"Anak, baka p'wedeng bumale ka muna sa amo mo. Sabihin mo ay kailangan mo ng pera para ipagamot ang kapatid mo,” bilin sa akin ni Nanay.
"Opo 'Nay, nasabi na po sa akin ni Tatay 'yan," sagot ko at saka ako umalis ng bahay.
Tatlong araw ng mataas ang lagnat ng kapatid ko, pero hanggang sa ngayon ay hindi pa rin namin siya magawang dalhin sa ospital sa kadahilanang, wala kaming hawak na pera.
Nang makarating ako sa pinapasukan ko ay agad kong nakita ang amo ko na abalang-abala sa kanyang ginagawa. Kailangan ko munang maghintay ng tamang tyempo bago sabihin sa kanya ang balak ko. Lumapit ako sa kanya.
“O, nand'yan ka na pala. Tamang-tama ang pagdating mo dahil may iuutos ako sa'yo,” bungad sa akin ni Sir ng makita niya ako.
“Ano po ‘yon Sir?” tanong ko naman sa kanya.
“Pumunta ka sa bayan at maglabas ka ng halagang limang-libong piso gamit ang ATM card ko at ipambili mo ng mga groceries,” sabi niya sa akin sabay abot ng kanyang ATM card at isang maliit na piraso ng papel kung saan nakasulat ang kanyang pin.
“Sir, p’wede po ba akong magpa-drive sa driver mo?” tanong ko sa kanya.
“S'yempre naman,” nakangiti niyang sagot.
Sinabihan ko ang driver ni Sir na samahan ako sa pupuntahan ko. Kaya ipinag-drive naman niya ako.
Nang makarating kami sa bayan ay nakita ko agad ang ATM. Bumaba ako at naglabas na nga ako ng pera.
Napansin ko na habang binibilang ko ang perang hawak ko ay may isang lalake na patingin-tingin sa akin. Kinabahan ako kaya mahigpit kong hinawakan ang pera.
Nagmadali akong bumalik sa sasakyan pero hinarang ako nung lalake. Nagkatitigan kami. At sa hindi malamang dahilan ay hindi ko na nagawa pang sumigaw. Hindi ko alam kung dahil ba sa baril na nakatutok sa akin o dahil sa mga mata niyang diretsong nakatingin sa akin.
Napansin nung kasama kong driver na hinoholdap ako pero huli na dahil nakatakbo na ‘yung lalake kasama ‘yung perang kinuha sa akin. Halos hindi pa rin ako makakilos sa kinakatayuan ko nang lapitan niya ako. Gano’n pala ‘yung feeling kapag hindi mo alam kung ano ba ang dapat gawin.
Hindi na ako tumuloy mag-grocery. Bumalik kami sa bahay ng amo ko at sinabi ang nangyari.
Hindi siya nagalit sa akin dahil hindi ko naman daw ginusto ‘yung nangyari. Pero sa susunod daw ay dapat doble ingat na. ‘Yung plano ko sanang bumale ng pera ay biglang nawala sa isip ko ng dahil sa nangyari. Pero pasalamat pa rin ako dahil hindi ako tinanggalan ng trabaho.
Ilang minuto ang nakalipas ay biglang nag-vibrate ‘yung cell phone ko. May text akong na-receive galing kay Nanay na ang sabi ay,
“Salamat anak sa ibinigay mong limang-libo sa tatay mo. Maidadala na namin sa ospital ang kapatid mo.”
- - - - - - - - -
©HandsomeGrey
BINABASA MO ANG
ISANG DAAN: Koleksyon ng mga Dagli at Maiikling Kwento
Short StoryKalipunan ng mga orihinal na Dagli at Maiikling kwento na ako mismo ang nag-isip at nagsulat. Enjoy Reading. ☺