#1 Notebook

6.9K 23 1
                                    

Bata pa lamang ako ay mulat na ako sa mapait na mundo. Paano ba naman? Sa edad kong siyam na taon ay nakikita ko na ang hirap na pinagdadaanan ng nanay ko.

Si Tatay ay may kabet. Si Kuya ay nalulong sa masamang bisyo. Si Dikong ay nakapatay kaya ngayon ay nakakulong. Si Ate ay nabuntis at hindi pinanindigan ng nakabuntis sa kaniya. Si Ditche ay ayun, nabaliw matapos iwan ng boyfriend niya. At si Junjun naman na mas bata sa akin, ay may sakit at hindi nakakalakad. Lahat  'yan ay sabay-sabay na iniintindi ni Nanay.

Ako na lang ang pag-asa niya. Pero paano nga bang naging ako samantalang wala pa akong napapatunayan at nagagawa para kaniya? Lagi kong sinasabi sa kaniya na tutulungan ko siya pagkatapos kong mag-aral. Pero paano nga ba ako matatapos, e ni hindi pa nga ako nakakabasa ng Ingles at hindi rin ako ganoon kagaling sa pagkwekwenta at pagbibilang?

Madalas ay nakikita ko si Nanay sa kwarto niya na nagsusulat sa maliit na notebook. 'Pag tinatanong ko siya kung ano at para san ba 'yun ay wala raw at bigla niya itong itinatago.

Isang araw ay wala siya kaya pumasok ako sa kwarto niya at hinanap ang notebook. Nakita ko naman ito at agad kong binasa ang mga nakasulat. Ilang pahina pa lang ang nababasa ko ay sobrang dami na ng luhang tumulo mula sa mga mata ko. Listahan niya pala ito ng mga problema at sama ng loob. Sobrang bigat nang pakiramdam ko nang matapos kong basahin ang lahat ng nakasulat. Sa isip ko ay wala man lang akong maitulong para mapagaan ang nararamdaman niya.

Ilang minuto ay biglang may kung anong tunog ang narinig ko mula sa pintuan kaya agad-agad kong pinunasan ang mga luha ko at ibinaba ang notebook. Hindi niya napansin na kakatapos ko lang umiyak dahil mas nabaling ang atensyon niya sa nakalabas niyang notebook. Alam niya na agad na nabasa ko ang mga nakasulat. Hindi siya nagalit. Bagkus ay niyakap niya lang ako nang mahigpit at hindi siya nagsalita.

Kinabukasan ay napansin ko na naman siyang nagsusulat sa notebook. Pero sa pagkakataong ito, sinadya na niyang makita ko siya, sa palagay ko.

Nang matapos siya ay ibinaba niya lang ang notebook at hindi na ito itinago. Lumabas siya sa kwarto niya at binilinan ako na magluto raw ako nang maraming kanin dahil sama-sama raw kaming kakain mamayang gabi kasama si Tatay. Natuwa naman ako.

Pagkaalis na pagkaalis niya ay agad kong tiningnan ang isinulat niya sa notebook. At sa nakita kong iyon, nadurog ang puso ko at bigla na lang akong napahagulgol.

Humanap agad ako ng ballpen at dinugtungan ko ang isinulat niya. Sana lang ay matuwa siya sa isusulat ko.

Kinagabihan ay sabay-sabay nga kaming kumain. Wala si Kuya at si Dikong dahil nakakulong sila pareho. Masaya ang naging hapunan namin na para bang walang pinagdaraanang problema.

Pero hindi pala talaga matatabunan ng sandaling saya ang mapait na katotohanan.

Nagising ako bandang alas-dose ng gabi dahil narinig ko si Nanay na umiiyak. Sumilip mula sa pinto ng kwarto niya, nasa sahig si Tatay at parang tulog na tulog na, at siya naman ay nakaupo at umiiyak habang hawak-hawak ang notebook. Nilapitan ko siya at bigla ko siyang niyakap. Niyakap niya rin ako. Sandali pa ay sinabihan niya na akong matulog at iniabot niya sa akin ang notebook na hawak niya.

"Anak, tuparin mo 'yung isinulat mo sa notebook, a? Promise mo 'yan kay Nanay. Mahal na mahal kita."

Hindi na ako sumagot. Niyakap ko siyang muli at nagpaalam na ako sa kaniya.

Kinabukasan ay nagising kaming lahat. Wala na si Nanay. May saksak siya sa kaniyang dibdib.

Samantalang si Tatay naman ay maaga raw umalis ang sabi ni Ate.

Ang sabi ng mga pulis ay posible raw na suicide ang nangyari dahil isa lang ang naging saksak nito at isa pa ay mag-isa niya lang naman daw sa kwarto. Hindi na namin binanggit na magkasama silang natulog ni Tatay.

Ilang araw ang naging burol pero hindi man lang namin nakita si Tatay na nagluksa. Hanggang sa mailibing si Nanay ay hindi siya nagpakita.

Lumipas ang isang linggo matapos ang libing ay pumunta ako sa puntod ni Nanay na dala-dala ang notebook niya.

Naupo ako at dahan-dahan kong binuksan ang notebook hanggang sa huling isinulat niya. Ito 'yung pahina na dinugtungan ko ang isinulat niya. Binasa ko ito.

"Gusto ko nang mamatay. Hindi ko na kaya. Patayin niyo na ako, nagmamakaawa ako."

Ang idinugtong ko naman ay,

"Sige Nay, ako na ang bahala. Mahal na mahal kita."

- - - - - - - -

NOTE: This is also posted in Facebook Page of Sobrang Short Stories.

©HandsomeGrey

ISANG DAAN: Koleksyon ng mga Dagli at Maiikling KwentoTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon