Mahal Kita.

5 0 3
                                    

  Mahal Kita.

-
At dahil ang lahat ay may kasagutan,
Sarili'y tinanong, "mahal nga ba kita?"
Tinimbang ang puso't ang aking isipan,
Alin ang mabigat sa kanilang dal'wa?
Hanggang ngayon hindi, di ko parin alam;
May mga bagabag, mga agam-agam.
-
Tulungan mo akong lalo kang mahalin,
Ipaalala mo ang iyong pangalan
Sapagkat ikaw lang ang nais ibigin,
Puso'y tumitibok - ikaw ang dahilan!
Turuan mo ako na mahalin ka pa,
Isigaw sa akin ang 'yong nadarama.
-
Iniisip kita sa bawat sandali,
Nagbabalik-tanaw sa mga kahapon
At inaalala ang 'yong mga ngiti,
Sana ay dama mo ang lungkot ko ngayon.
At dahil sa lahat ng lumbay at sakit,
Minamahal kita nang mas lalong higit!
-
Ga'no man kahirap, aking tinitiis;
Nagiging matatag para sa pag-ibig
Hindi mo nga batid ang aking pagtangis,
Pagpatak ng luha'y 'di mo naririnig,
Ngunit sana alam mo na mahal kita,
Na sa aking buhay, ika'y mahalaga!
-
Nais kong isulat yaring ating kwento,
Pa'no nagsimulang mangusap ang mata,
Paano nabuo ang mga litrato
Ng sandaling tayo ay magkakilala...
Lahat ng iyon sa puso'y nakasulat,
Sa kwentong "Ikaw at Ako" ang pamagat.
-
Sana'y kumapit ka't matutong maghintay,
Ang lahat ng ito'y para lamang sa 'yo
Darating akong may bulaklak na alay
At bubuuin ko ang katagang "Tayo",
Aking pakiusap sa 'yo aking mahal,
H'wag sanang magsawa sa 'yong pagmamahal.
-
Nais kong marinig boses mong malambing,
Sa bawat minuto'y gusto kang kausap
At alam mo ba na ang tangi kong hiling
Ay matupad ang ating mga pangarap?
Sa aking pagtulog, ika'y nasa isip;
Tayo'y magkayakap sa 'king panaginip.
-
Ngayong gabi nga'y alam ko na ang sagot,
Sabi ng puso't isip ko'y "Mahal Kita",
Ikaw ang prinsesang hindi malilimot,
Oo, mahal kita, wala na ngang iba!
Ikaw - dikta ng isip, sigaw ng puso,
Sa aking damdamin ay 'di maglalaho.
-
Muling tumutulo yaring aking luha,
Kaya't wawakasan ko muna 'tong tula...
-
-
© MAC.A.T.A.
# 1, 456
8 June 2016
8: 38 p.m.

Verses: The Mirror of My SoulDonde viven las historias. Descúbrelo ahora