang-tapangan na sambit niya kahit ang totoo ay dinadaga na ng kaba ang kanyang dibdib. Gusto niyang pagmumurahin ang taong iyon pero hindi niya ginawa dahil alam niya na ikasasaya lang nito kung magagalit siya.

"Hello? Ito ba si Alena?" Nangunot ang kanyang noo sa narinig. Lalaki ang boses nito at sigurado siya na hindi iyon ang misteryosong caller na tumawag sa kanya kanina.

"Hello? S-Sino ito?" Bahagyang nabawasan ang kaba na nararamdaman niya pero gayunpaman, hindi pa rin dapat siya pakasiguro.

"Si Detective Calix ito. 'Yong police-detective na nakausap niyo noon. Ang kaibigan mo, naaksidente siya. Nabunggo at nagliyab ang sinasakyan niyang kotse. Patay na siya... Ginamit ko itong cellphone niya para tawagan ka. Ito lang kasi ang bukod tanging bagay na hindi nasunoglkdjanxlspwkxndlld"

Hindi na niya naintindihan pa ang ibang sinasabi nito dahil tila nabingi siya sa kanyang narinig.

"Ang kaibigan mo, naaksidente siya. Nabunggo at nagliyab ang sinasakyan niyang kotse. Patay na siya..."

"Patay na siya..."

"Patay na siya..."

Paulit-ulit iyon sa kanyang isip. Pakiramdam niya'y mawawalan siya ng ulirat.

Totoo ba ang lahat ng ito?

"Hello? Nandiyan ka pa ba? Hello miss?"

Hindi na siya nakasagot pa at nabitawan na lamang niya ang kanyang cellphone. Tila nauupos na kandila na napaupo siya sa kanyang kama.

MAGDATahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon