TINIG

173 3 6
                                    


Ang pag-ibig pala tulad ng kanta. May sariling timpla. Kanya-kanya. Minsan may nagkakapareho, pero madalas iba-iba. May sintunado, nasa tono, malamig, at masarap sa tenga. Magkakaiba, pero minsan pareho. Tulad mo, ako, tayo. Magkaiba ng paraan at istilo sa pagpapadaloy ng tinig. Pero pareho ang ideyang gustong ipabatid ng himig. Pag-ibig. Hindi perpekto,. Madalas gasgas. Kasi tulad ng kanta. Hindi kailangan palaging mala-diva. Dahil palaging may sulok na tambayan ng mga boses na kulang sa timpla. Doon, sa lugar kung sa'n nagsasama-sama ang mga 'di plakadong tinig, ngunit may pagkilala sa isa't-isa. Ganyan ang pag-ibig. Hindi palaging sapat pero may kaakibat na saya sa likod ng bawat diperensya. Hindi palaging tungkol sa ganda, tatas, o kinis ng salita o kanta. Tulad ko. Hindi palaging nasa tono. Pero 'di naging dahilan para huminto ang bibig sa pagkatha ng mga salita na ikaw ang ideya. Kasi ikaw ang laman at kahulugan ng bawat piraso ng salitang nagtatago sa anyo ng kanta. Ikaw ang sentro ng kaisipang inilathala ng agresibong puso higit pa sa kabuluhan ng buhay ng makata. Boses ko ang siyang naririnig, pero ikaw ang nakakubling dahilan sa malinis na pagdaloy ng tinig. Ikaw at Ako. Ang may likha ng pambihirang pag-ibig na isinalin sa Himig.

Mga Tula ni Clyde AlcarazTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon