"Ate Kate!" Lumingon ako sa likod nang maramdaman kong may humihila sa laylayan ng aking damit.
"Oh, Jane?"
"Bigay po ni kuya Joel, para daw po sa'yo." Sabi ng bata at saka iniabot sa akin ang dala-dala niyang isang piraso ng gumamela na halatang kakapitas pa lamang at isang tsokolate na beng-beng.
"Inutusan ka na naman ba ulit ng kuya mo?" Tanong ko sa bata at saka kinuha ang dala niya.
"Gusto mo?" Tanong ko kay Jane at agad naman itong tumango kaya ibinigay ko ito. Hindi kasi ito tumitingin sa akin kung hindi sa tsokolateng dala niya.
"Salamat ate, ang bait mo po talaga. Kaya ang daming nagbibigay sa'yo ng ganito."
"Ikaw talaga. Huwag mong sabihin na kinain mo ang ibinigay ng kuya mo sa akin dahil baka hindi ka na makakakain ng tsokolate kapag nalaman niya at baka sa iba pa niya ipasuyo. Paborito mo pa naman niyan." Natatawang sabi ko sa kanya at saka nag-umpisa nang maglakad para umuwi.
"Ma! Andito na po ako!" Sigaw ko nang makarating ako sa amin.
"Oh, anak! Ano ang resulta?" Tanong ni Mama. Lumapit ako sa kanya at kinuha ang kamay niya para mag-mano.
"Wala naman po, nagbigay lang ng mga reseta si Doktora. Babalik pa raw po ako sa susunod na linggo para makuha ko ang resulta ng test." Sagot ko at saka nagtungo sa kusina upang kumuha ng tubig para inumin.
"Ganun ba?"
"Ma, okay lang naman kung hindi na muna ako magpapa-check-up sa susunod na linggo tapos kukunin ko na lang yung resulta ng test na ginawad sa akin kanina. Alam ko naman na hirap na hirap na kayo dahil sa akin. Sobra-sobra na po ito. Kung babalik po talaga, ay babalik ito. Pero kung hindi at wala ng pag-asa, tatanggapin ko na lang po. Ayoko naman po na maghirap kayo ni Papa dahil sa akin." Nakangiti kong sagot kay Mama at agad naman niya akong hinila para yakapin.
"Hayaan mo anak, kapag nagkapera tayo at nagkaipon, ipapagamot kita sa maynila, maliwanag ba?" Sabi ni Mama na nakayakap pa rin sa akin hanggang ngayon kaya tumango na lang ako bilang sagot.
Kami lang ni Mama ang nasa bahay, wala kasi si Papa, nasa Saudi, nagta-trabaho bilang isang OFW. Si Mama naman, isang guro sa isang Universiy dito sa probinsiya bilang isang subsitute professor at ako, nasa bahay lang. Na aksidente kasi ako last year, at ilang buwan din ako sa ospital dahil na comatose rin ako dahil sa akisdente. Gusto kong bumalik sa pag-aaral ang kaso, ayaw pumayag ni Mama dahil hindi pa raw ako lubusan na magaling.
"Ate Kate? Tao po!" Agad akong napakalas kay Mama nang marinig ko ang boses ni Janes sa labas.
"Jane? Anong ginagawa mo rito?"
"Si kuya po kasi, ipinapapabigay niya ulit sa'yo." Sabi niya at saka pumasok sa bahay. "Hello po Tita Raquel." Masiglang bati ni Jane kay Mama at saka nagmano.
"Ano ba ang ipinapapabigay ng kuya mo at kailangan pa talagang ikaw ang maghatid nito sa bahay?" Tanong ko sa bata at saka dinala ito sa salas.
"Chocolate. Pwede ba akin na lang ito, ate?" Nakangising sagot niya habang unti-unting tinatanggal ang balot ng tsokolate. Tumango ako dahil baka hindi ko rin makain ang dala nito, sayang lang din. "Ate, pabuksan naman please."
"Oh heto na. Huwag kang kumain ng marami baka sumakit na naman ang ngipin mo."
Pinagmasdan ko lang si Jane habang kumakain, mula noong naka-uwi ako galing ospital ay palagi na siyang andito sa bahay. Ang sabi ni mama sa akin, nakababatang pinsan daw ni Joel si Jane. Sa bahay na nila Joel nakatira si Jane dahil nasa ibang bansa ang nanay nito at ang tatay niya ay patay na. Walong taon pa lamang si Jane at talagang napakabibong-bibong bata.
"Jane!" Rinig kong sigaw ni Aling Marites, nanay ni Joel, mula sa labas. "Halika na, uwi na tayo."
"Tawag ka ng tiyahin mo, Jane." Sabi ko sa bata. Agad naman niyang kinain lahat ang mga tsokolateng dala niya at agad na nagtungo sa kusina para kumuha ng tubig at saka lumapit sa akin.
"Ate, masisira na talaga ang mga ngipin ko. Sasabihin ko kay kuya na huwag na munang tsokolate ang ibigay sa'yo." Natawa ako sa sinabi ni Jane at agad kong pinunasan ang gilid ng labi niya. May tsokolate pa kasing nagkalat at baka mahalata ng kuya niya na siya ang kumain sa tsokolateng para sa akin.
"Sige na, naghihintay na si Aling Marites sa'yo sa labas." Saad ko at sinamahan ito palabas ng gate dahil nandoon si Aling Marites na naghihintay sa kanya. "Magandang gabi po, Aling Marites."
"Pasensya na kay Jane, Kate ha."
"Naku wala po 'yun." Nakangiting sabi ko. Nagpaalam na sina Aling Marites at agad na umalis.
"Kate!" Tawag ni Mama sa akin mula sa loob kaya agad kong isinara ang gate at saka pumasok sa loob.
"Po?"
"Wala ka pa bang naaalala?" Tanong ni Mama nang makapasok ako sa loob ng bahay. Sandali akong natigilan dahil sa tanong ni Mama.
Ilang araw, linggo at buwan na rin kasi ang nakalipas pero kahit na anong pilit kong gawin ay wala pa rin akong maalala.
"Wala pa po." Mapait na sabi ko at saka tumungo.
"Huwag mo munang pilitin ang sarili mo, darating din ang panahon na makakaalala ka." Sabi ni mama at saka yinakap ako. "Kumain na tayo, nagluto ako nang paborito mong adobo."
Umupo na kami ni Mama sa hapag at nagdasal. Tahimik lang kami habang kumakain. Tinatanong ko sa aking sarili kung bakit sa lahat ng tao ay ako pa ang nawalan ng alaala.
Naiinis ako sa sarili ko dahil hindi ko man lang maalala kung sino ako. Alam kong sobrang nahihirapan na sila Mama at Papa sa akin dahil sa kundisyon ko. At kung ako lang ang masusunod ay mas gugustuhin ko pa na malumpo kaysa kalimutan ang mga taong mahahalaga sa akin.
"Oh bakit? Hindi mo ba nagustuhan ang niluto ko, anak?" Agad akong napahinto sa pag-iisip nang marinig kong magsalita si Mama.
"H-Ha? Gusto po, gustong-gusto. May naisip lang po kasi ako." Ngumiti si mama sa akin at hinawakan ang kamay ko na nakapatong sa lamesa.
"Anak, hindi naman kami nagmamadali ng papa mo na maalala mo kami. Ayaw ka namin na pwersahin, darating din naman ang panahon na maaalala mo rin kami."
"Ma, sorry po. Hindi ko naman sinasadya eh." Sabi ko kay mama habang umiiyak. Hindi ko matangap sa sarili ko na ang sarili kong pamilya ay hindi ko maalala. Ni kahit pangalan lamang nila nang magising ako ay hindi ko matandaan.
Natapos kaming kumain ni mama kanina na sobrang tahimik. Hindi ako makatingin kay mama ng diretso kanina dahil na gi-guilty ako. Maaaring hindi ko nga kasalanan na hindi ko sila maalala pero alam kong nasasaktan ko silang dalawa ni papa kahit na hindi man nila ipakita.
BINABASA MO ANG
Sold to a Billionaire
General FictionSold to a Billionaire. Twin Vengeance Sequel. Travois and Sychilm Story. All Rights Reserved. Credits to FrozenSilver for the cover!