#16 Nang Masira ang Maskara

614 3 0
                                    

Magtatatlong buwan na pala ang nakalipas simula nang mapasok ako sa bago kong mundo. Mundo na kung saan ang apat na sulok ng kwarto ko lamang ang nagsisilbing lakaran at dilim lamang ang aking nasisilayan.

Pinilit ko na tanging sarili ko lamang ang maging kakampi sa mapait na sinapit ko. Pero hindi ko pala kaya. Hindi ko kinaya kaya humanap ako ng tulong. Maraming nagtangkang pasukin ang mundo ko ngunit ilan lamang ang hinayaan ko.

Hindi ko alam na sa pagpayag ko pala na pasukin nila ang mundong kinabibilangan ko, mas maipapakilala ko pala ang sarili ko. Ang dating mukhang nagtatago sa mapaglarong kasiyahan ay ngayo'y naghubad na ng maskarang nagsisilbing pandaya at hinayaang ang umiiyak na mukha ay makita ng lahat.

Ang mga matang matagal na nabakante sa pag-agos ay muling nabuhay nang ilang linggo. Ang bunganga na matagal na itinikom ay marahas na sumigaw ng "Ayoko na. Hindi ko na kaya!". At ang pusong matagal na pinatigas ng panahon ay animo ngayo'y isang baso - isang baso na nabasag at ang mga piraso nito'y hindi na mahagilap.

May mga pagkakataong napapaisip ako kung tama ba ang naging desisyon kong ipakita ang kahinaan ko. May mga araw na tinatanong ko ang sarili ko na "Bakit sa haba ng panahon na pinilit kong magtago sa maskara ay ngayo'y hinayaan ko itong kusang tanggalin?".

Isa lang ang sagot na alam ko. Isa lang ang kaya kong sabihin dahil iyon naman talaga ang totoo - hindi ko na kaya at kailangan ko na ng tulong.

Ang bawat araw na lumipas ay naging mapanakit. Nagmistula akong parang isang batang hindi nauubusan ng sakit. Tiniis ko ang bawat pagsampal sa akin ng katotohanan. Nilabanan ko ang lungkot na gumigising sa akin sa bawat umaga. Hanggang sa isang araw ay nasabi kong, ako ay sanay na. Sanay sa sakit. Sanay sa lungkot. Sanay sa lahat ng pagsubok ng buhay.

Sa pag-aakala ko na ako ay totoong sanay na. Hinayaan ko muling labanan ang mapaglarong takbo ng buhay nang mag-isa. Oo, nang mag-isa. Dahil matapos kong magpasalamat sa mga taong tumulong sa akin ay muli ko na namang isunuot ang aking maskara.

Mas matibay ang naging pagkabit ko sa maskara sa pagkakataong ito. Animo'y wala na akong balak muli na tanggalin ito. Nilibang ang sarili sa pagsusulat ng mga kwentong kasing pait ng buhay ko. Kwentong hindi kakikitaan ng saya at pag-asa dahil ako mismo ay wala ng mga iyon.

Hanggang sa isang araw, ang suot kong maskara ay hindi lang basta natanggal - tuluyan na itong nasira. Tuluyan nang nakita nang mundo ang itinatago ko at malinaw ko na ring naaninag ang pag-asang hinahanap ko.

Napadpad ako sa lugar na kung saan hindi ko naman madalas puntahan. Nakita ko ang isang lalake sa harapan nito - nakatayo habang ang mga kamay nito ay bukas-palad na inaanyayahan ako.

Walang pag-aalinlangang nilapitan ko Siya at biglang niyakap. Tumulo ang mga luha ko. Hindi ko nagawang magsalita. Para bang ang yakap niya lang ang kailangan ko. Dahan-dahan ay bigla Siyang kumawala sa yakap at tinitigan ako sa aking mga mata. Hinihintay na magsalita ako.

Huminga ako nang malalim at saka ko pinunasan ang mga luha ko. Tumingin ako sa Kaniya.

"Patawarin Niyo po ako sa---"

Pinutol Niya ang sasabihin ko. At saka Niya ako muling niyakap.

"Wala kang dapat ihingi ng tawad, anak ko. Masaya akong pinuntahan at kinausap mo ako ngayon," nagagalak niyang sabi.

"Masayang-masaya ako Hudas at naalala mo ako," pagpapatuloy Niya pa.

- - - - - -

©HandsomeGrey

NOTE: This is also posted in Facebook Page of Sobrang Short Stories.

ISANG DAAN: Koleksyon ng mga Dagli at Maiikling KwentoTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon