"Mahal kita pero.." Pwede bang 'wag na tayong dumako sa pero? Ang gusto ko lang sa ngayon mahalin mo 'ko ng walang bahid ng pagtataka kung tama o mali. Mahalin mo 'ko ng walang kasunod na pero. Mahalin mo lang ako ulit. Kahit saglit, kahit sandali. Wag muna tayong lumingon sa 'di matawarang nakaraan. Wag muna. Kahit ngayong pasko lang. Takasan muna natin ang sakit. Sa huling pagkakataon, manlilimos ako ng pagmamahal mula sa'yo. Kahit ngayon lang mga oras na 'to. Ngayong araw na 'to. Ngayong pasko. Sa ngayon meron nalang akong humigit kumulang labing tatlong oras at labing walong minuto. Para manatili at mabuhay sa pag-asang mabubuo pa tayong muli. Gamit ang alaala, muli tayong huhulma ng panibagong simula, panibagong umpisa. Magtutulungan tayong umukit muli ng mga bagong salita na tugma sa'ting dalawa. Kahit sa isip ko lang, gamit ang alaala. Sasariwain natin ang pasko at sabay na iibsan ang panggiginaw na dulot nito. Walang sakit, lungkot, hapdi, kirot at pighati. Puro saya lang. Purong-purong saya. Kahit alam kong mauubos ang natitirang labing tatlong oras at labing walong minuto. Magiging lima, apat, tatlo, dalawa, hanggang sa wala na talaga. Handa 'kong idilat ang mga mata para sagupain ang katotohanan. Na wala ka sa mundo ko. Nawawala ka sa mundo ko. At ang kailangan ko ay bumalik sa lumang mundo.Sa totoong ako.Sa totoong ikaw.Sa totoong tayo.Dito ko sisimulang balikan ang tinakasang salita sa pangungusap na "mahal kita pero.." Wala na palang tayo.
BINABASA MO ANG
Mga Tula ni Clyde Alcaraz
PoetryMga tula at akda na likha ng mapagpunyaging puso. Enjoy reading!