PAPER
"Isulat niyo sa isang piraso ng papel lahat ng tungkol sa sarili niyo."
Kumuha ako ng isang pirasong yellow paper mula sa bag ko. Nasa pinakadulo akong parte ng classroom kaya nakikita ko ang mga ginagawa ng mga bago kong kaklase.
Sa unahang parte ng classroom nakaupo ang mga babaeng may malalaking uniform at ang dalawa sa kanila ay nakasuot ng salamin. Sa gitnang parte naman ay ang mga lalaki't babae't magkakaibigan na panay ang kwentuhan tungkol sa nangyari sa kanila nung highschool.
At ako, eto nag-iisa sa likod. Walang katabi. Solo ang huling row. Natututukan ng wall fan na siyang gumugulo sa buhok ko. Ang ganda naman ng unang araw ng kolehiyo ko.
Muli kong ibinaling ang tingin ko sa papel ko at nag-iisip kung anong isusulat. Tungkol sa sarili ko? Ilang paragraph ba ang gusto ni ma'am? Ilang sentences at words ba para matapos na ang klaseng to?
Bahala na. Basta isusulat ko kahit anong maisip ko.
**
Alessandra Mae Joaquin BSEd Major in SpEd1C June 13, 2013
Ako; isang taga-mandaluyong city na napadpad sa laguna para mag-aral sa matagal ko ng pangarap na pasukan na eskwelahan, ang Unibersidad ng Pilipinas. Pinalad ako, at ngayon andito ako ngayon sa pinakadulong parte ng silid. Hindi ko aakalaing makakapasok ako dito sa UP. Sa totoo niyan, walang myembro ng pamilya ko ang umasa na makakapasok ako sa school na to. Ewan ko ba sa kanila kung bakit wala silang tiwala sakin. Pero ano ngayon? Andito ako ngayon. Habang sila, nasa manila, walang trabaho. Ang mga anak nila, hindi nag-aaral. Panibhasa, wala silang magawa kundi manghusga sa kakayahan ko.
Ako; isang hindi kagandahang babae. Tanggap ko naman yun. Hindi ako kaputian, hindi rin katangkaran, walang araw na walang tumutubong bagong taghiyawat sa pisngi ko. Ako ay isang babaeng napaka-oily ng mukha. Panibhasa, hindi ako palaayos. Ni pulbos, hindi ako naglalagay. Hindi kasi ako sanay eh. Syempre, dahil hindi ako marunong maglagay ng pulbo, hindi rin ako marunong mag-make up. Hindi nakapagtatakang karamihan ng kaibigan ko ay lalaki. Pero naranasan ko minsan magmake-up. Babae rin naman ako kaya syempre may lalaki akong nagugustuhan. Isang beses noong highschool, class picture kaya napilitan akong magmake-up. Naisip ko kasi na baka kapag nag-ayos ako, makita na ko ng lalaking gusto ko. Pero, olats, hindi ako napansin. Kahit tignan, hindi niya nagawa. Pakamatay na lang ako.
Ako; isang babaeng nabulag sa mga nababasa kong storya sa internet. Mahilig kasi akong magbasa. Ako yung tipo ng tao na kahit road signs, babasahin ko. Hangga't may nakikita akong letra, magbabasa ako. Kaya ako, eto, sa inaasahang pagkakataon, nabulag sa mga pangyayari na hindi maipagkakailang hindi maaaring mangyari sa realidad. Simula nang natutuhan kong magbasa ng mga internet novels, hindi ko na alam ang pinagkaiba ng realidad sa imahinasyon. Katulad na lang ng pagsasakripisyo ng lalaki ng sarili nyang buhay para sa taong mahal niya. Wala naman talagang ganun sa totoong buhay. Kung meron man, hindi ako naniniwala.
Ako; isa sa mga taong patuloy na nagpapalinlang sa imahinasyon ng mga manunulat. Sa sobrang galing nilang magsulat ng mga storya, nagka-deperensya ako sa pag-iisip. Ewan ko pero ayun yung nasa isip ko. Pakiramdam ko baliw na ko. Dahil sa pagiging "hopeless romantic" ko, dahil sa sobrang pagmamahal ko sa imahinasyon ng ibang tao, halos lahat ng lalaking nakakasalubong ko sa mga lugar na pinupuntahan ko, nagagawan ko ng storya sa utak ko. Gets mo ba, ma'am? Alam mo yun? Kapag halimbawa, may nakita akong gwapong lalaki sa kabilang side ng escalator, kapag nagkatinginan kami, nakagagawa ako ng storya naming dalawa. Storya kung paano kami magkakaibigan. Ganyan ako kahibang.
Ako; na hindi naman porke may pagka-lalaki ako kumilos, hindi na ako nagkakagusto sa mga lalaki. Sabi nga ng mga kaibigan ko, ako raw yung tipo ng babae na kahit walang lovelife basta maraming gwapong lalaki sa paligid ko, kuntento na ako. Kung alam lang nila... hindi sila nagkakamali. Bilang isang babae, hindi ko naiiwasang hindi magkagusto sa mga lalaking gwapo kahit unang beses ko pa lang sila makita. Kaya nga may nakapag-sabi sa akin, isang lalaki, "playgirl" daw ako. Nagtaka ako at nainis ng kaunti. Paano ako naging "playgirl" kung wala pa naman akong nagiging boyfriend? Ang labo diba. Kaya nga naiinis ako nung sinabihan ako nun. Sinabihan ng isang lalaking nagustuhan ko noon. Badtrip.
Ako; na hindi pa nakakaranas kung paano magustuhan ng isang lalaki. Yung magustuhan na alam mong totoo siya sa nararamdaman niya. Oo, naranasan ko nang maligawan ng isang lalaki noon. Sinabi niya sa aking may gusto siya sakin. Kung di ako nagkakamali, sinabihan niya pa nga ako ng "I love you". 2nd year highschool pa lang ako noon. Hindi ko naiwasang hindi mahulog sa patibong niya. Mabuti na lang at hindi ko pa siya sinasagot nung umamin siyang isang pustahan lang ang naganap. Mabuti na lang talaga.
Ako; na inggit na inggit sa isang matalik na kaibigan. Maganda siya, magkasing tangkad lang kami pero mabuti siya. Maganda ang bagsak ng buhok niya, maganda ang labi niya dahil panay ang lagay niya ng lipstick. Marunong siyang pumorma ng naaayon sa okasyon. At maraming nanliligaw sa kaniya. Hindi ko mapigilang hindi mainggit sa kaniya minsan. Paano, kapag magkasama kami, nagmumukha akong katulong dahil sa damit na suot ko. Habang siya napaka-sosyal ng suot, samantalang ako, straight-cut jeans plus plain white t-shirt. Yagit. Baduy. Hindi kaaakit-akit. Masaklap.
Ako; bilang isang anak, mabait. Masunuring anak. Hindi ko masasabing close kami ng mga magulang ko. Oo, nakikipagbiruan ako sa kanila minsan. Pero katulad ng maraming kabataan ngayon, hindi ko pa sila nasusubukang yakapin o sabihan ng "I love you" eye to eye, heart to heart etc. Pero mahal ko ang mga magulang ko--kahit hindi sila nagtiwala sa kakayahan ko na makapasok sa UP. Basta, ayun, kahit hindi nila ako paborito o mahal na mahal. Mahal na mahal na mahal na mahal na mahal ko naman sila... unconditionally.
Ako; bilang isang kapatid sa tatlong babae at isang lalaki, hindi ko masasabing mabuti akong kapatid. Lumaki akong panay ang utos sakin ng mga ate at kuya ko (dahil ako ng bunso, badtrip). Pero nung lumaki ako, ni pagwalisin sa bahay hindi na nila kayang iutos sakin. Natuto na kasi akong sumagot sa kanila. Patas lang, katumbas na yun ng lahat ng utos nila sakin nung bata ako.
Ako; teka, balik tayo sa usapang lalaki. Mas marami kasi akong nasusulat kapag tungkol sa mga gwapo ang usapan. Ayon, ngayon, nagmamahal ako ng isang lalaking hindi ko kilala at hindi rin ako kilala. Nakilala ko lang siya sa isang messaging app na kahit sino pwedeng mag-add sayo. Siya ang nag-add sakin. Siguro mahigit tatlong buwan na rin mula nung in-add niya ko. Pero hanggang dun lang yun, in-add niya lang ako--pero wala naman siyang message para sakin. So lumalabas, pandagdag contacts lang ako. Bilang ako, walang magawa at makausap, nauna ko siyang kausapin. Nag-send ako sa kaniya ng sticker ng bear na nagwe-wave. Hindi ko alam kung bakit sobrang yung ngiti ko nung nagreply siya ng isang smiley. Hanggang sa nagkapalitan kami ng mga impormasyon tungkol sa mga sarili namin. Isa siyang 2nd year college sa Technological University of the Philippines (TUP), Marketing yung course niya at... single. Masarap siyang kausap. Palagi siyang nagrereact sa status ko kada nagpapalit ako. Napapatawa niya ko sa walang kahirap-hirap na paraan. Ewan, may iba sa kaniya na gustong-gusto ko. I mean, gusto ko pala siya. Hindi naman masamang magkagusto sa taong hindi mo kilala diba? Hindi masama pero mahirap. Hindi mo kasi alam kung ano bang ginagawa niya sa buhay niya habang hindi mo siya nakakausap through that messaging app. Marc nga pala ang pangalan niya. Mahigit isang linggo ko na siyang hindi nakakausap. Namimiss ko na nga siya eh. Pasensya na kayo ma'am at naisali ko pa to dito, nalulungkot lang kasi ako dahil hindi ko na siya nakausap simula last sunday.
Sana, parang storya lang to sa internet. "Strangers became lovers" sana ang kahantungan namin. Iniisip ko nga, baka anak niyo si Marc, ma'am. Sobrang hopeless romantic ko na at kung anu-ano na tong pinag-iisip ko. Hindi ko alam, ma'am. Mahal k--
Biglang nilipad yung papel ko. Lumingon ako sa kaliwa ko pero wala naman dun yung papel ko. Ganun din sa kanan. Bigla akong napaisip... paano kapag may nakabasa nun at yun ay walang iba kundi si Marc? Ayoko na. Ayoko na mag-isip ng kung anu-anong bagay. Tama na sa imahinasyon, Aless. Wag mo nang pahirapan ang sarili mo. Kahit kailan hindi mo makikita sa personal si Marc. Wag mo na siyang mahalin, Aless. Wala kayong pag-asa. Hindi mo alam, may masama nang nangyari sa kaniya kaya hindi na siya nakakapag-online. Tigilan mo na ang kahibangan, Aless. Walang totoo sa mga pinag-iisip mo. Iniisip mo na baka may nangyaring masama sa kaniya at sabihin niya sayo kung na saang ospital siya? Hindi ka niya kilala, Aless. Alam niya lang ang pangalan mo, ilang taon ka na, anong course mo at kung saan ka nag-aaral. Tama na ang pag-iilusyon, Alessandra. Tama na.
"Miss, yung papel mo, nalaglag mo ata."
Lumingon ako at may nakitang lalaking nakangiti sa kanan ko. Ang gwapo niya. Sobrang lalim ng dimples niya at ang kapal ng kilay niya (which is gusto ko sa isang lalaki). Naka-braces din siya na color lime (na favorite color ko). Tadhana, anong gusto mong palabasin?
Eto nanaman ba tayo?
THE END