WALANG LASA ANG MUNDO

37 1 0
                                    


Kapag sinabi kong takbo, takbo. kapag sinabi kong talon, talon. Kapag sinabi kong hinto, mag isip ka, makiramdam, sobrang kipot ng mundo para punuin ng kamang-mangan. Sobrang kitid bawat kanto nito para sidlan ng galit at poot, sobrang lalim ng buhay para hayaang maghari ang kababawan na sinasabing taliwas sa lahat ng bigo ang tinatawag na tadhana.
Hanggang kailan?
Hanggang kailan ba dapat ibunton sa mga bagay na likha ng mapagpursiging puso lahat ng pakla ng buhay.
May lugar ba para sa pighati, pagdurusa, karimlan, kalbaryo?

E sa lagim, sakit, kirot, hapdi, pagkaburo?

Sana, meron.

Nilalang tayong taglay ang kakayahang lasapin ang lahat ng luho ng mundo at tanggapin ang anumang kabulukan na pwede nitong ibuga pabalik. Nakakatuwang isipin na kung pa'no languyin ng tao ang baha ng ligaya, siya namang pagkamuhi nito sa kabig-biyayang kapalit ng pagpapakasasa.

Ganun ba tayo kahina, o likas talaga tayong timawa?
At ang kaya lang natin ay daluhungin ang linamnam na hain ng buhay, pero hindi kailanman ang pagyakap sa sangkap o pagkilala sa ginoong may likha nito.

Nakakatuwang masdan kung pa'no natin bangkain ang kapangyarihan ng walang pagtunghay at pagbibigay kagalakan sa mismong lumikha ng lawa.

Baka kaya tayo merong ganito?

Hindi para lasapin lang ang anumang hain, kundi para matuklasan at tanggapin na "Tama, walang lasa ang mundo."

Pero saksi ako, ikaw, at siya mismo, kung pa'no ka nyang binigyan ng malikot na isip para timplahan ito.

Pare-parehong sangkap oo, Pero kanya-kanyang luto.



Mga Tula ni Clyde AlcarazTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon