Gravity

2.7K 71 9
                                    

GRAVITY

You can't blame gravity for falling in love.

Sabi nila, sa college mo raw makikilala yung seryosong magmamahal sayo. Yung magmamahal sayo ng todo.  Kasi kumpara sa highschool, hindi na uso ang puppy love sa college. Training ground lang ang highschool kung paano tayo magma-mature at kung paano natin makikilala ang mga sarili natin.

Sa highschool, uso ang lokohan. Uso ang basta-taken-ako-in-ako status. Sa highschool mararanasan mo lahat ng firsts. Naranasan ko sa highschool kung paano magpaligaw, kung paano sagutin ang lalaking 1 week lang ako niligawan, kung paano mag-make up, kung paano sumuway sa magulang at kung anu-ano pa.

Masasabi kong na-culture shock ako pagdating ko ng college. Sa college, may sari-sarili na kayong mundo. Yung mga naging kaibigan mo noong highschool, wala na. Yung iba, makakausap mo pa naman pero hindi na madalas (depende kung magka-block kayo). Matututuhan mong tumayo gamit ang sarili mong mga paa. Matututunan mong magpursigi sa pag-aaral. Matututuhan mong magtiwala sa sarili mo at higit sa lahat, matututunan mo kung paano magmahal ng seryoso.


Unang araw noon ng college. Mula sa isang public highschool sa manila, lumipat ako sa isang private university sa quezon city. Nakipagsapalaran akong magtake ng exams sa halos pitong university sa quezon city. Nagtatataka nga yung mga classmates ko nung highschool kung bakit sa dinami-dami ng college universities sa manila, sa quezon city pa ako nag-exam. Sabi ko sa kanila, "Hahanapin ko yung true love ko." Nagbibiro ako ng mga panahon na yun. Hindi ko inisip na hinahanap na pala ng puso ko ang true love ko... matagal na panahon na.

Umuulan ng mga panahon na iyon. Sobra na ata ang problema ng earth dahil summer na summer ay ang lakas ng ulan. Sanay ako sa init ng araw dahil sa manila, madalas naming lakarin ang school mula sa bahay ng walang gamit na payong. Kaya nung araw na yun, hindi ako nakapagdala ng payong. Hindi ko naman kasi inaasahang uulan pala ng ganun kalakas.

Tumambay ako sa isang karinderya noon. Dahil wala akong payong at wala ng ibang lugar na masisilungan, kahit gutom na ako ay sa karinderya ako tumambay. Wala akong balak kumain kahit gutom na gutom na ako. Kahit inaakit na ako ng amoy ng kare-kare, menudo, adobo, chicken curry, sinigang at marami pang iba. Sumilong lang ako. Ayokong mabasa lang ang unipormeng pinlantsa ni mama para sa akin. Para ko na ring tinapon sa basurahan ang isang box ng donut kung ganun.

Maaga pa naman ng panahong iyon. Hindi kasi ako sanay ng nale-late sa klase. Plus the fact na sa manila ako nanggagaling. 1 hour early nasa school na ako. Wish ko tumila na agad ang ulan. Wala kasing maupuan sa karinderya dahil maraming kumakain. At siguro naman mahihiya ako na makiupo lang at hindi umorder. Tatayo na lang talaga ako.

Sa pag-iintay ko, dumating ang isang lalaki. Papatakbo pa nga siya nung papunta sa karinderya. Basang-basa ang polo niya, yung tipong kita na yung sando niya sa loob. Basa na rin ang bag niya. Napatingin siya sa akin nung nakarating siya sa karinderya, ganun din naman ako. Umaasa akong ngingitian niya ako kahit papaano, pero hindi niya ako pinansin. Hindi nga naman kami magkakilala. Pinabayaan ko na lang.

Mahigit kalahating oras tumagal ang ulan. Mahigit kalahating oras akong nakatayo. Mahigit kalahating oras na kumukulo ang tiyan ko dahil sa gutom at mahigit kalahating oras ko ng kasama ang lalaking nakisilong din sa bubong ng karinderya. Noong tumila ang ulan, tumakbo siya agad. Siguro, late na siya sa klase niya. Wrong timing naman kasi yung ulan.

