Halos masira ang antigong lamesa ng hampasin ni haring Magnus, matapos mabasa ang mensahe ng ikalima niyang heneral na si Blaster.Batid sa mukha nito ang galit. "Ang mga walanghiyang nilalang na iyon!" bigkas niya pagkadaka. "Ang lakas ng loob nilang salakayin ang aking teritoryo!"
Lumakad ang ginoo palabas sa silid na kinaroroonan at saka tinungo ang himpilan ng mga kawal-heneral.
"Maligayang pagdating mahal na hari," agad yumukod ang isang lalaking may maiksing kulot na buhok. Siya si Antelus ang punong-heneral.
Edad tatlumpu. Anim na talampakan ang taas. Makisig, matikas at kita sa hubog at hulma ng katawan nito na banat ito sa ensayo at pakikipaglaban.
Matapos yumukod ay kinuha nito ang kupya at saka isinuot.
"Nakahanda na po ang mga kawal natin," matikas nitong sambit.
Pagkatango ay saka tumugon ang hari. "Nasaan sina ikalawa, ikatlo at ika-apat?"
"Si ikalawang heneral Eukan ay nakaantabay sa buong lalawigan ng Ire. Si ikatlong heneral Olibes ay kasalukuyan namang patungo sa probinsya ng Birse. Habang si ika-apat na heneral Santorina ay nasa Spleen dahil doon sila nakatakdang magkita bago tumungo sa kalapit na probinsiya upang umalalay kay ikalimang heneral Blaster."
"Mabuti kung ganoon. Ihanda mo ang buong kawal ng palasyo at maging alisto kayo, hindi natin maaaring ipagsawalang bahala ang mga ginagawa ng Blackamoorluna." Napadungaw ang hari sa malaking bintana na nasa kanan at minasdan ang kalawakan ng buong Ire.
Nakapwesto kasi mismo ang palasyo sa dulo kung saan ay pinakamataas na bahagi ng nasabing lalawigan. Sa likuran ng palasyo ay tanaw na ang napakalawak na karagatan ng Eloim Osean.
"Makaaasa kayo mahal na hari," muling yumukod si Antelus pagkatapos ay sumabay na ito kay haring Magnus palabas ng silid.
Habang naglalakad ang dalawa sa pasilyo ay sinalubong sila ng isang kawal na humahangos. Nang mabigay nito ang mensahe ay mabilis na tumakbo ang hari't punong heneral sa bulwagan. Doon nila nakita si protektor Fahrouk na pababa na ng dragon, tangan ang dalawang sugatang katao.
Napansin ng hari na puno rin ng galos ang protektor at ang dragon kaya agad itong nagtanong.
"Anong nangyari Fahrouk?"
Nang makuha na ng mga manggagamot ang kasamang sugatan ng protektor ay agad ng tumugon ang huli. "Ikinalulungkot ko mahal na hari, subalit patay na si ikalima,"
Nanlaki ang mata ng dalawa sa narinig.
"Paanong?"
"Nabuwag na ang harang sa pagitan ng Depir at Geran. Nasakop na rin ng blackamoorluna ang probinsiya ng Birse at ngayon ay patungo sila sa Spleen. Kinailangan ko munang bumalik dito upang masabi sa inyo ng personal ang mga naganap, isa pa ay kailangan kong masiguro ang kaligtasaan ng dalawang Depirian na kasama ko kanina. Maaari silang makatulong upang malaman natin kung ano ang nangyari sa Depir."
Tila hindi makapaniwala si haring Magnus at Antelus sa kanilang nalaman.
"Kasalukuyan akong nasa pagamutan ng Birse nang makarinig kami ng malakas na pagsabog na sinabayan ng pagyanig. Paglabas ko ng pagamutan, mula sa malayo ay natanaw ko ang harang na nagiba na at ang mga kabahayan malapit sa bahaging iyon ay natupok na ng apoy," pagsasalaysay ng protektor. "Kasunod noon ay ang hiyawan ng mga hindi mabilang na kalaban habang palusob sa probinsiya—sinubukan ko silang pigilan subalit isang ginoo ang nagpakilalang Josef Demambro na anak ng dating pinuno ng Blackamoorluna ang aking nakasagupa. Gaya ng sinasabi ng Baronprotektor ay nagtataglay ang kalaban ng malakas na salamangka— matapos ko siyang saglit na mapabagsak ay mas inuna ko na muna ang kaligtasan ng mga natitirang tao sa probinsiya ng Birse."
BINABASA MO ANG
THE REALMS 1 [Unedited.Completed]
AventuraHinati ni Eliah sa labingdalawang Realm ang dati'y isang kontinente. Ang Geran, Depir, Serihch, Keenl, Merad, Levinthecus, Veny, Azlufagler, Saphiro, Ozhgo, Traveil, at Hruwenn. Para mapigilan ang paglalaban ay nagtalaga siya ng protektor sa bawat r...