#20 Para kay Ana

614 2 0
                                    

Tandang-tanda ko pa noong bata pa tayo, ikaw at ako lang ang laging magkalaro. Ayaw mo akong payagan na makipaglaro sa ibang bata sa lugar natin dahil sabi mo nga, si Ana ay para lang kay Miguel at si Miguel ay para lang kay Ana.

Lagi kang tinatawan ng mga kapatid mo noon, sabi nila, ang bata-bata mo pa raw pero kung makapagsalita ka ay parang tayo na ang magkakatuluyan.

Lahat ng mga natatanggap mong regalo noon ay lagi mo akong hinahatian. Hindi nga ba't mayroon kang box na medyo malaki kung saan ay may nakasulat na 'Para kaya Ana'? Iniipon mo lahat ng mga ibibigay mo sa akin sa box na 'yun at sa tuwing magkikita tayo ay buong ngiti mong iaabot sa akin.

Noong bago tayo grumadweyt  ng sekondarya, naalala mo ba na pinagalitan ka ng ating guro dahil imbis na ang ilagay mong title sa speech mo ay 'Valedictory Speech', ginawa mong 'Para kay Ana'? Ang lakas ng loob mong sabihin sa guro natin na 'yun ang gusto mong maging title ng speech mo dahil sabi mo, kung hindi dahil sa akin, hindi ikaw ang magiging Valedictorian.

Napakalakas ng loob mo. Sobrang hinahangaan kita.

Ikalawang taon natin sa kolehiyo, naaalala mo noong may babaeng lumapit sa 'yo at sinabing gusto ka niya?   Siya 'yung babaeng kinukwento mo sa akin nun na gusto mo. Kaya nagulat ako sa 'yo nun dahil imbes  na sabihin mong may gusto ka rin sa kaniya ay tumingin ka sa akin at sinabi mong, "Sorry, para lamang ako kay Ana."

Simula noong araw na 'yun ay bigla kang sumikat sa iba pang mga babae sa eskwelahan. Marami pang nagtangkang magsabing may gusto sila sa 'yo, pero gaya lang ng inaasahan nila, "Para lang ako kay Ana" ang lagi mong isinasagot.

Alam mo bang binansagan ka pa nila noon na "Mr. Para kay Ana"?

Napakaraming bagay na ginawa para sa akin, na naging dahilan para mahulog ako sa 'yo nang tuluyan. Maraming beses kong itinanong sa 'yo kung ano ba talaga tayo. Palagi mo lang akong tinatawanan at sinasabing "Ano nga ba talaga?"

Wala tayong naging matinong usapan tungkol sa kung ano ba talaga tayo.

- - - - -

Talaga nga namang masarap balikan ang mga nakalipas. Kung puwede lamang na tuluyang makabalik sa nakaraan ay walang alinlangan akong babalik sa panahong masaya pa tayo. Noong panahon na napakasimple ng buhay nating dalawa.

At kung maaari lamang din na palipasin na agad ang panahon ay hiniling ko na. Dahil ang kasalukuyan ay naging isang mahabang bangungot.

Masyado akong nasanay sa ideya na lagi tayong magkasama — na ikaw lang at ako hanggang dulo.

Totoo nga palang ang kaligayahan ay may katapusan at ang kalungkutan nama'y walang pinipiling oras ng pagdating.

Sa huling pagkakataon, maaari ba kitang tanungin?

"Ngayong may iba ka na, sino na ang  'Para kay Ana'?"

- - - - -

©HandsomeGrey

NOTE: This is also posted in Facebook Page of Sobrang Short Stories.

Naabot mo na ang dulo ng mga na-publish na parte.

⏰ Huling update: Mar 03, 2019 ⏰

Idagdag ang kuwentong ito sa iyong Library para ma-notify tungkol sa mga bagong parte!

ISANG DAAN: Koleksyon ng mga Dagli at Maiikling KwentoTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon