Naaalala mo ba noong nasa ikalawang taon tayo ng kolehiyo? Tinanong mo ako noon kung may gusto ba ako sa 'yo. Gusto ko mang sabihin na 'oo' ay hindi ko nagawa dahil sa sobrang pagkabigla ko. Alam kong hinintay mong sagutin ko ang tanong mo, pero wala e, naging duwag akong ipaalam sa 'yo ang nararamdaman ko. Nginitian mo ako noong napagtanto mong wala akong maisagot at saka ka naunang umalis. Ang hindi mo alam ay sinundan kita noon at nakita kitang umiiyak. Alam kong sa hindi ko pagsagot ng tanong mo ay nasaktan kita.
Lumipas ang mga araw noon ay napansin kong iniiwasan mo na ako. Sa tuwing aayain kitang sabay umuwi at kumain gaya nang nakagawian ay palagi mong sinasabi na may kasabay ka na o 'di kaya'y may gagawin ka pa.
Sa totoo lang, sa pag-iwas mo na 'yun, doon ko pa lang napagtanto na sobrang halaga mo pala sa akin at sobrang pinagsisisihan ko na hindi ko agad sinabing gusto kita. Sobrang tanga ko na pinalagpas ko ang pagkakataon para malaman mong mahal kita.
Hindi ko alam kung paano na kita lalapitan noong panahon na iyon kaya minabuti ko na lang na sa malayo kita bantayan at mahalin.
May mga pagkakataon noon na kapag alam kong magkakasalubong tayo ay ako na ang umiiwas para hindi mo ako makita. Sobrang buo na ang araw ko noon makita lang kita.
May mga oras rin noon na kapag nakikita kitang halos hindi ka na makakain dahil sa sobrang pag-aaral mo ay inuutusan ko 'yung kaklase mo na ibigay sa 'yo 'yung pagkaing binili ko.
Naalala mo ba noong gabi na hindi ka makauwi dahil wala kang masakyan? Nilapitan ka noon ng kaklase mo at sinabing ihahatid ka na niya. Hindi mo napansin, motor ko 'yung gamit niya dahil sinabi kong ihatid ka na niya.
Noong umuulan na wala kang payong, naalala mo ba na bigla ka na lang inabutan noong kaklase mo para raw hindi ka mabasa? Akin 'yung payong na 'yun.
Ako rin 'yung naglalagay ng mga simpleng mensahe sa locker mo. Ako 'yung nagpabigay sayo ng bulaklak at cake noong birthday mo. Ako 'yung tinatawag mong 'secret admirer'. Ako 'yun. Ako lahat 'yun.
Ang sarap alalahanin kung paanong patago kong pinaramdam sa 'yo kung gaano kita kamahal. Mga masasayang alaala na hindi ko makakalimutan.
Kung dati'y sa malayo lang kita natatanaw, ngayo'y unti-unti ay lumalapit ka na. Suot mo ang glamorosa mong kulay puting pangkasal. Habang suot ko naman ang barong na ikaw mismo ang pumili.
Ang sarap isipin na magkasama tayo ngayon sa simbahan.
Magkasamang haharap sa Kaniya.
Magkasamang wawakasan ang kuwentong hindi na maaaring ipagpatuloy pa. Dahil ngayong araw, ako ang best man sa kasal n'yo ng kaklase mong inutusan kong magbigay sa 'yo ng payong ko.
- - - - - - -
©HandsomeGrey
NOTE: This is also posted in Facebook Page of Sobrang Short Stories.
BINABASA MO ANG
ISANG DAAN: Koleksyon ng mga Dagli at Maiikling Kwento
Short StoryKalipunan ng mga orihinal na Dagli at Maiikling kwento na ako mismo ang nag-isip at nagsulat. Enjoy Reading. ☺