BATAS NG API

186 2 0
                                    


May batas ba talaga para sa mga api? Sa mga inalipusta ng panahon, sa ninakawan ng kiliti, sa binawian ng ngiti, sa tinadyakan ng kalawakan. Meron ba? Kung ako kasi ang tatanungin. Hihilingin kong meron. Yung tipong may batas na magsasaad ng kaukulang bilang ng pasa na pwede mo lang tanggapin mula sa mundo. May limitasyon ang pilay, pilat, paso at pagkagulpi. May bilang ang sakit na pwedeng tiisin. May pwedeng malabag ang mga kaskaserong driver ng pag-ibig. Over speeding - walang kontrol sa pagmamaneho ng oras at atensyon, binubuhos lahat. O kaya violating the traffic lights - sinabi ng bawal, pinaramdam ng hindi pwede, tuloy parin, sige parin. Hindi makahintay ng tamang oras. Binigay agad lahat.

Kung pwede lang na may batas talaga para sa mga api. May ordinansang magmamanipula sa pusong mapagpunyagi, sa makulit na utak, sa pusod na makati. Sana meron. At ang hatol pag lumabag, wagas na pagmamahal. May hukom na magpapataw ng karampatang parusa. Walang hanggang pagmamahal para sa mga pusong sinampal ng pagkakataon. May hukom na sisintensya ng rehabilitasyon sa pighati at lungkot. Magpapalaya sa mga pusong bilanggo ng kapalaran at karapatan.

Karapatang magmahal at mahalin ng patas.

Sana.


Mga Tula ni Clyde AlcarazTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon