Part 7: "Cheese Burger"

11K 127 2
                                    

Walong missed call na mula sa nanay ko ang kanina pang bumabagabag sa akin. Paano ba naman, sampung minuto na lang bago mag-alas-onse na ng gabi. Mahigit sa tatlong oras din ang nilagi namin sa loob ng police station. Tiyak abot leeg na sermon na naman ang hapunan ko mamayang pagdating ko sa bahay. Mabuti na lang at umanib sa amin ang batas. Dahil napatunayan ng mga pulis na lango sa alak at pinagbabawal na gamot si American boy, nagpatong-patong tuloy ang kaso niya. At para sa amin naman, danyos para sa nasirang salamin ng kotse lang ang nilagdaan ni Bakulaw. Hindi na rin kami nagsampa ng physical injury laban kay Kano, dahil sigurado magtatagal lang kami lalo dito sa presinto, at para maka-iwas narin sa madami pang abalang darating. Tutal wala naman grabeng nasaktan sa bawat panig, pinag-areglo nalang kami. Liban kay Bakulaw, na todong kinapuputok niya ng butsi ang tama niya sa kaniyang ilong. Kung hindi ko pa siya kinutusan, tiyak aapela pa siya.

"Nakakarami ka na ah!" pusto sa akin ni Bakulaw, habang naglalakad kami palabas ng police station. "Para saan iyong kutos na iyon?!"

"Gusto mo nanaman bang abutin tayo ng siyam-siyam sa loob?!" pamewang ko sa kaniya. "Gusto ko ng umuwi! Hinahanap na ako ng mga magulang ko!"

"Nakikita mo naman siguro ang pamamaga sa ilong ko 'di ba?! Gusto kong bumawi!"

"E kung doblehin ko ang pamamaga niyan?! Isama ko na pati ang dalawa mong mata?!" naiirita na ako.

"Kitam! Inamin mo rin!"

"Inamin ang ano?!" lumukot ang aking kamao at pinangalandakan ko 'to sa kaniya.

"Na bakla ka nga! Nanununtok ka e!"

Naghugis letter v ang mga kilay ko, sa tingin ko nagliliyab na rin ang aking mga mata, kasabay sa paglitaw ng mga ugat ko sa aking sentido. Lalo pa nag-init ng husto ang ulo ko, nang parang nanunuya pa siya. Ang sarap lagariin ng kaniyang bungo, gamit lang ang bread knife. Nilamukot ko pa ng husto ang mga daliri ko sa kamay, pumuwesto na para bagang kumukuha ng malawak na puwersa.

"Tameme ka ano?! Dahil totoong bakla ka! Bakla! Bakla!"

Tila may nabali na kung ano sa utak ko. Dumilim bigla ang aking paningin. Parang nag-aapoy ang dugong sumisirkulo sa aking katawan. Pakiramdam ko'y sinisilaban ako sa galit, animo'y umuusok ang aking balat. "SHIT KANG! BAKULAW KA!"

"Teka!" pumagitna sa amin si Mister Taiwanese! Pagkatapos, parang may kung anong malaking bula ang pumutok sa mukha ko, at ibinalik ako sa aking pagkamahinaon. Katulad sa apoy na binuhusan ng tubig, nakaramdam ako ng paglamig. Kumalma ang temperatura ko. Parang magic lang na naglaho ang lahat ng aking himutok.

"Stop it guys! Walang maitutulong ang pagtatalo niyo." pagbitiw ni Mister Taiwanase ng sulyap sa akin. Aaminin ko, kinilig ako. "Settle down okay?"

Kyaaaa...Ang sarap niya parin halikan kahit galing siya sa basag-ulo. Humahalimuyak parin sa ilong ko ang samyo ng kaniyang pabango. Feeling ko nasa ulap ako na hitik sa mga iba't-ibang klase ng paru-paro at makukulay na bulaklak. Ang sarap sa pakiram---

"At sino naman 'tong ingleserong intsik na 'to? Ka federasion mo ah, Kuya?"

Kumubit ng bahagya ang kanang kilay ko.

"Kapanalig mo? Ka parlor mo? Nagmamanicure sayo ah, Kuya?"

Unti-unting natutunaw ang mga bulaklak sa langit, napapalitan ng kulog at pagkidlat, at maya't-mayang pag-ulan ng apoy.

"O in short, ka badingerzi mo no, Ku---"

Sumuka ng maraming tubig si Bakulaw, pagkatapos lumanding ang sipa ko sa kaniyang sikmura.

+++

"Are you sure? May motor naman ako, nakapark malapit dito. Kung gusto mo, ihahatid na kita." paanyaya sa akin ni Mister Taiwanese, na siyang ikinababaliw sa pag-ikot ng balakang ko.

"No thanks. Maglalakad na lang ako. Ilang kanto lang naman sa amin na."

"Pakipot pa." sundot ni Bakulaw, na agad ko namang ginantihan ng karate chop sa mukha.

"Oh okay. Nice meeting you... Er?" nagkamot siya ng ulo. Lumulutang ang pagkaguwapo niya sa tuwing nag-iisip siya. "I'm sorry, what was your name again?"

"Im Lyka." abot tengang ngiti ko sa kaniya. Gusto ko sanang sabihin na to follow na ang pilido ko, kapag kinasal na kami.

"You can call her Kuya for short." suhesiyon ni Bakulaw, na agad namang nalapatan muli ng karate chop sa mukha.

"What a beautiful name, Lyka. Pero walang dadaig sayo. Kasing kinang ng mga tala sa langit ang ganda mo." ngumiti siya ulit na muntik ko ng ikahimatay. Pero wish ko lang sana kinuha niya ang kamay ko at saka niya 'to hinalikan. Siguro sa mga drama lang talaga sa telebisyon nangyayari ang mga ganong moment. "I'm Willy by the way."

"See you later guys!" pagtalikod sa amin ni Mister Taiwanese. Ang cool niya talaga! Hitsura niya ay parang isang Knight mula sa medieval age na galing sa isang magarbong digmaan. Ang graceful ng kaniyang galaw. Akin ka nalang please? Achilles ng buhay ko.

"Puwede ko ng kunin yung five thousand na utang mo, Kuya?"

Pumitik ang ugat sa aking sentido. Nasira nang tuluyan ang imahinasyon ko.

"Iyon kasi ang ipambabayad ko dun sa bruskong Kano."

"Tumahimik ka!" pagsibangot ko, kasabay sa pagkalkal ng pera sa bitbit kong shoulder bag. "Bakit ba sa tuwing kasama kita kumukulo ang dugo ko!"

Himala. Hindi siya nakipagbangayan sa akin o gumanti ng insulto. Sinulyapan ko siya, tahimik lang siyang nakatitig sa akin. "Oh heto na! Wala na akong obligasyon sayo! Kaya please! Tantanan mo na ako! At kung puwede, huwag mo na akong tatawagan o padadalan ng private message dun sa community site! Klaro?"

"Walang problema." dumapo ang tingin niya sa perang ina-abot ko sa kaniya.

"Ayaw na sana kitang makita hanggat maaari. No offense ah, pero sa tuwing nagkakadikit kasi tayo, laging may masamang nangyayari."

Naghintay ako ng sagot, pero nabigo ako. Tila nagbago ang ihip ng hangin sa kaniya, naging tahimik siya. Inaantok na kaya?

"I'm sorry kung hindi ko naibenta yung bug sim ko sa iyo. Hanap ka nalang ng ibang seller, marami naman diyan sigurado ako. Okay?" nagsimula na akong gumayak para umalis. "Oh paano, uwi na ako. Nice meeting you nalang Mr. Charlie."

"Teka." awat niya sa akin nang may sampung talampakan na ang layo ko sa kaniya. Piniit ko ang ulo ko sa kaniyang direksyon, patakbo siyang lumapit sa akin. "Nakalimutan kong ibigay sayo 'to."

Inabot niya sa akin ang kulay tsokolateng paper bag na kanina ko pa hinuhulaan kung ano ang laman. "Ano 'to?"

"Triple deck deluxe cheese burger with family size spicy fries. The finest one. Super sarap niyan. Ang sabi mo naman sa akin kanina sa phone hindi ka consious sa health mo, right?"

"Well, una na ako. Nice meeting you. Hope to see you again, Lyka." pagtalikod niya sa akin.

Kumabog bigla ang dibdib ko. Natameme ako. Bakit pakiramdam ko, ay parang kalahati ng buhay ko'y nawala? Hindi ko alam kung bakit biglang nagpakawala ng patak ng tubig ang mata ko.

Kuya, pa-BUG naman po, please?Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon