Part 27: "Miss You in a Heartbeat"

7.4K 100 5
                                    

Lunes ng madaling araw. Apat na oras bago ang flight ko patungong japan. Nakadapa ako sa aking kama, nakapangalumbaba, habang nakatitig sa salaming halos kasing-tangkad ko na. Mga mata ko'y nakatuon sa sarili kong mukha, pero ang diwa ay lumilipad sa malayo. Naglalakbay. Naghuhukay ng mga kasagutang hindi ko sigurado kung gaano kalalim na nakabaon. Magulo ang aking isip. Parang mga jigsaw puzzle na may ilang milyong bahagi na kailangan buoin. Hindi ko alam kung saang parte ko 'to uumpisahang ipagtagni-tagni. Kung anong uunahin dadamputin, at kung ano ang ihuhuli at isasantabi muna. Kung ang pag-iisip ay nakakadag-dag ng edad, gaya ng sabi ng karamihan, hindi ko na alam kung ilang taon ang madadagdag sa age ko sa ginagawa kong paglangoy ngayon sa dagat ng mga ideya.

"Oh shit." palatak ko, nang mapadapo ang aking tingin sa pares ng eyebags na tila pininturaan ng kulay itim. Namamaga at kulang nalang ay pangalandakan nito na; "Hoy! Eyebag ako!". Ilang araw narin kasi akong walang tulog, simula noong huling pagkikita namin ni Bakulaw. Lagi kong naaalala ang likuran nito na unti-unting naglalaho sa mga paningin ko. Mga mata niya na parang wala ng tatalo sa pagkalungkot. Ang luha nito, na tila diretsong pumapatak sa aking puso. Dinidilig ang emosyon kong nanahimik sa sulok ng aking kaluluwa. Ngayon, nagising 'to at ubod ng ingay sa pagwawala. Kinakabog ang aking dibdib, at pinipilipit ng husto ang puso ko. Labis tuloy ang paghihirap ko, sa pinunla niyang hinanakit sa loob ng aking sistema.

"Lyka."

Dinig kong katok sa may pinto ng aking kuwarto. Dalian kong pinunasan ang luhang nagbabadyang magpadulas sa aking mga balintataw, kasunod ang paghiga ng maayos at nagkunwa-kunwariang tulog.

"Alam kong gising ka pa." lumangitngit ang pinto, at dire-diretsong lumapit sa akin ang mga yabag. "Hindi ka makatulog kapag nakasindi ang ilaw, at hindi natatakpan ng kumot."

"Si Tatay talaga." pagbangon ko, na ang mga mata ay nakadikit sa kobrekama ng aking higaan.

"Umiiyak ka ba?"

"Nalulungkot lang ako." niyakap ko ang aking mga tuhod. "Siyempre, maiiwan na lang kayong dalawa ni Gelo dito. Sino na magbabantay sa inyo? Sino pa magluluto? Maglilinis ng bahay?"

"Huwag ka ngang O.A." pagkutos sa akin ni Tatay. Napasubsob tuloy ako sa kama at namilipit sa sakit. "Wala ka namang ginagawa kundi mag-computer kapag nandito ka sa bahay. Isa pa, kukunin na ng Nanay mo si Gelo nextyear, at pagkatapos ng isa pang taon, ako naman. Edi magkakasama-sama ulit tayo."

"Kung sabagay." napa-isip ako sa tinuran niya. May point si Tatay. Dalawang taon lang ang hihintayin ko para mabuo ulit ang aking pamilya. Nakahinga ako ng maluwag dahil 'dun. Atlis, kahit papaano, nabuo na ang ibang bahagi ng jigsaw puzzle na nagpapagulo sa utak ko.

"Nakahanda na ba ang mga dadalhin mo? Mga damit mo? Passport mo?" tumayo siya at tinungo ang study table ko. "Kailangan bago mag-seven nasa airport kana. Alam mo na ba ang gagawin mo pagdating 'dun? May gamot ka ba sa hilo? May dala ka bang sanitary napkin? Me' period ka ngayon 'di ba?"

"Si Tatay naman, hindi na ako bata! Okay na ang mga dadalhin ko! Saka may dala akong sanitary nap---" pagputol ko sa sasabihin ko dapat, dali-dali ko siyang tinarayan ng tingin, ang isang kilay ko'y 'di napigilang tumaas. "Tatay! Pati ba naman iyon! Teka, pano mo nalaman na meron ako?!"

"Anak kita, alam ko ang lahat ng tungkol sayo." kinuha niya ang family picture namin na nakatambay sa taas ng mesa.

"Nakaka-ilang kaya na pag-usapan natin 'to! Ang tanda ko na e!" pagpapalobo ko sa aking pisngi, gawain ko kapag iritable ako sa topic.

"Anong pinagsasabi mo? Kahit na umabot ka pa ng singkuwenta anyos, ikaw parin ang baby girl namin ng Nanay mo. Ang baby girl naming may nunal sa---"

Kuya, pa-BUG naman po, please?Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon