Chapter 1

2.2K 59 0
                                    

  "TALONG! UPO! AMPALAYA! PATOLA! kayo diyan mga suki!" Malanding tawag ni Charlie, a.k.a Charlene sa mga dumaraang mamimili.

"Suki, dito na kayo bumili ng talong! Mahaba, mataba at makintab! Sariwang-sariwa!"

"My patola din mga suki! Dali bili na ng patolang masustansiya! Talbos ng kamote para sa mga walang dugo!" Dagdag pa nito at panay ang kembot at aksyon habang nagtatawag.

"Hoy! Charlie, dumali na naman yang bibig mo." Natatawang saway ni April sa kapatid na bakla.

"Chillax ka lang diyan sister." Anito at kumindat.

"Mga suki, talong at upo na mahahaba ba ang hanap nyo? Lapit lang dito at hindi kayo magsisisi." Malanding tawag nito ulit.

Dahil sa kwela at makatawag pansin talaga ang stilo nito, ay maraming naaliw at bumibili sa pwesto nila.

"Hijo paki bigyan mo nga ako ng isang tali ng talong." Wika ng isang may katandaan ng mamimili kay Charlie.

"Ay ang lola! 'Hija' po ako. Ikaw ha mahilig ka sa talong! Tamang-tama po at mahahaba ang mga talong namin dito." Pilyong sagot ng binabae.

"Sus! Maryosep kang bata ka baka ibang talong iyon." Natatawang bulalas nito.

"Aha! Green minded ang lola. Totoo naman po kasi na sariwa ito dahil kami mismo ang nagtatanim at namimitas." Nakangising pahayag nito.

"O sige akin na 'yang mahaba at makintab mong talong nang maiuwi ko na at nang makain ko na rin." Sakay sa biro ng matandang komedyante.

"Ay!! Heto na madir enjoy mo ang talong!" Natatawang binalot ni Charlie ang gulay.

Naiiling lang na natatawa si April. Magaling talaga sa sales talk ang kapatid niya kaya't marami silang suki. Bukod sa sariwa ang mga gulay nila na sila mismo ang may mga tanim, may libreng entertainment pa.

Ito na ang buhay nilang magkapatid, ang pagtitinda ng gulay sa palengke. Simula ng maulila sila sa mga magulang ay napunta na sila sa pangangalaga ng tiyahin nilang si Bebang na ubod ng pagka-bungangera. Kasama ng asawa nitong batugan na si Pedrito. Sila ng kapatid niya ang halos bumubuhay sa dalawa dahil wala naman itong anak. Kung tutuosin ay mga malalakas pa naman ito, dangan lamang at mga umaasa nalang talaga sa kanila. Kahit papaano ay nakatapos sila ng high school na magkapatid dahil na rin sa pagsisikap nila.

"Ateng, malapit na maubos ang mga gulay diretso na rin tayo mamaya sa kakahuyan para sa mga pang gatong." Wika ng kapatid niya.

"Ay oo nga pala. Buti naalala mo tiyak pag uwi nila tsang Bebang maghahanap na iyon ng pagkain." Sagot ni April.

"Hmp. Tayong kumakayod pa ang magluluto para sa mga namamasyal lang." Nakaismid na pahayag ni Charlie.

"Hayaan mo na at pag nakaipon na tayo ng sapat na pera ay makaka-luwas na tayo ng maynila."

"Kaya nga ateng eh. Gusto kong mag aral sa college para hindi tayo ganito nalang."

Ngumiti si April sa kapatid. Iyon din ang pangarap niya para sa sarili. Pero mas gusto niyang bigyan katuparan ang pangarap ng kapatid. Kaya't pinagsisikapan nilang makaipon kahit pakonti-konti.

...

KAHARIAN NG MGA DIWATA.. (Diwatanya)

"Haring Oberon kamusta ang pagsasanay ni Prinsipe Zion?" Tanong ng matandang pantas. (Tagapayo ng hari)

"Mabuti naman. Siya ay nagsasanay nang mabuti upang sa takdang oras at panahon ay mapamunuan niyang nararapat ang kaharian." Masayang turan ng kasalukuyang hari.

"Kung ganoon ay magaling. Dapat ay maging handa ang tinakdang prinsipe upang mapangalagaan niya ang ilang salin-lahi na ng mga diwata." Maigkas na wika ng matandang pantas.

Samantala lingid sa kaalaman ng lahat ay nasa itaas ng lupa si Zion kasama ng kaniyang mga kaibigan na sina Albino at Orion. Masayang nagmamasid sa ganda ng matatayog na kakahuyan. Palagian nilang ginagawa ito pagkatapos ng kanilang pagsasanay. Ang mga makikisig na diwata ay namamasyal sa mundo ng mga mortal na tao. Kasabay ng pagpunta ni Zion sa kaniyang tiya Sabana. Ang nakababatang kapatid ng kaniyang amang hari na itinakwil at isinumpa ng kanilang lahi. Ngayon ay normal na rin itong namumuhay kasama ng lalaking dahilan ng pagiging literal na tao nito.

"Tunay na kay gandang pagmasdan ng luntian at tila musika ang bawat huni ng ibon dito sa lupa." Wika ni Zion.

"Umibig kang tunay sa kagandahang taglay dito sa lupang ibabaw prinsipe Zion." Sagot ni Albino.

"Tayo ay nandito sa mundo ng mga mortal, nararapat na umayon ang ating pananalita sa kanilang paraan ng pagturan." Nakangiting sabat ni Orion.

Pagkaraan ay sabay na tumango sina Zion at Albino.

"Bibisita muna ako sa aking tiya Sabana. Bago tayo mamasyal dito sa kakahuyan." Wika ng diwatang makisig.

"Bilisan mo lang dahil baka maabutan tayo ng huni ng tamburi." Ani ni Albino.

"Tama. Tiyak na malaking kaparasuhan ang naghihintay sa ating tatlo pag nalaman ng iyong amang haring diwata ang ginagawa nating pagtakas at pagpunta dito sa lupa." Segunda ni Orion.

"Lalo kana prinsipe Zion. Ang pakikipag kita mo kay prinsesa Sabana ay isang kalapastangan sa utos ng iyong ama." Dagdag pa ni Albino.

"Salamat sa mga paalala." Ani ni Zion at pagkaraan ay inilabas ang maliit na puting kristal at nagwika.

"Banal na susing makapangyarihan hiling kung buksan mo ang pintuan ng lagusan tungo sa aking tiya Sabana." Aniya at pumikit. Ilang sandali pa ay nagliwanag ang hawak nitong kristal at parang kidlat na naglaho.

...

KASALUKUYANG nakaupo si Sabana sa balkonahe ng munti nilang tahanan ng biglang lumitaw ang pamangkin na makisig.

"Zion!" Tuwang bulalas ng ginang.

"Magandang araw tiya." Nakangiting winagaygay ng binata ang hawak na munting patpat bilang pagbati.

Agad na hinawakan ng prinsipe ang kamay ni tiyahin at hinagkan.

"Salamat sa pagbisita mo." Ani ni Sabana at pinagmasdang maigi ang diwatang pamangkain.

"Tiya Sabana, ganoon na ba ako katagal hindi pumunta dito? Bakit tila nag iba na ang iyong itsura?" Takang tanong ni Zion habang hinahaplos ang mukha ng tiyahin.

Kapansin-pansin ang mga kulubot ng dating magandang mukha nito. Pati ang makintab nitong buhok na kulay itim ay nahaluaan na ng puti.

"Kaakibat ito ng pagiging mortal ko. Ang pagtanda ko bilang tao ay normal dito sa mundong ginagalawan ko, Zion." Paliwag ng ginang.

Tumatango-tango lang si Zion sa narinig.

"Nasaan po ang iyong kabiyak at anak, tiya?"

"Nasa trabaho ang aking asawa. Ang iyong pinsan naman ay nasa eskwelahan.
Kamusta nga pala ang iyong ama't ina? Ang iyong nakababatang kapatid na si Alvar?" Balik tanong ni Sabana.

"Mabuti naman sila tiya. Si amang haring diwata ay abala sa pamumuno ng buong kaharian. Si inang reynang diwata naman ay patuloy na nakasuporta kay ama. Si Alvar ay nagsisimula na rin magsanay."

"Mabuti kung ganoon. Siya nga pala patuloy kang mag ingat sa pagbisita mo dito sa akin, baka mahuli ka ng haring diwata." Paalala nito sa pamangkin.

"Huwag kang mag alala tiya nag iingat akong mabuti. Basta pakaingatan mo ang kabiyak ng batong kristal dahil iyan lang ang magiging daan para patuloy tayong magkita. Kahit na itinakwil ka ng ating lahi." Pahayag ng prinsipe.

"Salamat prinsipe Zion. Huwag kang mag alala at pinakaiingatan ko ang bato." Sagot ni Sabana at hinawakan ang kamay ni Zion.

Magsasalita pa sana ang makisig na prinsipe ng may maulinigan siyang tinig.

"Prinsipe Zion bumalik ka at malapit ng tumunog ang tamburi!" Wika ng tinig na sumasabay sa hangin. Kung hindi siya nagkakamali ay kay Orion na tinig iyon.

Bumaling siya ng tingin kay Sabana.

"Tiya aalis na ako, hanggang sa muli nating pagkikita." Nagmamadaling paalam ni Zion at winagaygay ang maliit na patpat na hawak. At ilang sandali pa ay naglaho na ang diwatang makisig.

Isang buntong hininga ang pinakawalan ni Sabana ng mawala na si Zion. Marami talagang nagagawa ang pagiging isang makapangyarihang diwata. Noon ay ganiyan din siya. Naisip niyang sa kaniya nga nagmana ang pamangkin dahil pangahas din itong pumupunta sa ibabaw ng lupa. Ngunit napangiti siya ng maalala ang mahal na kabiyak. Kahit na nawalan siya ng kapangyarihan at naging mortal na tao ay hindi niya pinagsisihan. Dahil sa pag ibig na tunay ang kaniyang nahanap lalo pa at nabiyayaan din siya ng isang supling na si Patrick.

Maya-maya pa ay nagpasiya ng pumasok si Sabana sa loob ng munting tahanan.

...

PAGBALIK ni Zion sa mga kaibigan ay may pagmamadaling inilabas niya ang pulang panyo. Ito ang nagsisilbi namang lagusan nila pabalik ng kaharian. Dahil sa pagmamadali ay nailapag niya ang kaniyang mahiwagang patpat sa tumpok ng bato. Nang biglang tumunog ang tamburi ng kaharian. Hudyat na lahat ng mga diwata ay nararapat magtipon-tipon sa bulwagan ng palasyo.

HABANG pawisan naman sina April at Charles sa pamumulot ng mga tuyong kahoy. Ito ang kanilang ginagawa pagkatapos magtinda sa palengke.

"Teka muna ateng pagod na ako upo muna tayo." Hiningal na wika ni Charlie at umupo sa tumpok ng mga bato.

"Sa bahay kana magpahinga magluluto pa tayo. Tiyak magbubunganga na naman si Tsang pag nahuli tayo." Pawisan at hinihingal din na sagot ni April. Hindi sinasadyang napahawak siya sa ibabaw ng batohan at agad niyang nahawakan ang isang patpat na kasing laki ng ruler. Wala sa loob na dinampot niya ito at sinipat.

"Ang ganda naman ng kahoy na 'to." Aniya at tinitigan ang itsura ng hawak. Makinis at tuwid na tuwid ang hugis ng patpat, may pagka-brown ang kulay at sa pinaka dulo ng nito ay parang hugis bituin.

"Anong maganda diyan? Isama mo na 'yan sa panggatong." Ani ni Charlie at patamad na tumayo.

Kibit-balikat na isinama nga ni April ang mahiwagang patpat. At hindi nila napansin ang pagkinang ng dulo nito.

...

KAHARIANG DIWATANYA..

Kanina pa hindi mapakali si Zion. Kinakabahan na siya dahil hindi niya makita ang kaniyang mahiwagang patpat.
Hindi maaring mawala ito at mapunta sa kung kanino dahil lubos na kapangyarihan ang nakapaloob dito. Bilang isang diwata, ito ang nagsisilbi nilang lakas at kapangyarihan. Lalo pa siya na nakatakdang maging hari mas higit na malakas ang kaniyang salamangka kahit hindi pa ganap ang pagsasalin ng puting mahika.

Agad namang napansin ni Ayana ang pagkaligalig ng anak.

"Zion tila hindi ka mapakali?" Tanong nito.

Kanina pa niya nararamdaman na tila may kakaiba sa kilos nito mula ng dumating.

Alanganing tumingin ang prinsipe sa inang reyna.

"A-ah, wala inang reyna." Pagkakaila ng binatang diwata.

Paano ba niya sasabihin sa ina ang dinadalang malaking suliranin? Nakaka-tiyak siyang malaking gulo ang kaniyang lilikhain pag nalaman ito ng amang hari.

Samantala hindi na nagpilit pa ang inang reyna na magtanong ngunit dama niyang may bumabagabag sa kaniyang anak.
Bakas sa mga abuhing mata nito ang isang suliranin.

MAGIC WAND                                                  by: GraceyTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon