Patak
-
Tuyot na ang tinta, tigang na ang isip
At sa lumang silid na puno ng agiw,
Ang mga salita ay hindi masilip;
Hindi maapuhap ang galak at aliw.
-
Sa bawat anggulo ng apat na sulok
Piniga ang diwa ngunit walang katas,
Patay na ang apoy at hindi matupok
Ang mga katagang nagkulang sa ningas.
-
Abo na ang bagang sa una'y lumiyab
Mistulang nilunod ng luha ng lumbay
'Di na maibalik ang sigla at alab
Pagkat naupos na ang saglit na buhay.
-
Para akong ibong hindi makalipad,
Nabali ang pakpak at kapos sa lunas
Hindi maiguhit plumang nasa palad
Sapagkat sa puso'y lungkot ang dinanas.
-
Sa loob ay may galit na ibig kumawala,
Pilit pinipigil na hindi lumabas
Tulad ng halimaw sa bakal na hawla,
Iniingatan ko na 'di makatakas.
-
Aking binabalik lahat sa simula,
Ang sayaw ng hangin sa kan'yang pag-ihip,
Hanggang sa sandali ng aking pagkatha,
Mula sa indayog ng munting pag-idlip.
-
Tuyot na ang tinta, tigang na ang isip -
Ngunit hindi. Hindi. Magsusulat ako,
Masalimuot man itong panaginip,
Babangon akong may tula para sa'yo.
-
-
© MACA.T.A.
# 1,430
20 May 2016
6:56 p.m.
ESTÁS LEYENDO
Verses: The Mirror of My Soul
PuisiAll of these poems are written by me. I write in both English and Tagalog languages. I started writing when I was in high school. I found myself falling in love with poetry and reading verses gives me a ton of delight. I study poetry seriously both...