Part 26: "Fading Fireworks"

6.5K 88 4
                                    

Panandaliang natigil ang kasiyahan sa enteblado. Na-udlot ng ilang sandali ang pagtatanghal muli sana ng grupo ni Mister Taiwanese. Lahat kasi ng mga mata ay lumanding kay Bakulaw, na kasalukuyang ini-escort ng mga guwardia patungong ikalawang palapag ng mall. Dumikit ang tuon ko sa mukha nito. Para tuloy akong nakakaramdam ng pagpilipit sa puso, habang pinagmamasdan mula sa malayo ang walang kaemo-emosyon nitong hitsura. Tahimik lang siyang naglalakad, habang ang leeg nito ay parang 'di mapakali. kaliwa't kanan niyang ibinabaling ang titig, wari'y may hinahanap. Kutob ko, ako ang hinahagilap niya. Ilang sandali pa, sumipa muli ang tugtog ng musika sa stage, kasunod ang hiyawan ng mga nanonood nang sumayaw ulit ang lima. Parang coincidence naman nang mahanap ni Mister Taiwanese ang pares ng paningin ko. Nagkatitigan kami ng ilang segundo. Nginitian ko siya kasabay ang pagtango, bago ako dalhin ng mga paa ko sa direksyon kung saan naroon si Bakulaw.

+++

Sa bilang ko'y may labin-limang minuto na simula nang ihalik ko ang aking puwet sa silyang 'to, malapit sa opisina ng mga security personel ng mall. Malakas parin ang sigawan sa ibaba, at kumakanta parin ang banda ni Mister Taiwanese. Hindi ko tuloy maiwasang ma-imagine ang ilang steps na isinasayaw niya. Ang ilang linyang inaawit nito, at ang maya't-mayang pag-apir niya sa mga tagahanga. Habang ako naman, ay hindi maunawaan ang sarili kung bakit ako nagtitiis maghintay sa taong tinuldukan ko na ang ugnayan namin. Sa totoo lang, maka-ilang ulit ko nang minura ang aking pangalan, at mahigit sa sampung beses na akong sumubok umalis sa puwestong 'to. Subalit sa tuwing gagawin ko iyon, sumasagi sa isip ko ang hitsura ni Bakulaw. Ang mukha nitong walang habas ang pagtalunton sa akin, at ang huling isinigaw nito na labis na pumipiga sa aking dibdib. "I love you Lyka!" dahilan tuloy para magkasundo ang utak at puso ko, na hintayin siya at kausapin.

"Kanina pa kita hinahanap, Kuya."

Pakiramday ko'y tila pumutok ang lobong kinapapalooban ng samu't-saring ideya at imahe sa aking tuktok, nang marinig ko ang boses na iyon. Bumalikwas ako ng tingin sa pinanggagalingan ng tinig, at saktong dumikit na parang magnet sa mga mata ni Bakulaw.

"Narinig mo ba ang lahat ng sinabi ko sayo kanina?" pagdugtong nito sa winika niya, kasabay ang pag-upo malapit sa akin.

"Kamusta? Anong nangyari?" ang pagbalik ko sa kaniya ng tanong, inaalam ang pinagsapit nito sa loob ng opisina.

"Wala." isinandal nito ang ulo sa dinding, nagbulsa ng kamay at nag dekuwatro. "Nawarningan lang ako."

"Lasing ka ba?" pagdagdag ko ng usisa, sa paraang inaamoy-amoy ang hininga nito nang hindi nagpapahalata.

"Huh? Hindi, bakit?" gumilid ang tingin nito, isinentro sa akin.

"Paano mo nasikmurang gawin ang magkalat sa harapan ng maraming tao? Hindi ka man lang ba nakaramdam ng hiya?"

"Hindi kailangan naka-inom para magkalakas ng loob, Kuya." ngumiti siya, at agad 'tong kinulong ng mga mata ko. Ngunit sa buong talambuhay ko, iyon ang pinakamapait na ngiting nasilayan ko. Para bagang tubig na inalukan ng pinturang itim, wala kang maaaninagang iba, kundi kawalan lang at dilim. "At saka, walang nakakahiya kapag nagsasabi ka ng totoo. Kasi, hindi bibig mismo ang nagsasalita, kundi ito." dahan-dahan niyang ipinatong ang kamay niya sa kanang dibdib. "Ang puso, na siyang dahilan kung bakit tayo nakakagawa ng mga bagay na hindi mo maimagine na kaya mo palang gawin. Nagbibigay sayo ng lakas ng loob, at extra thick na kapalmuks, para lagpasan ang hiya. Lahat gagawin ng puso, mailabas lang nito ang pumupuno sa kaniyang damdamin."

Natameme ako. Tila huminto saglit sa lahat ng bagay ang aking utak, at itinuon lang ang buong presensiya nito sa mga winiwika ni Bakulaw. Inabsorb ang bawat letrang pinakawalan niya, nginuya ang mga salitang nabuo, at ninamnam ang mga nutrisyong nakapa-inloob mula dito. Sa unang pagkakataon, umukit ng respeto ang pagkatao niya sa kaluluwa ko. Ang dating akala ko'y puro yabang at barumbadong siya, ay mayroon din palang puting budhi ang humahalo sa dugo nito. Nakakalungkot nga lang, kung kailan napagdesisyunan kong magsimulang umiwas sa kaniya, saka ko lang 'to napansin.

Kuya, pa-BUG naman po, please?Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon