#13 Kung Bakit Itim ang Paborito Kong Kulay

998 2 0
                                    

Narito na naman ako. Nakahiga sa malambot na kutson. Tanaw ang mapuputing kurtina at makikislap na mga kulay puting ilaw. Kailan nga ba ako huling napunta rito? Noong isang buwan? Noong isang linggo? Noong isang araw? Hindi ko na alam dahil wari bang araw-araw akong naririto. Araw-araw akong pinahihirapan ng karamdamang hindi ko man lang alam kung ano.

"Anak, tawagin mo na ang doktor. Sabihin mo sa kaniya na nagising na ang kuya mo," mahinahong utos ni Mama sa aking nakababatang kapatid.

Napatingin ako sa kaniya. Halata sa kaniyang mukha ang pagod at puyat. Walang kaayos-ayos ang kaniyang mukha. Ang buhok niyang kulay blonde ay wari bang hindi na nasusuklayan. At ang damit niya ay katulad pa rin noong araw na nawalan ako ng malay. Nagkatitigan kami. Halata sa mga mata niya ang itinatagong lungkot ng kaniyang pagngiti. Nginitian ko siya. Nagbabakasakaling sa ngiti kong iyon ay mapagaan man lang ang bigat ng loob na kaniyang nadarama.

Biglang bumukas ang pintuan. Bumungad sa amin ang aking kapatid at ang doktor na nakatalaga sa akin. Isang masiglang ngiti ang ibinungad sa akin ng doktor at isa namang mapait na ngiti sa aking Mama. Nagtaka ako sa kung anong dahilan kung bakit ganoon. May hawak siyang papel na sa tantiya ko ay naglalaman ng resulta ng pagsusuring isinagawa niya sa akin.

Sinabihan siya si Mama na kung maaari raw ay sa labas ng silid nila pag-usapan ang naging resulta. Marahil ay ayaw nilang marinig ko ito. Mali. Sinadya ni Mama na 'wag kong malaman ang resulta. Siguro ay para hindi ako matakot. Siguro ay ayaw ipaalam ni Mama sa akin dahil alam niyang simple lang naman ito at gagaling din naman ako.

Mahigit sampung minuto ang lumipas nang bumalik si Mama. Hindi ko mawari kung ano ang una kong naramdaman nang magtama ang aming paningin — alam kong umiyak siya. Gusto kong tanungin sa kaniya kung bakit siya umiyak pero minabuti ko na lang na umakto na kunwari ay hindi ko napansin.

Lumapit siya sa tabi ko. Ramdam ko ang  lungkot mula sa kaniya pero pilit niya pa rin itong itinatago sa kaniyang pekeng pagngiti.

"Anak, ilalabas ka namin dito sa ospital." Mahina ang kaniyang pagkakasabi pero malinaw ko itong narinig.

Sa sinabi niyang iyon ay mas lalo akong naguluhan. Kung ganoon naman pala, bakit malungkot pa rin siya?

---
Lumipas ang mga araw ay napansin ko ang aking Mama na halos araw-araw ay pinapalitan ng kulay ang mga gamit ko sa kwarto.

Ang dating kulay kayumanggi kong pinto ay kulay itim na. Ang mga kabinet ko na dating kulay asul ay ngayo'y kulay itim na. Lahat ng mga bagay at gamit sa loob ng kwarto ko ngayon ay kulay itim na — dingding, kisame, lamesa, upuan, mga kurtina, mga unan, lahat-lahat maliban sa aking kumot na nananatiling kulay puti pa rin.

Isang araw nang lumabas ako ng aking silid, nadiskubre ko na maging ang kabuuan pala ng aming bahay ay kulay itim na rin. Kahit saang parte ng bahay  ay makikitaan ng kulay itim.

Naglakas-loob akong lapitan at tanungin siya. Pero mas laking gulat ko sa eksenang nakita ko. Ang dating kulay blonde niyang buhok ay ngayo'y kinukulayan niya na rin ng kulay itim. Sinubukan ko siyang pigilan. Malinaw na makikita sa kaniyang mukha ang luhang dumadaloy mula sa kaniyang mga mata. Ang buhok na ilang taon niyang iningatan at inialay sa aking Papa ay ngayo'y kaniya nang binabago. Blonde ang hiniling ni Papa na kulay ng buhok ni Mama bago ito binawian ng buhay kung kaya't hindi ko matanggap na sa oras na ito ay ginagawa niya na rin itong itim.

Hinawakan ko ang kaniyang kamay upang pigilan siya sa kaniyang ginagawa. Tiningnan niya ako sa aking mga mata. Makikita pa rin ang luha niya na dahan-dahang dumadaloy. Nginitian niya ako.

"Anak, mahal na mahal kita. Gusto kong makita mo akong nagbago ng kulay ng buhok para sa 'yo."

Walang salita ang lumabas mula sa aking bibig. Tanging ang pagluha ko ang nagbigay kahulugan sa bigat na nararamdaman ko. Mahal na mahal ko si Mama. Ayaw ko siyang nakikita na ganito. Pinunasan ko ang kaniyang mga luha at saka ko siya niyakap.

"Mahal na mahal kita, Mama. Tandaan mo 'yan."

Sa sinabi kong iyon ay para ba akong nagpapaalam sa mundo. Nagpapaalam sa pinakaimportanteng tao sa buhay ko.

May mga tanong na halos nakamarka na sa isip ko. Siguro ay dahil ang mga tanong na ito ay matagal ko nang hinahanapan ng kasagutan. Pero isa lang ang sigurado ako...

...malapit ko nang maging paboritong kulay ang kulay itim. Hindi ko man alam ang sagot sa ngayon pero darating ang araw ay malalaman ko rin.

Ilang linggo ang lumipas ay dumating na nga ang araw na nalaman ko ang sagot sa lahat ng aking tanong.

Nagising ako na maging ang kulay puting kumot ko ay kulay itim na rin.

Alam ko na ang sagot sa tanong na kung bakit ginawa ni Mama na kulay itim ang lahat ng gamit sa kwarto ko at sa buong bahay.

Alam ko na ang sagot sa kung bakit niya piniling gawing kulay itim maging ang kaniyang buhok.

Alam ko na ang sagot sa lahat ng tanong ko. Alam ko na.

Alam ko na na sinanay na ako ni Mama.

Alam ko na kung bakit itim ang paborito kong kulay. Alam ko na.

Itim ang paborito kong kulay dahil sa mga susunod na araw, idilat ko man ang aking mga mata, itim na lang ang kulay na aking makikita.

- - - - - -

NOTE: This is also posted in Facebook Page of Sobrang Short Stories.

©HandsomeGrey

ISANG DAAN: Koleksyon ng mga Dagli at Maiikling KwentoTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon