HIKAHOS

121 0 0
                                    

Pebrero 2006


Panahon man ni araw o bagyo,

Hulihin man ng buwaya o sipitin ng alimango,

Walang magagawa sa kumakalam na tiyan,

Residente ng magulo at malagkit na lansangan.


Anumang panahon laging bahagi,

Ng magulong kapaligiran, hinusgahang sipi,

Lakad dito, takbo doon walang pagkakataon,

Para sarili'y umunlad maging bahagi ng bagong taon.


Kaldero'y laging tumba sa lahat ng panahon,

Kundi walang masaing sadyang di sapat ang naipon,

Lugmok ng kahirapan ng makamundong lipunan,

Hithit sa tagiliran pansamantalang kanlungan.


Paa'y walang sapin kundi putik na itim,

Saplot ay basahan ng kawalan ng mithiin,

Dungis ng mukha'y pinagtatawanan ng karamihan,

Na s'ya sanang dapat tumulong sa nangangailangan.


Buhay animo'y laro ng mga musmos,

Patinterong walang kupas kanilang hikahos,

Panganib di alinsangan upang makapagpatuloy,

Kapag nataya'y kahit paano'y may pisong abuloy.


Lumalalang pagsabog ng kasakiman,

Dulot sa daga'y takot at kadiliman,

Panahon ng kampanya sila ang minamasa,

Kawawang kaldero hanggang patintero at asa.

ANG MGA NAIKUBLING TULA ("The Kept Poems")Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon