14: MADRASTA

232 10 18
                                    


DEPIR

Patakbong tinungo ng isang lalaki ang pinakamalaking bahay sa baryo na kaniyang tinitirahan. Pagpasok sa nasabing bahay ay agad nitong pinuntahan ang isang silid.

"Pinunong Exiquia, pinunong Exiquia!" halos masira nang lalaki ang pinto ng buksan ito. Naabutan niya ang nasabing pinuno na nakikipagpulong sa tatlong katao. Hindi sila mga mukhang kawal subalit mababatid sa kanilang kaanyuan ang husay sa pakikidigma. Ang isang lalaki na pingas ang kanang tainga ay may bitbit na malaking maso na gawa sa matibay na metal. Ang ikalawa na puno ng marka ang mukha ay nakasukbit sa likuran ang palakol na may magkabilaang talim at ang ikatlo na may pinakamaayos na kasuotan ay walang kahit anong bitbit.

Napalingon ang lahat sa lalaking biglang pumasok sa silid at dahil doon ay nahinto ang pinag-uusapan ng apat.

"Anong problema, Matias? Bakit humahangos ka?" malumanay na tugon ng may katangkarang babae na nanatiling naka-upo.

Siya si Exiquia, pinuno ng isang samahan ng mga mandirigma sa probinsiya ng Gyban na nasa dulo ng timog-kanluran ng Depir. Nasa edad tatlumpo. Balingkinitan, kayumanggi ang balat at hindi maitatanggi ang angking ganda. Anak siya ng kapatid ni haring Claude na dati namang hari ng Depir.

"Huminahon ka muna bago magsalita." Pina-upo nito ang lalaki para mapawi ang hingal.

Ilang minuto matapos makahugot ng hininga ay nagsalitang muli si Matias. "Ayon sa ulat ng ating espiya ay may mga pumasok na blackamoorluna sa mismong palasyo ng hari."

Namilog ang mata ng apat sa kanilang narinig.

"Sigurado ba ang espiya?" Napatayo ang pinuno nang tumango si Matias.

"Binibining Exiquia, mukhang nakikipagsabwatan ang hari sa mga blackamoorluna," mahinahong sabi ni Huan(Yuhan), pinakamaayos na itsura sa tatlong mandirigmang kapulong ng babae.

"Ito na marahil ang oras, Binibini," suhestyon ni Teo, ang lalaking may pingas na tainga.

"Panahon na upang ibalik ang nararapat sa inyo," matikas namang sambit ni Tiago, na ginoong puno ng marka ang mukha.

Pagtango ng babae ay nagbigkas ito ng utos kay Matias na tipunin ang lahat ng mandirigma upang maghanda sa isang malawakang pagsalakay.



---

Noong gabing iyon ay isinama ni Adalric si Ferdo sa isang sikretong silid na nasa kailaliman ng kastilyo ng hari.

Selyado ng salamangka ang kwarto kaya bago makapasok ay gumamit muna ng zirculo ang protektor.

Walang kahit anong laman ang loob ng nasabing silid maliban sa labimbakas na nasa sentro mismo ng bilugang silid. May mga sulong nakapa-ikot sa pader upang magsilbing liwanag.

Agad nilapitan ni Ferdo ang kusilba upang suriin. Inikot niya ang kabuuan nito at saka humimas sa ulong walang buhok.

"Hindi ako nagkakamali protektor," saka ito lumingon kay Adalric na nakatayo lang malapit sa kaniya at nagmamasid. "Base sa hugis, kulay at mga sinaunang sulatin ay isa itong selyadong kabaong."

"Selyadong kabaong?" tanong ng matanda. "Kabaong nino?"

"Ni Lilith," diretsong tugon ng binata na ikinagulat ng kausap.

"L-lilith? Ang madrasta ng itim na rosas," naalala ni Adalric ang pagpupulong ng realyansa. Dahil din doon ay nanumbalik ang ala-ala ng usapan nila ni haring Claude.

Nais kasi ng ginoo na ipadala sa Saphiro ang kusilba upang mapag-aralan ng mga eksperto subalit ayaw ng sakim na haring Depirian. Iniisip ng huli na ang labimbakas ay isa sa mga yaman ng kanilang lahi.

THE REALMS 1 [Unedited.Completed]Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon