Mahabang hikab ang binati ko sa harapan ng laptop. Sinibat ko ng tingin ang orasang nakasabit sa ding-ding. Alas-siyete ang basa ko. Pupungay-pungay pa ang aking mga mata ng maglog-in ako sa community site na kinabibilangan ko. Hinahunting ang nakadeal ko kagabi.
"Walang-hiya, kung bakit pa kasi napasubo ako last night..Asan na ba ang....." bulong ko sa sarili, habang abalang hinahagilap ang account ni Bakulaw, na sakto namang naka-online.
"Oy, cancel na natin ang pagbili mo sa sim ko..." pagtipa ko sa keyboard na sinasabayan ng pagpintig ng aking labi. Hikab muli ang sumunod na lumabas sa bibig ko, dahilan para maputol pansamantala ang aking tina-type. "Naexcite lang ako kagabi nang malaman kong taga San. Miguel ka. Bibihira lang kasi ang mga taong kakilala ko sa net na malapit dito sa amin. Sorry, next time nalang."
Nakipagtitigan ako sa harapan ng screen, habang nakalutang sa taas ng enter key ang hintuturo ko. Pinag-iisipang mahigi kung ipapadala ko ba ang mensahe.
Maya-maya pa, biglang lumitaw ang 1 message sa inbox ko, galing kay Bakulaw.
"Kuya, cp number mo? Sa cellphone nalang tayo magkontakan para mas madali."
Napakamot ako ng ulo, sa palagay ko lalong gumulo ang aking morning hair. Sa wakas, pagkatapos ang ilang minutong pakikibaka sa tanong na oo o hindi, naisend ko na rin ang mensaheng nabuo ko para sa kaniya, na nagsilbing reply ko narin sa message niya.
"Huh? Bakit kuya? Parang hindi ka naman lalake. Wala kang isang salita."
May kung anong pumitik nanaman sa sentido ko.
"Bakla ka ata e?"
"May papicture-picture kapang babae sa avatar mo. Pero ang totoo, poser ka rin e."
"Halatado kang lalake kuya." sunod-sunod niyang mensahe sa akin, ni hindi ako hinintay o hinayaang sumagot man lang.
"Ate anong ginagawa mo?"
Natigilan ako sa tinig ni Gelo, nakababatang kapatid ko, na kasalukuyang nakatayo sa pinto ng aking kuwarto. "bakit mo buhat-buhat yang laptop mo?"
Sa tingin ko nahimasmasan ako sa presensiya ni Gelo. Doon ko rin napagtanto na sumabog nanaman ako sa galit, at kung hindi ako naawat ng aking kapatid, tiyak hahalik sa sahig ang laptop ko.
"Hoy baklang kuya! Ano na? Bilhin ko na yang sim mo."
Tila uma-apoy ako sa pagka-irita. Sa pagitan ng pagkontrol ko sa sarili, at pagtawid sa linya ng pagkamahinaon, ay siyang pagbuo ko sa planong biglang sumirkulo sa aking utak.
Sa huli, binigay ko ang numero ko sa kaniya at nagpatuloy ang aming deal..... At ang bitter-sweet kong balak.
"Ate nakakatakot ka. Ang weird-weird mo talaga."
Biglang palipad-hangin ni Gelo. Napatingin tuloy ako sa salamin. Nakuha ko kaagad ang gustong iparating ng kapatid ko sa akin. Kaya mabilis akong pumasok ng banyo, para alisin ang ngising bumabalot sa aking labi at suklayin ang buhok na nagbibigay ng impresyon na bruha sa aking mukha.
"Papunta na ako. Nakablack akong damit na may white cross na design."
Teks message ni Bakulaw sa akin. Inilapag ko sa mesa ang cellphone ko habang sinasayad ang laman ng Rhumba Cream. Mahigit sa sampung minuto narin ang lumipas simula nang ihalik ko ang aking puwet sa isa sa mga upuan ng Starbucks. Pabalik-balik ang lingon sa orasan, kasabay sa maingat kong pagtagni-tagni ng plano kong pagpapahiya sa kaniya.
"Good Afternoon Sir." dinig kong bati ng isa sa mga barista sa lalakeng bagong dating. Dumapo kaagad ang tingin ko sa suot niyang damit. Color black na may krus na design sa harap. Luminga-linga ito sa paligid, tila may hinahanap. Walang duda, si Bakulaw na'to.
Tumilapon sa akin ang tingin niya, na agad namang sinalo ng mga mata ko. Dumiretso siya sa puwesto ko na hindi tinatanggal ang titig sa akin. Sigurado, kabisado na niya ang aking mukha, dahil sa profile picture ko.
Itataas ko na sana ang aking kamay, bilang hudyat na ako ang hinahanap niya, nang bigla siyang huminto sa kalapit kong lamesa. Ibinaling ang tingin sa lalakeng bigotilyo na nagbabasa ng diyaryo habang nagkakape. Tumingala sa kaniya ang mamang balbas sarado, wari'y nagtataka kung bakit siya nakatayo sa harapan nito. Maya-maya pa ay nagsalita si Bakulaw.
"Ano kuya, bilhin ko na ang bug sim mo?"
"THE FUCK?!" napalakas ata ang mura ko, lahat kasi ng mga mata sa loob ay lumanding sa akin. Pati narin ang kay bakulaw.
BINABASA MO ANG
Kuya, pa-BUG naman po, please?
HumorDISCLAIMER: This story is not mine. All credits go to the rightful owner. I just re-post this story because it's damn worth sharing. Pinabasa lang sa akin ito ng friend ko long years ago. I was checking my files in my hard drive then i saw this. Na...