ANG SARAP MATULOG PAGKATAPOS MAHULOG

62 1 0
                                    


Ang sarap pala matulog pagkatapos makipagbakbakan sa kirot. Lalo na pag ikaw yung nadurog.
Matutulog ka ng may kabuluhan, may kahulugan. Hindi basta tulog lang na kailangan ng katawan, kundi paghimlay na kailangan ng puso at utak, ng kaluluwang inanod palayo sa pagtatangkang sagipin ka sa nakalulunod na sigalot.

Ang sarap pala dalawin ng antok dala ng sobrang pag-iisip. Yung tipong abala ka sa pag gunita ng mga alaala nyo, kayong dalawa. Habang sabay na binabagtas ang kahabaan ng walang dulong kalsada, harutan na walang pag-intindi sa perwisyo na dulot ng traffic sa edsa. Kasi sulit, ang lahat ng likot, pasimpleng kurot, harot. Ni walang pag-alintana na baka mahuli o di na makarating sa lugar na tutunguhin.

Tapos dahil sa sobrang pagod. Susuko sandali ang mata, magpapahinga saglit sa tuwa, at dahan-dahan siyang mahuhulog sa'yo. Mali. Hindi pala sa'yo. Sa mga braso mo. Para matulog at magpahinga. Parang ako, nung nahulog sa'yo. Ang kaibahan lang sinadya kong mahulog. Ginusto kong mahulog ng di nababahala kung sasaluhin mo o ano.

Iba sa'yo, kasi itinulak ka ng pagod at panghihina para tuluyang mahulog sa mga braso ko, hindi intensyonal. Nagkataon lang.
Kaya mas naiintindihan ko na ngayon. Kung bakit sa kalagitnaan ng pagbayo ng mga tugtuging sinasayawan ng mga bangag kong kaibigan. Sisigaw ang iritableng kapitbahay ng "Magpatulog kayo."

"Kasi pucha naman. Ilang oras lang ang itutulog ko para hayaang magpahinga ang puso at lumaya sa gasgas na katotohanan. Na hindi ikaw, hindi ang tulad mo ang mahuhulog sa kagaya ko."

Ang sarap pala matulog ng ikaw ang dahilan. Kapag para sa'yo, o kapag tungkol sa'yo. Kahit masakit.

"Hi, Goodmorning. Sorry natulugan kita kagabi, pagod na pagod kasi ako."

Pagod na pagod na 'kong magpa-uto.


Naabot mo na ang dulo ng mga na-publish na parte.

⏰ Huling update: Jan 10, 2016 ⏰

Idagdag ang kuwentong ito sa iyong Library para ma-notify tungkol sa mga bagong parte!

Mga Tula ni Clyde AlcarazTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon