11: RODRIA

237 13 33
                                    


Rodria.

Isang uri ng sandatang tungkod na ginagamit ng mga protektor sa pakikipaglaban. Matatagpuan lamang sa lupain ng Bronees, sa Levinthecus ang kasangkapan sa pagbuo ng nasabing bagay.

Panahon ng Ylziemt nang magsimula ang paglikha ng Rodria. Ang tungkod ay sumisimbolo sa isang katangian na mayroon ang isang protektor. Awtoridad.

Habang tinatahak ang lugar na patutunguhan ay muling sumagi sa isipan ni Ram ang usapan nila ni Cazmir kani-kanina lamang.

"Rodria ang isa sa pinakamatandang bagay at yaman ng mga protektor. Gaya ng Supramisia ay ipinapasa rin ito sa mga kasunod na henerasyon. Nagkataon lamang na sabay na nawala ang proktektor at Rodria ng Hruween noon kaya kailangan mong magpagawa ng bago."

Nakamatyag lang ang binata habang patuloy sa paglalahad ang kausap.

"Mayroong tatlong bagay na sumisimbolo sa protektor. Una ang Geoluhàr na simbolo ng kapangyarihan. Ikalawa ang Rodria na simbolo ng awtoridad."

"Ano po ang ikatlo?" tanong ng binata ng maramdaman na hindi na itutuloy ng kausap ang sasabihin.

"Malalaman mo rin 'yon, Ram. Sa ngayon ay maghanda ka muna sa pagkuha ng sangkap sa pagbuo ng iyong Rodria."

"Narito na tayo bata," bumalik ang diwa ni Ram matapos marinig ang tinig ni Yapo.

Mula sa kinaroroonang burol, itinuro ng matandang bronees ang malawak na kakahuyang nasa ibaba.

"Ilang kilometrong lakaran ay mararating mo na ang kakahuyan," ani'to.

"Hindi na po ba kayo sasama?"

"Bawal pumasok sa kakahuyan ng Bedevil ang mga nilalang na walang salamangkang taglay," paliwanag ni Yapo.

Napakamot ulo si Ram. "Iniwan na nga ako ng baronprotektor at ng madirigmang Dweorh, pati ba naman kayo Yapo?"

"Patawad batang protektor, subalit hanggang dito na lamang ako," sumeryoso ang matandang bronees at matalim na tumunghay sa kausap. "Dapat ay makuha mo ang sangkap bago sumikat ang araw, dahil kung hinďi ay..."

"Kung hindi ay ano?"

"Aabutan ka ng sikat ng araw."

Napangiwi si Ram. "Maloko rin 'tong si Yapo ah," bulong ng isip niya.

"Mag-ingat ka."

Pagkatango ay mabilis nilisan ni Ram ang kinaroroonan at agarang tinungo ang Bedevil. Kalaliman nang gabi bago niya matunton ang bungad ng nasabing kakahuyan.

"Kaya ko ito," pagkasabing iyon ay dali-dali siyang tumakbo papasok sa loob ng nasabing lugar tangan ang tulos at ang espadang napili niya sa kastilyo ng Dweorh.

Tahimik at mahamog ang paligid. Maliban sa nagtataasang puno ay wala ng napansin si Ram na anumang senyales ng kahit anong may buhay.

Maliban sa tulos na bitbit, tanging liwanag lamang mula sa buwan ang nagsisilbing tanglaw ng kakahuyan kaya nahirapan ang binata sa paghahanap ng nasabing sangkap.

Umabot sa gitna ng masukal na gubat ang binatilyo bago makita ang nasabing puno. Ayon kay Cazmir, ang sangkap sa paggawa ng Rodria ay ang sanga ng mabulaklak na puno ng lydia. Isang uri lang ng puno ang mayroon ang Bedevil at ito ay ang Lydia. Bukod doon matatagpuan lamang ang bulaklak na singlaki ng tao sa mismong sentro ng kagubatan. Ayon sa kasaysayan, ang puno ng lydia ay isa sa pinaka delikado't misteryosong puno sa buong mundo.

Manghang lumapit si Ram ng makita ang puno na namumukadkad sa naglalakihang bulaklak. Kulay dugo ito at walang amoy

Inilapag niya ang tulos. "Grabe ang laki nga ng mga bulaklak," saka hinimas ang isang malapit sa kaniya. Pagkatapos ay nilibot niya ang puno upang masuri hanggang makakita siya ng isang tanggay malapit sa likod ng malaking bulaklak. Sa tantya ng binata ay eksakto ang haba ng tanggay kung gagawin itong Rodria.

THE REALMS 1 [Unedited.Completed]Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon