17: DRAGO

203 9 19
                                    


Noong lumang panahon ay nadiskubre ng Ylzeimt protektor ng Saphiro ang pambihirang koneksyon ng dragon sa isang mahikero. Si Yldrago ang taong iyon. Ihinandog niya sa hari ang dambuhalang nilalang bilang simbolo ng pakikipag-isa. Simula noon ay naging banal na tradisyon na ito ng mga protektor.

Ayon sa kasaysayan, ang dragon ay isa sa itinuturing na matandang nilalang na nilikha ni Eliah. Noong panahon ng dakilang ninuno ay lubhang mababangis at mapanira ang mga ito, subalit sa hindi maipaliwanag na kadahilanan, matapos ang misteryosong pagkawala ni Yldrago ay tumalima ang mga dambuhalang nilalang at magmula noon ay wala nang naitalang dragon na bumubuga ng apoy hanggang sa kasaluyakan.

Sa isla ng Jolif ay malayang namumuhay ang mga dragon. T'wing nalalapit ang taglamig ay lumilipat ang nasabing hayop sa bahagi ng Saphiro upang pansamantalang manahan, bumabalik din ang mga ito kapag uminit na ang panahon sa Traveil.

Ang mga dambuhalang ito ay minsan ng naging dahilan ng sigalot ng Saphiro at Traveil. Ang buong detalye tungkol sa labanan ng dalawang kaharian ay nakasulat sa aklat ng kasaysayan.

Sa tuktok ng mabatong talampas, nakatayo at nakatanaw sa kawalan si Ram habang inaalala ang ilang mga bagay na sinabi ni Cazmir bago sila magtungo sa isla ng Jolif.

"Ang ikatlong bagay na sumasagisag sa pagiging protektor ay ang dragon. Ito ay sumisimbolo sa pakikipag-isa ng hari sa protektor at nang protektor sa hari."

"Sa oras na makakuha ng dragon ang isang protektor ay ihahandog iyon sa kaniyang hari. Kapag naganap na ang bagay na 'yon. Ibig sabihin, ang protektor ay nakipag-isa na sa hari gayundin ang hari sa protektor."

"Tatayo ka na lamang ba r'yan?" tila nagising sa mahimbing na pagtulog ang binata ng marinig ang mahinhin na tinig ni Aliyanah.

Lumingon siya sa dalaga subalit agad siyang napayuko. "Paumanhin, napalalim lang ang aking pag-iisip," naiilang niyang sagot. Hindi niya kasi alam kung paano pakitutunguhan ang isang marikit na dilag na mapapangasawa ng hari.

Hindi namalayan ni Ram na lumakad na paabante ang babaeng protektor. Ilang metro na ang layo ng mapansin niya ito kaya patakbo siyang sumunod.

"Teka, saan tayo magsisimula-"

"Walang tayo," putol ni Aliyanah. Malambing man ang tinig ay mararamdaman pa rin ang kakaibang tikas at awtoridad sa pananalita nito.

Pagkasabing iyon, matapos marating ang hangganan ng talampas, walang anu-ano'y nagpatihulog ang binibini. Ikinabigla iyon ni Ram. Nang sundan niya ito ng tanaw ay naglaho na ito na parang bula. Tanging mga ulap at mga puno na lamang ang kaniyang naaninag.

Napakamot-ulo ang binatang protektor. "Maganda sana kaya lang e supalada." Saka siya bumalik upang kunin ang lukbutan at ang supot na iniwan ni Cazmir.

Mula roon ay sinamantala na muna ni Ram ang pagkakataon. Saglit siyang naupo at malayang minasdan ang araw na humahalik sa karagatan. Ninamnam niya ang dapithapon, inaliw ang sarili sa pagmamasid sa unti-unting paglamon ng dilim sa kanina'y malakahel na kulay ng langit.

Nang magsimulang lumitaw ang nagkikislapang bituin sa ibabaw ng mundo ay nagpasya na siyang tumayo. Mula sa 'di kalayuan ay dinig ang huni ng ilang mga dragon na marahil ay nakakubli na sa kung saang lungga. Nang dumako siya ng tingin sa bandang kanan ay may pangilan-ngilan siyang nakitang mga dambubalang nilalang na lumilipad patungo sa haligi ng isang mabatong bundok na hindi kalayuan sa kaniyang kinaroroonan. Marahil doon namumugad ang iilang dragon.

"Doon na lang siguro ako magsisimulang maghanap," ani niya sa sarili.

Ilang oras din bago siya makababa ng talampas. Hindi niya ginaya si Aliyanah na bigla na lamang tumalon at nagpatihulog, hindi pa naman siya ganoon kabihasa sa paggamit ng salamangka o pagkikipaglaban kaya mas minabuti niyang humanap ng tamang daan pababa.

THE REALMS 1 [Unedited.Completed]Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon