#5 Patawad

1.8K 8 0
                                    

Hanggang ngayon ay sariwa pa rin sa aking alaala kung gaano ka kasaya noong ibinalita mo sa akin, na dalawang guhit na pula ang lumabas nang subukan mong alamin kung may laman na bang bata ang sinapupunan mo. Sobrang saya natin noon dahil sa wakas ay makakabuo na tayo ng sarili nating pamilya.

Ipinaalam mo sa mga magulang mo na buntis ka at ganoon din ang ginawa ko; sinabi ko kina Papa at Mama na magiging lolo at lola na sila.

Botong-boto sa akin ang mga magulang mo, lalo na ang tatay mo kaya ninais niya na maikasal tayo agad at sinang-ayunan naman iyon ng mga magulang ko.

Plinano natin ang kasal. Sinabi mo sa akin na kahit simple lang basta ang mahalaga ay ang maikasal tayo. Pero hindi ako pumayag dahil gusto kong isang engrandeng kasal ang ibigay sa'yo, dahil ‘yun ang sa tingin ko ang nababagay sa'yo.

Naging sobrang aligaga nating dalawa sa paghahanda. Hindi natin napansin na masama na pala sa pinagbubuntis mo ang mga pinaggagagawa mo. Idinala kita sa ospital, at doon natin nalaman na tatlong buwan na pala ang dinadala mo at sobrang selan ng pagbubuntis mo. Maraming bagay ang ibinawal sa'yo ng doktor; hindi ka pwedeng mapagod at lalong hindi ka pwedeng ma-stress. Iyak ka nang iyak noon kasi naisip mo na hindi ka na makakatulong sa paghahanda sa kasal natin. Nilapitan kita at niyakap. Ang hindi mo alam ay ‘yun na pala ang huling yakap ko sa'yo.

Naisip ko na hindi pa pala ako handang maging ama sa bata sa sinapupunan mo. Nagpalamon ako sa sarili kong takot na baka hindi ako maging isang mabuting ama. Naduwag akong panagutan ka.

Nagpakalayu-layo ako, na maging ang mga magulang at kaibigan ko ay hindi rin alam kung saan ba ako nagpunta. Pinilit kong kalimutan ka pero kahit anong pilit ang gawin ko ay hindi ko magawa.

Hanggang sa nabalitaan ko na ilang beses ka na raw pabalik-balik sa ospital. Pero sa awa ng Diyos ay walang nangyaring masama sa dinadala mo. Lahat ng sisi sa nangyari sa iyo ay ibinunton sa akin ng pamilya mo. Kinasuklaman nila akong lahat.

Naglakas-loob akong umuwi ng bahay. Isang malakas na suntok ang bumungad sa akin mula kay Papa. Galit na galit siya sa akin, na maging si Mama ay hindi siya nagawang pigilan. Itinakwil niya ako dahil sa kagaguhang ginawa ko.

Sinubukan kitang tawagan pero Tatay mo ang nakasagot. Puro mura at pananakot na papatayin niya raw ako ‘pag nakita niya ako ang lumabas mula sa kanyang bibig.

Nagtapang-tapangan akong pumunta sa bahay niyo, dahil napagdesisyonan kong ako na mismo ang maglapit ng buhay ko sa kamatayang ipinapanakot ng tatay mo. Pero kabaligtaran ang nangyari, napatay ko ang pinakamamahal mong tatay. Lalo kang nasuklam sa akin at agad-agad ay ipinahuli mo ako at ipinakulong.

Isang araw ay bigla ka na lang dumalaw. Puno nang galit ang iyong mga mata at ang mga kamay mo naman ay handa na akong patayin. Kung bibilangin, sa tantya ko ay naka-isang daang sampal ka sa akin bago ka tuluyang umalis.

Hindi mo ako hiningan ng kahit anong paliwanag bagkus ay isinisi mo lahat sa akin ang lahat ng nangyari. Pero alam mo? Mali ka. Dahil ang alam ko lang na kasalanan ko, ay naging tanga ako pagdating sa'yo.

Naaalala mo ba noong pumunta tayo sa Doktor? Sinabi niya na tatlong buwan ka na raw na buntis. Pero paanong nangyari ‘yun kung dalawang buwan pa lang ang nakalipas simula nang may mangyari sa atin?

Kaya pala sobra ang pagpilit ng Tatay mo na ikasal tayo agad. May itinatago pala kayo sa amin. Pero gayumpaman, patawad. Patawad kung wala nang magigisnang Ama ang batang nasa sinapupunan mo dahil napatay ko siya sa sobrang pagmamahal ko sa'yo. Patawad.

----

This is also posted in Facebook page of Sobrang Short Stories.

©HandsomeGrey

ISANG DAAN: Koleksyon ng mga Dagli at Maiikling KwentoTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon