Malamig ang simoy ng hangin. Walang masyadong ilaw ang nagbibigay liwanag sa kinauupuan ko maliban sa liwanag na nanggagaling sa buwan. Walang makikitang mga estudyanteng pagala-gala dito sa loob ng unibersidad dahil bukod sa Sabado ngayon ay pinaniniwalaan na delikado nang lumabas ng ganitong oras; alas-dose ng gabi. Kung bakit delikado ay marami silang iba't ibang sinasabi.
May nagsasabi na sa ganitong oras daw lumalabas ang iba't ibang lamang-lupa na kung makukursunadahan ka ay isasama ka nila sa kanilang tirahan at hindi ka na makakabalik pa ng buhay dito sa mundo. Mayroon ding nagsasabi na may mga bata raw na basta na lang lumilitaw at yayain ka na makipaglaro sa kanila at kung sakaling tumanggi ka ay isang malamig na bangkay ang kahahantungan mo. May isa pa na nagsabi naman na nakakita raw siya ng isang babaeng nakaitim na nanlilisik ang matang nakatiitig sa kaniya. At ang pinakahuli sa narinig ko ay, mayroon daw isang baliw na gumagala ng ganitong oras upang balaan ang bawat taong makikita niya na mag-ingat kay kamatayan. At kung sakaling hindi mo raw sundin ang sinabi nito, magiging isa kang malamig na bangkay o 'di kaya'y mawawala sa katinuan. Kung anuman ang totoo sa mga sabi-sabi na 'yun ay 'yun ang dapat kong malaman.
Mula sa pagkakaupo ko ay tumayo ako at dinukot ang aking cellphone sa aking bulsa at tinawagan ang aking kaibigan.
"Masasamahan mo pa ba ako o hindi na!?" naiinis kong tanong sa kaniya.
Wala akong narinig na boses mula sa kabilang linya. Tanging ugong ng kung anong bagay ang mauulinigan.
"Sasamahan mo pa ba ako o hindi na?" pag-uulit ko sa tanong ko sa kaniya ngunit wala pa rin akong nakuhang sagot mula sa kabilang linya. Ugong at ugong pa rin ang tanging maririnig. Sa inis ko ay pinatay ko na ang tawag at napabulong ako sa sarili ko na 'Mamatay ka na sana.'
Hindi ko alam kung bakit ko nasbi 'yun. Para bang kusang lumabas na lang mula sa bibig ko ang mga katagang iyon. Kinilabutan akong bigla.
Nagsimula akong maglakad habang palingon-lingon sa 'king dinaraaan. Maingat kong sinisipat ang bawat daraanan — humahanap ng sagot sa misteryong nakapaloob sa oras na alas-dose.
Napatigil ako sa paglalakad sa harap ng isang matandang puno na sa itsura nito ay hindi mo tatangkaing lapitan pa. Mataas, madahon, may mga ilang sangang nakalaylay, at may butas sa gitna na hindi ka magdadalawang isip na sabihing pinaninirahan ito ng kung ano mang nilalang. Hindi ang nakakatakot na itsura nito ang nagpatigil at nakakuha ng atensyon ko kundi ang isang lalaki na nakaupo malapit dito. Nakatulala siya sa kawalan at may kung ano na parang ibinubulong. Nilapitan ko siya. Hindi nagbago ang posisyon niya; nanatili siyang nakatulala na animo bang hindi napansin na lumapit ako. Naging malinaw sa akin ang mga bagay na sinasabi niya. Nanundo na naman daw si Kamatayan. Nanlamig ako. Kinilabutan ako sa narinig ko mula sa kaniya.
Ibubuka ko pa lang sana ang aking bibig para sana tanungin siya nang bigla na lang siyang napatitig sa akin. Titig na may kahalong lubhang pagkatakot na sa buong buhay ko ay ngayon ko lang nakita. Dahan-dahan ay unti-unti niyang itinaas ang kaniyang kanang kamay na sa wari ko ay may itinuro sa likod ko.
"Nasa likod mo si Kamatayan. Mag-ingat ka," seryoso niyang sabi at saka siya mabilis na tumakbo palayo.
Hindi ko na binalak pang lingunin kung ano o sino man ang itinuro niya dahil sa totoo lang ay wala akong lakas ng loob para harapin si Kamatayan.
Naiwan akong walang ideya at walang lakas ng loob na isipin pa kung ano ba ang posibleng sumunod na mangyari. Balak ko sana siyang sundan pero natigilan ako dahil nakita ko sa pinanggalingan niya ang cell phone ng kaibigan ko na dapat ay sasama sa akin. Magkahalong pagtatanong at kaba ang naramdaman ko habang dahan-dahan ko itong pinupulot. Pagtatanong kung bakit nasa kaniya ito at kaba na baka kung ano na ang nangyari sa kaibigan ko. Pagpindot ko sa cell phone ay takot ang una kong naramdaman dahil nakalagay sa screen nito ang mga katagang "Mag-ingat ka kay Kamatayan!" na sa tingin ko ay, isinulat gamit ang pulang tinta — gamit ang dugo.
BINABASA MO ANG
ISANG DAAN: Koleksyon ng mga Dagli at Maiikling Kwento
Short StoryKalipunan ng mga orihinal na Dagli at Maiikling kwento na ako mismo ang nag-isip at nagsulat. Enjoy Reading. ☺