Kapag nagsimulang huminahon ang panahon at bigyan ka ng pagkakataong mag-isip. Mamahalin mo pa ba 'ko? Kapag nagsimulang pumihit ang kamay ng orasan pabalik para paglaanan ka ng segundo makapagmuni-muni. Ako parin ba sa puso mo? Paano kapag tumikom na ang palad ng kapalaran upang himayin at ibukod ang dumi ng kahapon sa saya ng kasalukuyan. Wala bang magbabago?Sa panahong hindi na kaya ng likod ko pasanin ka patungo sa landas na sinumpaang sabay tatahakin. Kapag bilang nalang ang pintig ng pulso. Kapag ang mga ugat ko'y lubha ng marupok upang magtawid ng dugo sa puso. Kapag mukha mo nalang ang kayang alalahanin ng memorya at hindi ang bawat letrang bumubuo sa pangalan mo. Ako parin kaya sa'yo? Sa araw na 'di ko na kayang humabi ng tula. Kapag imposible ng umani ng atensyon. Kapag wala na sakin lahat. Natatakot ako.Oo, takot na takot ako. Hindi sa kabaong, kundi sa posibilidad ng hindi mo pagbangon. Na baka kapag napigtal ang pisi na nagdudugtong sa'ting mga kaluluwa. Panghinaan ka't marapating sabayan ang pagwawakas ng mga alaala. Sa araw na hndi ang mukha ko ang bubungad sayo sa umaga. Sa gabing hindi ang init ng katawan ko ang 'yong madarama. Sa araw na wala kang aatupagin kundi gunitain ang mapang-asar kong tawa. Kilala kita. Hindi ka sanay sa lalim ng buhay. Marupok. Madaling matunaw. Pero kailangan nating tanggapin na 'di ang pag-iibigan natin ang pwdeng makalusot sa lupit ng kamatayan. Hindi natin hawak ang oras. Pero kaya kitang hawakan sa mga nalalabi kong segundo sa mundo.Hanggang sa matanggap mo ang katotohanan. Na maglalaho ako sa pagitan ng oras at espasyo. Nguni't 'di ang mga alaalang bumuo sakin, satin. Sa buo kong pagkatao.
BINABASA MO ANG
Mga Tula ni Clyde Alcaraz
PoetryMga tula at akda na likha ng mapagpunyaging puso. Enjoy reading!