18: REPTUS

194 10 18
                                    


"Baronprotektor, maaari mo ba akong bigyan ng ilang payo upang magtagumpay ako sa pagpapaamo ng dragon."

Lumingon si Cazmir sa baguhang protektor. "Kailangang maging ganap ang iyong supramisia."

"Maging ganap? Paano?"

"Sadyang mailap ang mga dragon, subalit kung ganap ang pagdaloy ng supramisia sa buo mong pagkatao ay hindi ka mahihirapan. May mga pagkakataon pa nga na dragon na mismo ang lumalapit sa isang protektor gaya ng aking tiyo noon na si protektor Axeliz."

"Talaga? manghang sambit ni Ram na pagkalaon ay dinama ang sarili. "Paano ko naman magagawa ang ganoon?"

"Iyan ang dapat mong matutunan. Isa pa nga pala, Ram. Puno ng kababalaghan at kakaibang nilalang ang isla ng Jolif, mag-ingat kayo."

Biglang napadilat si Ram. Habang nakahiga at puno ng pagtataka ay nilibot niya ng tingin ang paligid. Naroon siyang muli sa nakatumbang puno kung saan siya pansamantalang nagpahinga bago suungin ang yungib.

"Mabuti'y gising ka na,"

Napatingin ang binata sa pinagmulan ng tinig. Si Aliyanah.

Tumayo ang kanina'y nakaupong binibini habang nakatunghay kay Ram. "Mukhang ayos ka naman na, maiwan na kita," saka ito humakbang palayo subalit muling natigilan ng marinig ang binata na uminda ng sakit dahil sa pagpilit ng kilos.

Doon lang napagtanto ni Ram na puno pala siya ng galos at paso sa katawan.

"A-anong nangyari?" marahang sumandal ang binatang protektor sa gilid ng puno.

"Muntik na tayong mamatay," mahinhin man ang tinig ay ramdam tikas sa prisensya ng dalagang protektor.

Nang marinig ni Ram ang mga sinabing iyon ng kausap ay saka niya lamang naalala ang mga nangyari.

Noong nasa kweba sila ay may kung anong nilalang ang sumalakay sa kaniya. Bago pa magamit ang salamangka ay nagbuga na ang nilalang ng apoy na nagdulot ng napakalaking pagsabog. Pagkatapos noon ay nawalan na siya ng malay tao hanggang sa magising na lang na kasama si Aliyanah.

Mabagal na tumingala si Ram upang masdan ang sikat ng araw na natatakpan ng matatayog na mga puno. "Ilang oras na kaya akong natutulog? Nakakahiya," sambit niya sa isipan.

"Labindalawang oras kang tulog," ani Aliyanah na akala mo'y nabasa ang isip niya.

Muling nakaramdam ng pagkailang si Ram matapos marinig iyon kaya siya napabulong. "Ganoon katagal niya akong binantayan? Napakamaalalahanin niya nama—"

"Huwag mong isiping nag-aalala ako sa'yo kaya kita binantayan, nagkataon lang na ito ang pinakaligtas na lugar sa ngayon, dahil naabala natin ang mga Reptus,"

"R-reptus?"

Tumango si Aliyanah bago muling umupo kaharap ang binata. Nakadama na naman si Ram ng pagkailang subalit hindi niya ipinahalata.

"Sila ang mga nakasagupa natin kagabi—sila ang nais kong mapaamo."

Halos nanlaki ang mata ni Ram sa narinig. "Hindi naman sila mga dragon—"

"Dragon din sila subalit natatangi, ibang uri sila ng dragon."

Nanahimik saglit ang binata at muling inaalala ang itsura ng nasabing nilalang. Naglaro sa utak niya ang wangis ng Reptus na animo'y dambubalang sawa na mayroong apat na paa. Parehong matatalim at mahahaba ang mga kuko't pangil ng nilalang. Matayog ang dalawang sungay, puno ng balahibo ang mukhang bahagi at buong likuran nito hanggang sa pinakadulo. Nakakatakot ang mga mata, amoy asupre, bumubuga ng apoy at higit sa lahat ay mabangis at mapaminsala. Malayo sa dragong inaakala niya.

THE REALMS 1 [Unedited.Completed]Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon