#6 Ang Kwento Nating Dalawa

1.5K 7 0
                                    

Nagkakilala tayo sa isang sikat na anonymous chatting site sa Internet. Nakakatawa mang sabihin, pero ‘Forever' ang parehas na nakalagay na interest natin kaya tayo nag-match.

Sa simula pa lamang ng usapan natin ay may kung anong pakiramdam akong biglang naramdaman. Bago sa akin ito. Hindi ko alam kung anong meron ka at naramdaman ko ‘yon. Napakasaya mong kausap. Walang naging boring na sandali nang mga oras na magkausap tayo. Hanggang sa hindi natin napansin na lumipas na pala ang oras. Bigla mong hiningi ang pangalan ko sa Facebook. Pero hindi ko ibinigay. Hindi mo naman ako pinilit na ibigay ko bagkus ay may sinabi kang application sa Playstore na kailangan kong i-download. Agad-agad ay i-dinownload ko naman. Isang messaging app pala iyon. Ang sabi mo ay doon na lang tayo mag-usap.

Naging madalas ang pag-uusap natin hanggang sa mas makilala kita. Marami akong nalaman tungkol sa iyo. Nalaman ko kung gaano kalungkot ang buhay mo. Hindi na buo ang pamilya n'yo dahil patay na pala ang tatay mo. Dalawa lang kayong magkapatid at ikaw ang panganay kaya ikaw ang inaasahan ng nanay mo. Hindi ko alam, pero biglang bumigat ang pakiramdam ko nang malaman ko lahat ‘yun. Alam kong napakalungkot mo noong oras na kinukwento mo ‘yun kaya nalungkot din ako.

Sa ilang mga araw na lumipas, mas lalo ko pang nakilala kung sino ka ba talaga. Marami kang ikinuwento sa akin na ang sabi mo ay sa akin mo lang sinabi. Nabanggit mo pa na ilang beses mo na palang binalak na magpakamatay. Nagulat ako noong sinabi mo ‘yun dahil buong akala ko ay napakapositibo mong tao na hindi maiisip gawin ang ganoong bagay. Tinanong kita kung anong dahilan. Ang sagot mo nun ay dahil kamo sa ex mo na niloko ka lang. Biniro kita na kung ako ‘yung girlfriend mo baka hindi na kita maiwan. Pero tinawanan mo lang ako. Hindi ko alam, pero nasaktan ako noong oras na ‘yun.

Hindi ko na napigilan ang sarili ko. Nahulog na ako nang tuluyan sa'yo. Gusto ko sanang umamin na sa'yo kaya lang natatakot ako na baka ‘pag sinabi ko sa'yo ay bigla ka na lang lumayo sa akin.

Hanggang sa isang araw ay bigla ka na lang nag-send ng picture mo. Nagulat ako dahil ‘yun ang unang beses kong makita ang itsura mo. Kinabahan ako nang sobra nang oras na iyon. Hiniling mo na mag-send din ako. Nagdalawang-isip pa ako noong una dahil natatakot ako na baka pisikal na itsura ang gawin mong basehan. Pero gayumpaman, nag-send ako. Halatang gulat na gulat ka; hindi ka makapaniwala at gandang-ganda ka sa picture na i-sinend ko.

Simula nun ay bigla-bigla ka na lang naging sweet sa akin. Ramdam na ramdam kong nagkakagusto ka na sa akin. Hindi ko alam kung matutuwa ba ako o hindi dahil alam kong nagsimula ka lang maging ganyan noong nakita mo ang itsura ko. Nakakalungkot isipin na itsura ang naging basehan mo.

Isang araw ay bigla mo na lang hiningi ang number ko dahil gusto mong marinig ang boses ko at may importante ka 'ka mong sasabihin. Agad-agad ay ibinigay ko naman.

Nanginginig ang mga kamay ko nang sagutin ko ang tawag mo. Kinakabahan ako sa sasabihin mo. Halatang-halatang kinakabahan ka rin. Naka-ilang buntong-hininga ka muna bago magsalita. Nang makakuha ka ng lakas ng loob, inumpisahan mo nang sasabihing may aaminin ka. Biglang bumilis ang tibok ng puso ko. Bigla-bigla ay tumulo ang mga luha ko noong itinuloy mo na ang sasabihin mo. Mahal na mahal mo ako, ang sabi mo. Alam kong seryoso ka nang sabihin mo ‘yun kaya umamin na rin ako sa'yo.

Umamin ako sa'yo, na hindi ako ang may-ari ng picture na i-sinend ko sa'yo.

- - - - - - - -

This is also posted in Facebook page of Sobrang Short Stories.

©HandsomeGrey

ISANG DAAN: Koleksyon ng mga Dagli at Maiikling KwentoTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon