HE
Umuulan nanaman. Napatingin ako sa bintana katapat ng study table ko at humalumbaba. Sobrang dilim ng langit tapos kumukulog at kumikidlat pa. Kinuha ko ang dSLR ko at kumuha ng litrato. Maganda yung nakuhaan ko. Maitim na mga ulap pero may isang bilog na parang star ang kumikislap.
Naalala ko siya. Sa kabila ng masalimuot kong nakaraan, sa kabila ng madilim na alaalang nakapalibot sa akin, andyan siya. Pilit na pinapaliwanag ang buhay ko. Siya yung taong palaging andyan kapag wala akong makausap o makasama. Siya yung taong palaging nagpapahid ng luha ko kapag umiiyak. Siya yung taong palaging nagpapatawa sa akin kapag wala na akong makitang dahilan para ngumiti pa. Siya ang kumupleto ng buhay ko.
Naaalala ko, noong unang araw ko sa college, pinilit niya pa akong ihatid sa bawat classroom ko. Kapag introduction, makikita ko siya sa window ng pintuan at nakangiti. Mababasa mo ang labi niya na nagsasabing "Kaya mo yan!".
Noong 18th birthday ko, hindi niya ako binigyan ng rosas, hindi niya ako sinayaw, hindi niya ako binigyan ng message. Binigyan niya lang ako ng ticket sa finals ng PBA. Iyon ang pinakamasayang birthday ko sa buong buhay ko. Kasama ko siyang mag-cheer sa Ginebra kontra Alaska noong mga panahong yun. Lahat ng makikita kong nag-iikot na nagbebenta ng pagkain, tinuturo ko at nagpapabili ako. Wala siyang sinasabi. Ngumingiti lang siya. Last 9 seconds ng laro, naka-nganga akong nag-aabang sa pagtira ni Tenorio ng three points para manalo na sila. Bigla niyang tinakpan yung mata ko at bumulong ng "Happy 18th birthday..." at kasabay naman nun ang buzzer beat at ang sigawan ng mga tao. Nainis ako sa kaniya dahil sa pagtakip niya sa mata ko. Hindi ko tuloy nakita kung paano nai-shoot ni Tenorio yung tira niya. Pero napawi yung inis ko nung nginitian niya ko. Sinagot ko siya ng "Thank you... sobra."
Nang nakapagtapos ako ng pag-aaral sa kolehiyo, siya ang taong pinakamasaya. Masaya ako na siya ang naging number 1 audience ko nung araw ng graduation ko. Proud na proud siya sa akin na ako ang naging summa cum laude ng batch namin. Bawat minuto, kinukuhaan niya ako ng litrato. Nilibre niya pa ako sa isang chinese restaurant sa Manila kahit alam kong wala naman siyang pera.
Pero dumating ang isang araw, nakita ko siyang may kasamang ibang babae. Bilang may karapatan ako, sinugod ko silang dalawa ng babae niya. Sinampal ko sila parehas. Hindi ako matigil sa pag-iyak. Ang buong akala ko, kuntento na siya sa akin. Ang buong akala ko, masaya na siya sa akin. Pero hindi ko alam, habang nakatalikod pala ako, ginawa niya yun.
"Hindi mo ko mahal!" sinabi ko habang umiiyak. Umiiyak din siya at pilit akong hinila. Pero hindi niya ako nakuha. Galit na galit ako sa kaniya. Hindi ko inaasahang magagawa niya to sa akin.
Sinabi niya sa akin "Mahal kita." pero hindi ako naniwala. Kung talagang mahal niya ako, hindi na siya maghahanap pa ng ibang babae. Kung talagang mahal niya ako, ako pa lang sapat na. Akala ko masaya na kami, pero hindi pa pala.
Naglayas ako sa bahay. Hindi ako nagpakita sa kaniya, sa mga kaibigan ko, sa kahit kanino. Pumunta ako sa malayong lugar. May trabaho ako kaya may pangtustos naman ako. Hindi ko siya kayang makita. Hindi ko kayang makita ang lalaking nanloko sa akin.
Nakahanap ako ng lalaking tunay na magmamahal sa akin. Katrabaho ko siya sa bangkong pinapasukan ko. Mahigit pitong buwan niya ata akong niligawan. Kahit papaano, nakalimutan ko ang masalimuot kong nakaraan dahil kasama ko ang tunay na lalaking nagmamahal sa akin.
Lumipas ang dalawang taon, sapat para yayain niya akong magpakasal. Walang pag-aalinlangang pumayag ako sa alok niya. Tutal, pinakita niya naman sa akin kung gaano niya ako kamahal. Tumira kami sa isang bahay, ilang buwan lang at nagbuntis ako. Masaya ako at masaya rin siya. Hindi ko na siguro babalikan ang nakaraan.