Papaalis na sana ako pero tinawag ako ng tindera, "Ineng, nalaglag mo yung papel oh." napatingin ako sa sahig. May isang piraso ng yellow paper sa lapag. Pinulot ko ito at sinuri. Nag-thank you na rin ako sa tindera dahil sa pagpapaalala at saka umalis. Habang naglalakad ako papunta sa school, nagsimula na akong basahin ang nakasulat sa papel.


Hazel,

Naaalala mo pa kaya ako? Ako yung classmate mo nung 2nd year sa Ramon Magsaysay Highschool sa Cubao. Nakausap kasi ni mama yung mama mo at nalaman niyang sa parehong university pala tayo pumasok. Alam ko na rin ang course mo, sinabi rin ng mama mo. Gusto mong maging teacher? Matalino ka talaga, Hazel! Ay, nakalimutan kong magpakilala, baka kasi hindi mo na ako naaalala. Si Jerome to. Yung dati mong seatmate tuwing History. Natatandaan mo pa? Mas matutuwa ako kung natatandaan mo pa ako. Teka, sorry pala kung ang korni ko. Alam kong hindi na uso ang sulat na ganito pero kilala mo naman ako (in case na naaalala mo pa nga ako). Hindi ako palasalitang tao. Hangga't maaari, palagi akong nanunuod lang. Tahimik akong tao, hindi ako marunong magsabi ng nararamdaman. Yung tipong kahit galit na ako, ngingiti na lang ako at sasabihing okay lang. Kabaligtaran lahat ng pinapakita ko. Kaya nga noon, madalas kitang i-bully, hindi sa paraang masasaktan ka physically. Pero natatandaan mo nun? Madalas kitang sabihan ng "pangit", "sipsip", "isip-bata" at kung anu-ano pa. Hazel, lahat ng yun, kabaligtaran ang kahulugan. Sorry kung nagalit ka sa akin noon. Sorry kung anuman yung mga nasabi ko. Kung alam mo lang na nung araw na sinabihan kita ng "ayoko sayo" ay yun din ang araw na naisip ko na gusto kita. Hazel, pagbigyan mo ko uli please? Sisikapin kong maging totoo sa mga sasabihin ko mawala lang yung galit mo sa akin. Sige, ayun lang naman. Sana naaalala mo pa ako para hindi naman mapunta sa basura itong sulat na to. Ingat ka palagi saka wag mong kakalimutang ngumiti.

Gusto kita... matagal na. :-)

Nung mga panahong binasa ko yung nakasulat sa yellow paper, bahagya akong natawa. Gagawa na lang ng love letter sa yellow paper pa isinulat. Paniguradong ire-reject agad ang sinumang lalaking gumawa ng ganito. But on the other side, hindi ko mapigilang ngumiti. Napakaswerte ng babaeng makakatanggap ng ganito. Pakiramdam ko tuloy ako yung sinulatan. Nakakakilig. Eto yung pangarap ko, yung gawan ako ng isang lalaki ng mga bagay na matagal ng nakalimutan ng mga kabataan ngayon. Yung old-style ng panliligaw. Mas nakakakilig kasi.

Nakarating ako sa unang room ko, hindi pa gaanong marami ang tao. Siguro nasa 15 lang ata. At hiwa-hiwalay sila ng inuuupuan. Nung una ay ayoko pang pumasok, pero noong nakita ko yung lalaki sa pinakadulo, biglang naglakad yung sarili kong mga paa papasok ng room. Siya yung lalaking nakasama ko kanina sa karinderya. Classmate ko pala siya pero bakit kaya nagmamadali siya?

Umupo ako sa silya malapit sa kaniya. Isang silya lang ang pagitan namin. Nung umupo ako ay agad siyang napatingin sakin at kumunot ang noo. May itsura din pala siya. Nginitian ko siya bilang ganti. Bigla ko namang naaalala yung yellow paper, kinuha ko iyon sa bulsa ko at inalok sa kaniya.

"Sayo ata to. Nalaglag mo dun sa karinderya."

Tinignan niya ako ng masama at saka nagkalkal siya sa bag niya. Pagkatapos niyang magkalkal ng gamit niya ay tumingin uli siya sa akin. Ang sama ng tingin niya. Marahas na inagaw niya sa akin yung yellow paper at saka nagdadabog na lumabas ng room.

Naisip ko, wala naman akong ginawang masama ha? Mabuti nga at binalik ko pa sa kaniya yun. Sabagay, kung ako din ang makakahulog ng love letter at may ibang nakapulot, magagalit din siguro ako. Nahihiya lang siguro siya. Napangisi ako dahil sa iniisip ko. Ang cute naman ng lalaking nahihiya.

Natapos ang unang subject nang hindi siya pumapasok. Keri lang naman kasi wala naman kaming gaanong ginawa. Introduction lang at kaunting balik-aral sa mga pinag-aralan noong highschool. May konting note-taking din. Siguro, papakopyahin ko na lang siya kapag bumalik na siya. 


Pero nagkamali ako.

Tatlong subjects na ang natapos pero ni anino niya hindi ko nakita. Naisip ko na hindi siya pumasok dahil nabadtrip siya sa akin. Nakonsensya ako. Hindi kaya dahil sa akin kaya hindi siya pumasok?

Pagkatapos ng pang-apat na subject ko nung araw na yun, nilibot ko ang university. Lahat ng room sinisilip ko kung andun ba siya pero wala akong nakitang lalaking naka-straight face. Inikot ko pa ang university pero wala talaga. Hanggang sa nawalan na ko ng pag-asa. Naglalakad ako pauwi. Nadaanan ko pa yung karinderyang magsasara na. Naalala ko nanaman yung tingin sa akin nung lalaki. Ang sama talaga ng tingin niya. Yung tipong matutunaw ka. Kailangan kong mag-sorry.

Pero bakit naman?!

Wala naman akong nagawang masama. Wala naman akong naiisip na dahilan para mag-sorry. Bahala na nga siya sa buhay niya.

Lumiko ako sa St. Joseph. Isang street na maraming kainan na mura. Hindi pa kasi nakakapag-lunch dahil sunud-sunod ang klase ko. Papasok na sana ako sa isang kainan nang makita ko siya. Nakaupo siya sa hagdan paakyat ng ladies' dorm. Nakayuko siya. Hindi ko alam kung natutulog o nagce-cellphone.

Walang pag-aalinlangang tinabihan ko siya sa pagkakaupo. It's now or never ikaw nga nila. Magso-sorry na ako kahit wala naman akong nagawang kasalanan.

"Bakit hindi ka pumasok?" pasimula ko. Tumingala siya at nilingon ako. Hindi nanaman nawawala sa kaniya yung kunot niyang noo. "Hindi ka ba pumasok dahil... sa akin?"


Mas lalong kumunot ang noo niya. "Dahil sayo? Sino ka ba? Ang alam ko kasi, hindi ako pumasok sa subjects mo dahil hindi naman tayo magkaklase." pagkatapos niyang magsalita ay umalis na siya agad. Hahabulin ko sana siya kaso sumakay na siya ng jeep.

Hindi ako nainis sa ginawa niya. Siguro kung ako rin naman ang tinabihan at kinausap ng isang taong hindi ko kilala, aalis din ako kaagad. Di bale, siguro makakasundo ko rin siya.


Tuwing monday ang NatSci namin, iyon ang subject na magkaklase kami. Tuwing monday kami nagkakalapit sa isa't-isa dahil isang upuan lang naman ang pagitan ng mga upuan namin. Tuwing monday niya akong pinagkukunutan ng noo at tuwing monday ko lang siya nakikita. Hindi naman kalakihan ang university na napasukan ko pero pagkatapos ng NatSci namin, hindi ko na siya uli makikita. Bakit mo kasi hinahanap? Ang madalas na tinatanong sa akin ng utak ko. Ewan ko, nababaliw na ako.

Sa buong buhay ko kasi, ngayon lang ako naka-meet ng lalaking ganun ang ugali. Akala ko sa libro ko lang mababasa ang mga ganung tao. May mga ganun pala talagang tao. Yung mga lalaking masusungit, tahimik at ilag sa tao. Nakakatuwa lang na finally may nakilala na akong ganung klase ng lalaki.

Isang araw, himalang nakita ko siya sa library na nagbabasa ng libro. Nasa pinaka-dulong table siya at seryosong-seryoso sa pagbabasa. Gagawa kasi dapat ako ng research paper pero mukhang hindi ko na magagawa dahil nakita ko siya. Ang sarap niya kasing kulitin kasi ang dali niyang mainis.


"Hello, classmate sa NatSci." narinig niya palang ang boses ko ay iniligpit niya na yung gamit niya. "Oh? Tatakbuhan mo nanaman ako? Wag ka na umalis, wala na kayang vacant na table."


Wala siyang choice. Inusod niya na lang ang upuan niya kadikit ng pader na parang may nakakahawa akong sakit. Hindi ko na rin siyang kinausap pa, nagsulat lang ako ng notes at nung paalis na ako ay hindi na ako nagpaalam sa kaniya. Nagulat ako noon nang pigilan niya ako. Ako naman ang napakunot-noo.

Tinanong ko siya ng, "Bakit?" Para siyang batang nahihiya dahil nadapa sa harap ng maraming tao. Nakayuko lang siya na tila nagbabasa pa rin ng nakasaradong libro.

"Nabasa mo yung sulat ko." Hindi tanong pero statement. May assurance na nabasa ko nga yung letter. Yung love letter niya para kay Hazel. Natatandaan ko pa rin yung pangalan ng maswerteng babaeng yun dahil first time ko kasi makabasa ng ganung letter.

"Paano ka naman nakakasigurado dyan?"

"Basta nabasa mo." iniwan niya ako nakakunot-noo. Iniwan niya nanaman ako. Nagmamadali siyang lumabas ng library pagkatapos nun. Naulit at naulit pa ang ganung eksena, sa ibang lugar nga lang. Minsan sa canteen, tatabihan ko siya at kakain. Hindi kami mag-uusap sa umpisa. Pero ang nakakagulat, siya ang unang makikipag-uusap. Nung unang beses na nagkatabi kami sa canteen, tinanong niya ako kung anong nabasa ko sa sulat. Nung pangalawa, tinanong niya ako kung bakit ko binasa. Nung pangatlo, tinanong niya ako ng, "Okay lang ba yung sulat?"

Nasamid ako. "Tinatanong mo yung opiniyon ko? Wow, bago yan ha."

Inirapan niya lang ako. "Wag ka nga sumagot."

"Hala! Tinanong mo kaya ako."

"Ewan ko sayo." sa hindi ko alam na pagkakataon, iniwan niya nanaman ako. Hindi ko alam kung anong gusto kong gawin sa kaniya nung panahon na yun. Hindi ko siya ma-gets most of the time. Palaging ganun. Magtatanong siya tapos kapag sumagot ako, aalis na lang siya.

Simula ng araw na yun, hindi ko na siya gaanong nilalapitan. Madalas na kasi akong napapahiya dahil sa ginagawa niya. Madalas pa, iniiwan niya ako sa harap ng maraming tao. Ang tingin tuloy, para akong naghahabol sa kaniya. Wag na uy.

Tatlong sem na ang nakakalipas. Classmates pa rin kami sa NatSci, at may bago pa. Magkatabi na kami. Nagbawas kasi ng upuan yung janitor kaya no choice kami kundi magtabi. Pero hindi sobrang magkatabi. Syempre, ako nanaman itong parang may nakakahawang sakit at ilalayo niya yung upuan niya sa akin.

Isang araw, wednesday na ang natsci namin. Wala kaming prof dahil... ewan ko. Wala kaming magawa dahil wala namang binigay na assignment sa amin kaya pati yung monitor namin, wala na ring nagawa. Umuulan ng malakas. Kakatapos lang ng new year at umuulan nanaman ng malakas.

"Sana lumakas pa yung ulan." narinig kong bulong niya.

"Uy grabe, wala akong payong. Wag naman ganyan." kinausap ko siya kahit alam kong walang pag-asang sagutin niya ako.

Lumingon siya sa akin. "Akala ko ba nabasa mo yung letter?"

Kumunot ang noo ko. "Ano naman kung nabasa ko? Anong connect nun sa ulan?"

"Wala. Wala."


Napangiti ako. Sa loob ng ilang buwan naming magkatabi tuwing natsci, paunti-unti, nagbabago siya. Siguro, new year's resolution niya ay wag na akong iwan sa ere. Dalawang beses ko na siyang binalahura ngayong taon pero hindi pa rin siya nagwo-walkout.

Naisipan kong tanungin siya, "Nabigay mo na ba yung letter sa kaniya?"

"Hindi pa."

"Hala! Bakit naman?!"

"Hindi ko na yun ibibigay."

"Bakit?!"

"Basta, hindi ko na ibibigay."

"Bakit nga eh. Potspa."

"Kasi may boyfriend na siya." iniwan niya nanaman ako. Bigla na lang siyang nagdabog at lumabas ng room. Ganun ba siya ka-affected? Sabagay, masakit nga siguro yung malaman mong yung matagal mo nang gusto ay taken na pala. Tsk tsk.

Simula nung araw na yun, hindi na siya pumapasok. Minsan, nakita ko siya sa isang barber shop, pero nung nakita niya ko, hindi na siya tumuloy magpagupit. Ilag na ilag siya sa akin. Nakikita ko naman siyang nakikipag-usap sa iba. Sa akin lang talaga hindi. Gusto ko siyang i-text since may number ako niya pero hindi ko magawa. Gusto kong sabihin na miss ko na siya. Syempre, kahit papano, kaibigan na ang turing ko sa kaniya. Siya lang kaya ang ka-close ko sa school... tapos... iniiwasan niya pa ko.


"Uy." biglang may lalaking tumabi sa akin isang araw. Nagulat ako nang makita ko siya. Straight face pa rin. At pumayat siya. Nakapants siya at simpleng t-shirt.

"U-uy." Hindi ko alam kung bakit bigla akong kinabahan sa presensya niya. Hindi naman namin first time magkatabi. Hindi ko alam kung bakit parang may iba sa aura niya na ako lang ang nakakapansin.

"Musta?"

"Tinatanong mo talaga ako?"

"Oo nga, kamusta?"

"Wow, hindi ka na nag-walkout."

"Tss..."

Napangiti ako ng malapad kaya tinignan niya ako na parang nawi-weirduhan siya sakin. Tinawanan ko lang siya. "San ka ba galing? Bakit ang tagal mo atang umiwas sakin?"

"Wala lang."

"Weh. Wala lang daw. Heart broken ka pa rin kay Hazel?"

"Tss. Wag na nga natin siyang pag-usapan."

"Ikee!"

"Tsk. Ewan ko sayo." tumayo siya at mabilis na naglakad. Tumayo rin ako at hinabol siya. First time ko siyang pinigilan. Mukhang nagtaka naman siya dahil hinila ko yung t-shirt niya. "Ano?"

"Gusto kita." nakangiti ako na alanganin. Hindi ito ang unang beses na aamin ako sa isang tao na gusto ko. Bilib nga ang mga tao sakin dahil magaling ako mag-express ng nararamdaman through words. Aaminin kong, kinakabahan ako tuwing umaamin sa isang tao na gusto ko sila pero... syempre, lakasan na lang ng loob.

"Ayoko sayo." ang isinagot niya sakin. Napabitaw ako sa pagkakahawak ng t-shirt niya. Parang gusto kong ngumawa. First time kong sabihan ng ayoko sayo sa harap ng mukha ko. Sure, kapag umaamin ako sa mga taong gusto ko, alam ko namang hindi nila ako gusto pabalik pero at least hindi nila sinasabi sa akin na ayaw nila sakin. Ang sakit kaya nun.

"Ayaw mo sakin?" tinignan ko siya ng masama. "EDI WAG!" padabog ako lumakad palayo sa kaniya. Hindi ko alam kung pinapanuod niya ako maglakad, o baka naman wala talaga siyang pakialam kaya naglakad na rin siya palayo. Ewan ko na! Basta ang alam ko, nabahiran ng dugo ang ego ko!

Nabigla ako nang may humawak sa balikat ko kaya napalingon ako. Nagulat ako nang makita ko siya. Walang emosyon yung mukha niya.



"Magaling ka lang magbasa pero hindi ka marunong umintindi."

"Huh?! Akala ko ba ayaw mo sakin?! Bakit ngayon--" natigilan ako sa pagsasalita dahil ngumiti siya. Tunay na ngiti. Tipid pero alam mong totoo.

"Hindi ko binigay yung sulat kay Hazel kasi... andyan ka naman."

Hindi ako nakasagot.

Tinulak niya yung ulo ko gamit yung hintuturo niya. "Ayoko sayo. Sobrang ayoko sayo, Maxene."

THE END.

SHORT STORIESTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon