Hanggang ngayon ay hindi pa rin mawala ang ngiti sa aking mga labi sa tuwing babasahin ko ang text niya. Kilig na kilig talaga ako. Matutulog na sana ako nang biglang umilaw ang cell phone ko. Nakita ko na may isang text na galing sa kanya. Binasa ko ito. Halatang na-wrong send siya sa akin.
Nakalagay sa text na ipapasundo niya raw ako bukas nang alas-nuebe ng umaga sa kaibigan namin at dadalhin ako sa lugar kung saan kami unang nagkita. Doon niya ako yayayain magpakasal.
Kinabukasan ay maaga akong nagising at maaga rin akong gumayak.
Mag-a-alas-nuebe na ay hindi pa rin siya nagpaparamdam. Maging ang kaibigan namin na dapat ay susundo sa akin ay wala rin.
Balak ko na sana siyang tawagan pero hindi ko naman alam ang sasabihin ko. Baka malaman niya pa na alam ko na ang plano niya.
Naghintay pa ako. Mahigit isang oras na ang lumipas ay wala pa rin, kaya napagpasyahan ko na tawagan na siya. Sa kasamaang palad ay hindi nagri-ring ang cell phone niya. Kaya sinubukan ko na lang tawagan ‘yung kaibigan namin.
“Nasaan ka? Susunduin kita?” bungad niya sa akin na para bang nagmamadali.
“Sa bahay,” sagot ko.
Bigla niya na lang akong binabaan ng tawag. Makalipas ang ilang minuto ay dumating na siya. Nalukot ang mukha niya nang makita niya akong nakabihis na para bang may okasyon.
Hindi siya nagsalita nang makasakay ako. Puro pilit lang na ngiti ang isinusukli niya sa tuwing magsasalita ako. Ilang minuto pa ay hindi na ako nakatiis pa.
“Alam ko ang plano n'yo ngayong araw,” direktang sabi ko sa kanya.
Napatingin siya sa akin na para bang naguguluhan pero nag-iwas muli ng tingin.
“Alam ko rin na dadalhin mo ako sa ---“ naputol ang sasabihin ko nang bigla siyang huminto sa ospital. Nagtaka ako.
Pababa na sana siya sa sasakyan nang pinigilan ko siya.
“Bakit tayo nandito? Akala ko ba ay dadalhin mo ako sa lugar kung saan kami unang nagkita? ‘Yun ang text niya sa'yo ‘di ba?”
“Hindi tuloy.” ‘Yun lang ang sinabi niya pero sapat lang para patahimikin ako.
Naglakad na siya papasok. Sinundan ko lang siya. Lumapit siya sa parang counter ng mga nurse at nagtanong siya. Tinanong niya kung saan banda ‘yung ICU.
Sinabihan siya ng nurse na sa second floor daw, kaya naman agad kaming umakyat papuntang second floor.
Inikot namin ang paningin namin at nakita na nga namin ang ICU. Sa labas ng kwartong ito ay nakaupo ang dalawang pamilyar na tao -- sina Tita at Tito; mga magulang ng boyfriend ko.
Tatanungin ko sana kung sino ang dinadalaw nila pero biglang may lumabas na doktor at nurse mula sa loob ng kwarto.
“Kayo po ba ang magulang ng pasyente?” tanong ng doktor kina Tita at Tito.
“Kami nga po,” sagot ni Tito sa doktor.
“Nailipat na po namin siya ng kwarto. Sasamahan ko po kayong pumunta doon,” sabi ng nurse at nagsimula na itong maglakad.
Sinundan lang namin siya hanggang sa huminto siya sa isang kwarto. Biglang umiyak si Tita.
Hindi ko pa rin naiintindihan ang nangyayari. Ang alam ko lang ay nasa tapat kami ngayon ng kwarto na kung saan ay inilalagak ang mga pasyenteng binawian na ng buhay.
Unti-unti ay parang may namumuo na ring mga luha sa mga mata ko. Biglang naalala ko na nag-iisang anak nga lang pala nina Tita at Tito ang boyfriend ko. Nagsimula na akong kabahan.
Binuksan namin ang kwarto at nakita agad namin ang isang higaan na natatak’pan ng puting kumot. Dahan-dahan kaming naglakad palapit. Kasabay ng bawat hakbang ko ay siya ring pagpigil ko sa mga luha ko na anumang oras ay tutulo na.
Kita sa mga mukha nina Tita at Tito na wala silang lakas na tanggalin ang takip na kumot kaya nagtapang-tapangan ako na ako ang mag-alis nito.
Pagkatanggal ko ay halos mag-unahan na sa pagtulo ang mga luhang kanina ko pa pinipilit ‘wag mahulog.
Pinagmasdan kong mabuti.
Isang mahabang unan na may nakaburdang...
“Will you marry me?”
...ang nakita kong natatak'pan ng kumot.
Inikot ko ang paningin ko at nakita ko siyang lumabas sa isang pintuan sa gilid na may dalang box ng singsing.
Scripted pala lahat ng nangyari, sa isip-isip ko.
- - - - - - - - -
©HandsomeGrey
BINABASA MO ANG
ISANG DAAN: Koleksyon ng mga Dagli at Maiikling Kwento
Short StoryKalipunan ng mga orihinal na Dagli at Maiikling kwento na ako mismo ang nag-isip at nagsulat. Enjoy Reading. ☺